4,939 guests

Tulungan ang mga biktima ng kalamidad

  • Written by Magi Gunigundo
  • Published in Opinion
  • Read: 264

Leksyon ng nakaraan na maituturing ang pagkilos na ginagawa ngayon ng ilan nating kababayang apektado ng mga nagdaang kalamidad.

Kaya naman sa dami ng mga pagsubok na dumarating sa atin, dapat itong tingnan bilang magandang pagkakataon upang muling maipakita ang ating kakayahang magtulungan.
   
Matapos ang pananalasa ng bagyong Lawin na puminsala ng maraming ari-arian, nakakatuwang malaman na nagpaabot na rin ng tulong ang mga dating biktima ng supertyphoon Yolanda sa mga biktima naman ng itinuturing na pangalawang pinakamalakas na sama ng panahon o ang supertyphoon Lawin.
   
Ang dalawang bagyo ay ipinagkumpara dahil bagama’t mas malakas ang ‘Yolanda,’ mas malawak naman ang sakop ng ‘Lawin.’
   
Kabilang sa nanguna sa paghahatid ng tulong  sa mga apektado ng bagyong Lawin ay ang mga lokal na opisyales ng Eastern Visayas.
   
Para sa ‘Yolanda’ survivors, naranasan din nila ang matinding pagkasalanta kaya batid nila ang pakiramdam ng mga tinamaan ng nagdaang bagyo.
   
Kaya naman maliban sa inihatid na materyal na tulong, kinausap din ng ilang ‘Yolanda’ survivors ang mga nawalan ng kaanak, nasiraan ng bahay at kabuhayan  upang bigyan ng ibayong pag-asa sa buhay.
   
Pero maliban sa mga naging biktima ng kalamidad, maaari rin namang umayuda ang ilan nating mga kababayang mapalad na hindi nakakaranas ng dagok na dinaranas ng ilan nating kababayan.
   
Kung kabilang kayo sa mapapalad nating kababayan, maaari bang isipin mo naman ang mga biktima ng kalamidad, maaari bang isipin mo ang batang nakahiga ngayon sa malamig na kongkreto dahil ang bahay at kabuhayan nila ay tinangay ng rumaragasang baha?
   
Sa araw na ito, kasama ng milyun-milyong Pilipino, maaari bang pagkalooban mo -- ikaw na ligtas sa kalamidad -- ang mga nahihirapang kababayan. Hindi mahalaga ang laki ng ibibigay o dami. Ang mahalaga ay ang nilalaman ng iyong puso habang ginagawa ang makabuluhang gawaing magbahagi sa kaniyang kapwa.
   
Mapait ang maging biktima ng kalamidad. Ngunit nababawasan ang pait na ito kung ipararamdam natin na may handang dumamay sa kanila.
   
Pag-usapan natin ang tulong. Hindi naman lahat kasi ay natutumbasan ng halaga. Maraming paraan upang turuan ang iyong sarili ng pagtulong. May kabila ang lahat ng pangit na mukha ng kalamidad. Sa likod nito ang pagsasama-sama, pagkakaisa ng mga kababayan natin upang tulungan ang mga nasalanta.
   
Anumang tulong mo ay malayo ang mararating. Huwag mong ipagkait sa iyong sarili ang magandang idinudulot ng pagtulong sa iyong pagkatao.