7,102 guests

Tumakas na PCSO scam suspek, nasa PH na!

  • Written by Marlon Purificacion
  • Published in Opinion
  • Read: 379

On the beat

BUMALIK na sa bansa ang kasamang a­kusado ng dating Pa­ngulong Gloria Ma­capagal-Arroyo sa tinatawag na Philippine Charity  Sweepstakes Office (PCSO) scam matapos ang ilang taong  pagtatago sa mga alagad ng batas.

Si Fatima Abad Santos Valdez, dating director ng PCSO, ay  dumating sa Pilipinas noong nagdaang Martes, Oktubre 11.

Sa pamamagitan ng travel document, pinalusot ng ating mga  Bureau of Immigration official si Valdez sa Terminal 3 ng  Ninoy Aquino International Airport (NAIA) mula sa flight  number SQ918.

Ayon sa ating source, isinailalim na sa imbestigasyon ng  National Bureau of Investigation (NBI) si Valdez, ngunit  hindi malinaw hanggang kahapon ng umaga kung nakakulong ito.  Maselan na raw kasi ang kalagayan ng 68-taong gulang na ginang na naka-pacemaker na rin ngayon bunsod ng sakit sa puso.

Nagtago sa bansang New Zealand, nagpasyang bumalik sa  Pilipinas ang dating opisyal dahil nakakita ng pag-asa ang  pamilya ng biktima na makalusot din sa kinasangkutang P366  million PCSO scam nang ibasura ng Korte Suprema ang kaso ng dating Pangulo at ngayo’y House Deputy Speaker Gloria  Macapagal-Arroyo.

Sa botong 11-4, hindi nakitaan ng supisyenteng ebidensiya  para papanagutin sa plunder case si Arroyo patungkol sa  maling paggamit sa multi-million peso confidential  intelligence fund ng PCSO mula noong taong 2008-2010.
     
Habang nagtatago, si Arroyo ay nakulong naman o isinailalim  sa hospital arrest sa loob ng limang taon.
   
Kasama nina Arroyo at Valdez na kinasuhan ng pandarambong sa  Sandiganbayan sina dating PCSO General Manager at Vice  Chairman Rosario Uriarte; Board of Directors Manuel Mo­rato,  Jose Taruc, Ray­mundo Roquero, Ma. Fatima Valdes, Budget and  Accounts Manager Benigno Aguas, Commission on Audit (COA)  Chairman Reynaldo Villar at dating COA’s CIF Fraud Audit  Unit head Nilda Plaras.
   
Nagdusa sa kasalanang hindi nila ginawa ang grupo ni Arroyo.
     
Ang tanong ngayon ay kailan naman kaya papanagutin si dating  Pangulong Noynoy Aquino tungkol sa multi-billion peso na  Disbursement Acceleration Program (DAP) ni PNoy, kasama sina  dating Budget Sec. Butch Abad at iba pang opisyal ng Liberal  Party (LP).
   
Higit na mas malala kasi ang anomalya sa DAP kumpara sa  tinatawag na maling paggamit sa pondo ng PCSO.

* * *
   
Unti-unti nang luma­labas ang kulay dilaw sa mga banat at atake laban kay Pangulong Digong Duterte.
     
Bukod sa garapalang pang-uurot sa bansang Amerika at European Union (EU), may nakaambang imbestigasyon  naman ngayon ang International Criminal Court (ICC).
   
Hindi talaga titigil ang mga kritiko ng Duterte  administration hangga’t hindi nila nakikitang bumagsak si  Digong.
     
Sa halip na tumulong na lang para masupil ang malalang  problema sa droga na walang ibang may kasalanan kundi ang  nagdaang Aquino administration, pinapalabas pa nilang si  Duterte na yata ang pinakamasamang tao sa bansa.
   
Walang ibang natutuwa sa tuwing ‘binu-bully’ ng  malalaking bansa si Duterte kundi ang mga sindikato mismo ng  droga.
   
Naniniwala ako na sa mga susunod na araw, buwan o taon,  ilalantad din ng Duterte administration ang iba pang dating  opisyal ng administrasyong Aquino na pasimuno kundi man  protector ng sindikato sa ipinagbabawal na gamot.
   
Iyong tipong bukas-makalawa, baka lumabas ang katotohanang  bukod sa narco generals, narco politicians ay mayroon tayong  narco-noy o narco-choa na silang punu’t dulo kung bakit  umabot sa apat na mil­yon Pinoy ang lulong ngayon sa ipinagbabawal na gamot.