4,689 guests

Suportahan si Pangulong DU30 sa pagsugpo sa krimen

  • Written by Jay De Castro
  • Published in Opinion
  • Read: 315

Magkaisa para sa bayan

BUNGA ng kampanya ni Presidente Rody Duterte laban sa droga, na nagresulta sa pagkamatay ng 3,000 drug pushers at addicts (1,400 sa lehitimong police operation), nakatanggap siya ng pula mula sa United Nations, United States at European Union.

Binatikos siya ng western media na inilathalang karamihan sa mga namatay ay biktima ng extra-judicial killings. Hindi nila sinabi na ang mas malaking bilang ng namatay ay gawa ng  vigilantes o sindikato sa droga na nagpapatayan dahil sa estapahan sa negosyo sa droga.

Ito’y sinamantala ng “pwersang dilaw” ng dating Pangulo, na kamakailan ay nanawagan sa mga mamamayan sa pamamagitan ng text na magtungo sa EDSA Shrine upang patalsikin si Pangulong Duterte.

Walang nangyari sa “dilaw” na panawagan, sapagkat suportado ng higit 90% ng mga mamamayan ang Pangulo.

Hindi natin alam kung anong panggugulo ang gagawin ng “pwersang dilaw” sa darating na mga araw, upang pabagsakin ang ating Pangulo.
   
Gano’n pa man, dahil ramdam natin ang mga pagbabagong ginagawa ni Duterte, tungkulin nating siya’y suportahan para sa kabutihan ng bayan at kaligtasan  ng mga mamamayan.
   
Dahil ang sentro ng kanyang programa ay pagsugpo sa krimen, tumulong tayo sa paglaban rito, sa paraang hindi mapapahamak ang ating sarili at pamilya.
   
Kung may alam tayong nagtutulak ng droga sa ating barangay ay ipaalam ito sa punong barangay o pinakamalapit na pulisya sa ating tirahan. Kung hindi sila kikilos ay ipaabot natin ito sa nakatataas sa kanila, sa punong bayan o hepe ng pulisya.
   
Kung hindi rin kumilos ang mga nabanggit, paabutin ang ating reklamo sa mga pari o pastor ng ating simbahan o sa media, upang magawan ng paraan o mailathala ang paglabag sa batas na ating nalaman o nasaksihan.
   
Maaari nating ibigay o hindi ang ating pangalan.
   
Ang pamahalaan ay nag-iimbestiga ng mga krimen at katiwaliang nagaganap sa ating bayan, bagama’t ang reklamo ay walang pangalan. Banggitin lang natin kung sino ang gumawa ng krimen, saan, kailan at kung paano ito nangyari. 
   
Kung nangangamba sa maaaring mangyari sa inyo bunga ng inyong sumbong,  i-text lang ang mga nabanggit na detalye sa pulis at ito’y kanilang aaksyunan.
   
Maaari rin kayong mag-text sa akin, sa 0915-7799-777 at ako na ang bahalang magparating nito sa kinauukulan.

MGA KAPATIRAN KONTRA DROGA
   
Tinatawagan ko ang mga miyembro ng kapatirang ALPHA KAPPA RHO, ALPHA PHI OMEGA, CAPAZCEPA, SCOUT ROYAL BROTHERHOOD at TAU GAMMA PHI, na kasapi sa Nagkakaisang Kapatiran para sa Bayan at Kabataan (NKBK), na dumalo sa isang symposium o seminar, tungkol sa iligal na droga, na gagawin sa September 29, 2016, ganap na alas-9 ng umaga hanggang ala-1 ng hapon, sa National  Press Club Building, Magallanes Drive, Intramuros, Manila, malapit sa Central Post Office, Liwasang Bonifacio, Manila.
   
Ang symposium ay tulong ng NKBK sa kampanya ni Pangulong  Rodrigo Duterte  laban sa droga at inilunsad upang hikayatin ang mga estudyanteng miyembro ng mga kapatirang kasapi sa NKBK, na iwasan ang droga at pigilan ang paglaganap nito sa kampus.
   
Ang dadalo sa symposium ay mga estudyanteng miyembro at community chapters ng AKRHO, APO, CAPAZCEPA, SRB at TGP at mga aktibo at retiradong opisyal ng AFP at PNP, mga piskal at huwes, na alumni ng mga nasabing fraternity.
   
Ang speaker sa okasyon ay si Capt. Martin “Bobot” Dino, chairman ng Volunteers Against Crime and Corruption (VACC”) at Aiza Seguerra, chairperson ng  National Youth Commission (NYC),  na magsasalita tungkol sa programa ng NYC,  para proteksyunan ang kabataan sa iligal na droga.
   
Ang symposium ay bahagi ng mga proyektong gagawin ng NKBK sa pakikipagtulungan sa Nagkakaisang Pilipino Para sa Pagbabago (NP3), na binubuo ng iba’t-ibang samahan na pinangungunahan ng Lex Talionis Fraternitas, Inc., na sumusuporta sa mga pagpapabagong  ginagawa ng pamahalaang Duterte.