5,021 guests

Droga sa perya

  • Written by Marlon Purificacion
  • Published in Opinion
  • Read: 277

TULOY ang kampanya ng Philippine National Police (PNP) laban sa ipi­nagbabawal na gamot.

Lahat ng puwedeng puntahan ng ‘Oplan Tokhang’ ay ginagawa na rin ng mga tauhan ni PNP chief Director General Ronald ‘Bato’ dela Rosa.

Dati, sumisigaw ang ‘human rights advocates’ na mga mahihirap at pobreng tulak lamang ang nahuhuli at napapatay ng PNP. Pero ngayon, pati mga malalaking night clubs ng mga mayayaman at exclusive subdivisions ay inaabot na rin ng Oplan Tokhang.
    
Sinalakay na rin ang mga kabahayan ng mga Parojinog na sinasabing pinakamalaking tulak sa Masbate at napatay na rin ang mag-asawang Melvin at Meriam Odicta na sinasabing drug lord sa Iloilo province ay napatay na ng hindi pa kilalang kalalakihan pero marami ang nagsasabi na kung hindi vigilante ang pumaslang sa kanila ay mga sindikato mismo sa droga ang nasa likod ng krimen.
    
Sa Senado, bukod sa hearing ni Senadora Leila de Lima patungkol sa Extra Judicial Killings ay may hiwalay namang imbestigasyon ang komite nina Senators Panfilo Lacson, Tito Sotto at Gregorio Honasan para isulong ang pagbibigay exemption sa mga awtoridad sa ‘wiretapping law,’ lalo kung operasyon kontra droga ang ginagawa ng mga awtoridad.
    
Sa mga oras na ito’y posible na ring umabot sa 1,000 katao na ang napapatay na may kinalaman din sa problema sa ipinagbabawal na gamot.
    
Ang lahat ng pangyayaring ito ay patunay na desidido ang Duterte administration na makamit ang ipina­ngakong masusugpo ang illegal drugs sa loob ng anim na buwan na magtatapos ngayong buwan ng Disyembre.
    
Kahit sino ang tanungin natin ngayon, karamihan sa kanila ay umaayon, pumapayag at nakikiisa sa kampanya ng Pangulong Duterte kontra sa ipinagbabawal na gamot.
    
Dito natin nais manawagan kina CPNP Bato at kay Police Regional Office (PRO) 4a director Chief Supt. Valfrie Tabian.
   
May report kasing dumating sa akin na ginagamit na ring lugar ng transaksiyon sa droga ang mga perya sa CALABARZON (Cavite, Laguna, Batangas, Rizal at Quezon).
    
Tulad ng perya operator na si Marty Adik na may puwesto sa Bgy. Tanza, Batangas. Sa halip kasing matakot ang kumag na ’to, lalo pa siyang nagmamalaki na ‘untouchable’ ang kanyang puwesto kasi regular daw ang ipinararating nilang tongpat sa ilang kapulisan ng PRO4a.
    
Sa bayan ng Padre Garcia ay may puwesto ng perya  ang isang Romil; sina Terry at Baby Pa­nganiban sa Balayan, Batangas.
    
Tanungin na rin si Chairman Bino sa San Nicolas, Lemery kung totoo bang front din ng ipinagbabawal na gamot ang pe­ryahan sa kanilang lugar.
    
Kasi, isang PO2 Adlaw daw ang protector dito na hindi tayo sigurado kung ninja cop din ito.
    
Alam kong hindi papayagan ito ni Gen. Tabian pero kung ako sa kanya, unahin ko nang atasan si Sr. Supt. Leopoldo Cabanag, director ng Batangas Police Provincial Office, para ipabuwag ang lahat ng perya sa lalawigan.
 
Sa Laguna kung saan ay area of jurisdiction ni Sr. Supt. Joel Pernito bilang police provincial commander, dapat ay atasan na rin siya ng heneral para ipasara ang mga peryahan sa Banaybanay, Cabuyao; Balibago Sta. Rosa na minamantini ni Baby Panganiban, perya ni Mely sa Nagcarlan, Gigi sa Pagsanjan,  Jovy at Mely sa San Pablo ng nasabi ring lalawigan.
   
Sa Quezon province ay may ganito ring problema dahil talamak din umano ang bentahan ng shabu sa peryahan ni Finny sa Bgy. Dagatan, Tiaong at Sariaya, Quezon.
 
Sa Tayabas, Quezon ay may perya uli si Baby Panganiban, samantalang sa San Jose Highway sa bayan naman ng Montalban, Rizal ay may perya rin si Jossie na may ipinagmamalaking barangay chairman na adik din sa ipinagbabawal na gamot.
    
Ang mga impormasyong ito ay hindi dapat balewalain ng nabanggit nating police officials.