5,456 guests

Pokemon pinapa-ban sa QC!

  • Written by Cory Martinez at Sonny Sales
  • Published in Nation
  • Read: 595

PINAPAHINTO ng isang Quezon City councilor ang paglalaro ng Pokemon Go sa mga paaralan, simbahan at government offices sa siyudad.

Sa kanyang panukalang resolution, hiniling ni 5th District Councilor Allan Butch Francisco sa game developer Niantic, Inc. na huwag maglagay ng Pokespots sa lugar ng government offices, schools at churches para public safety at human decency. 

Sinabi ni Francisco maaaring itayo ito sa pubs, train stations, interesting architecture, malls at ibang edifices.
    
Idinagdag niya na ang government offices ay dapat ipagbawal ang Pokemon Go gamers dahil makakaapekto sa kanilang gawain. Dapat ipagbawal din sa schoolchildren dahil malalagay sila sa alanganin.
   
Kapag inaprubahan, bibigyan ng kopya ng resolusyon ang Niantic founder at chief executive officer John Hanke para sa information at appropriate action.
   
Nilinaw sa resolution na ang mga Amerikano ay tumanggi na sa paglabas ng Pokemon Go characters sa Holocaust Memorial Museum at sa Arlington National Cemetery samantalang hiniling na rin ng Auschwitz Birkenau State na nasa Museum sa Niantic na huwag isama ang dating former Nazi death camp sa laro upang mapa­ngalagaan ang kaligtasan at katahimikan ng lugar.
    
Iniulat na nagkaroon ng mga aksidente at kapansanan ang mga naglalaro ng Pokemon Go dahil nakapokus sila sa paglalaro.
    
Ang Pokemon Go, isang uri ng reality gaming application for iOS at Android mobile devices ay laganap na sa buong mundo, kabilang ang Pilipinas.
 
Samantala, pagkatapos ng isang lure party para sa “Pokemon” aficionados na inilunsad sa isang mall sa Naga City noong isang linggo, nahilig din ang mga kawani ng Naga City Hall na naging dahilan para ipagbawal ni City Mayor John G. Bongat sa mga kawani na maglaro at habulin ang “pokemon” virtual characters sa City Hall grounds.
   
Nagpalabas si Bongat nitong nakaraang linggo ng memorandum-order na mahigpit na ipinagbabawal sa mga kawani na maglaro pagkatapos na maiulat na ang Rizal monument sa tapat ng City Hall grounds ay isang “poke-stop” para sa virtual characters ng laro.
   
Iniulat na nahibang ang “Chainers”, o pokemon players at City hall sa paghuli sa virtual charaters, na nakita sa Rizal monument site sa City Hall kamakailan.
   
Sinabi ng Mayor sa local TV broadcast na kailangang ipagbawal ang laro sa City Hall dahil nawawalan ng pokus ang mga kawani sa kanilang trabaho.
   
Nagtakda ng penalties ang Mayor sa mga mahuhuling mga kawani na naglalaro nito sa oras ng trabaho. Kabilang sa pag-ban sa paglalaro ng ‘pokemon” ang city government employees at sa People’s Mall (City public market) sa Bicol Central Station (City bus terminal).
   
Nitong nakaraang linggo sa Bascaran, Daraga, Albay, isang 69 anyos na retired Philippine Air Force (PAF) serviceman, Renato Lim ang iniulat na nakuryente sa live-wire sa Albay Power Energy Corp. (APEC) habang naghahanap ng mobile phone signal at naglalaro ng pokemon game.
   
Si Lim ay idineklarang dead-on-arrival (DOA) sa isang local hospital, pagkatapos na makuryente habang nasa bubungan ng isang bahay sa Barangay Bascaran.