4,935 guests

Mga terminal sa kalsada

  • Written by Joey C. Papa
  • Published in Opinion
  • Read: 211

Bangon kalikasan

Ang mga “terminal” ng pampasaherong dyip sa mga pangunahing kalsada ay isa nang dagdag perhuwisyo sa krisis-trapik sa Kamaynilaan ngayon.

Hindi pa rin nawawala ang “terminal” sa may kanto ng Kamias Street at Edsa sa lunsod Quezon. Parang walang nakikitang nagrereklamong mga motorista ang mga kababayan nating tsuper sa lugar na ‘to. Nakatigil sila habang naghihintay ng pasahero sa kanto mismo ng Kamias Street. Nagkukuwentuhan pa ang mga tsuper.

Kaya ang mga lumilikong sasakyan sa Kamias natitigil habang humahaba na ang pila sa Edsa hanggang Nepa Q-mart. Makaaapekto na ito sa kahabaan ng Edsa.

Sa kanto ng Tayuman at Sta. Cruz Avenida ay ganito rin ang makikita. Matindi dito dahil nakatigil ang mga pampasaherong dyip mismo sa gitna ng kalsada. Wala silang pakialam kung mahihirapang dumaan ang iba pang sasakyan!
   
Ganito rin sa Gagalangin, Tundo Maynila malapit sa may Pampanga Street sa harap ng St. Joseph Parish. Magugulat ka na lang at matitigil ang mga sasakyan at hindi gumagalaw. ‘Yun pala’y nakatigil na sa gitna ng kalsada ang mga pampasaherong dyip habang ang mga tsuper nito’y sarap  na sarap din sa pagkukuwentuhan.
   
Sa lagi kong nakikitang mga ganitong tagpo, walang ginagawa ang mga traffic enforcer. Isang malaking tanong ay ang paggamit ng halos isang buong lane ng Commonwealth Avenue, QC sa harap ng isang malaking punerarya. Ang isang lane ay ginawa nang parking space ng punerarya kaya may hanapbuhay na ang mga lalaking nagbabantay at umaalalay sa mga pumaparadang sasakyan na pupunta sa mga burol sa punerarya.
   
Ang siste, ang mga sasakyang papalabas ng Tandang Sora ay humahaba na ang pila at bumabagal ang takbo dahil nag-iingat silang masagi ang mga sasakyang nakaparada sa kalsada sa harap ng malaking punerarya.
   
Maraming ganitong tagpo sa Kamaynilaan. Tulad din ng Eliptical Road sa QC. Nakaparada na ang mga pampasaherong dyip sa harap ng National Housing Authority.  Dito ang pila ng mga pasahero papunta kung saan-saan. Ang mga sasakyang galing ng Kalayaan Avenue palabas ng Elliptical Road, mabagal na ang daloy. Kaya makikita mula umaga hanggang gabi ang haba na ng trapik sa kahabaan ng Kalayaan Avenue patungong Elliptical Road. Sa umaga at gabi naman, ang kalayaan Avenue sa harap ng isang komunidad ng mahihirap na may police station ay isang nang mahabang terminal. Attention QC City Hall!
   
Totoong malaking magagawa ng lokal na pamahalaan sa pagpapagaan ng daloy ng trapiko lalo na sa mga alternate routes o inner streets. ‘Yung mga Uber at Grab taxi, ang mga dinadaanan nilang mga inner streets sa tulong ng Waze application ay mga kalyeng sa tagal ko na dito sa mundo ay ngayon ko lang nakita! Ibig sabihin ay mahalaga ang mga kalyeng ito dahil nakatutulong ng malaki sa pagpapaluwag ng trapik.
   
Ngunit kung ang mga inner streets na ito ay gagawing terminal o paparadahan o babalandrahan ng mga naghihintay na dyip pampasahero, masisira ang sistema ng Waze. Malamang na papaikot-ikutin ng Waze ang mga sasakyang gumagamit nito sa paghahanap ng maluwag na kalyeng madadaanan.
   
Hindi pa kasama rito ang mga kalyeng ginawa nang paradahan ng mga pribadong sasakyan. Wala silang pakialam. Bili ng bili ng maraming sasakyan pero wala namang garahe. Saan nanggagaling ang mga pera ng mga taong  ito? (This email address is being protected from spambots. You need JavaScript enabled to view it.)