9,836 guests

Kampanya kontra iligal na droga, pinaigting pa ng BoC

  • Written by Vic Reyes
  • Published in Opinion
  • Read: 286

LUMALA ang problema ng iligal na droga nang magsimulang gumawa ng shabu sa Pilipinas.

Mabuti na lang at isa-isang natuklasan ng mga otoridad ang  shabu laboratories.

Ang mga laboratoryong ito ay pag-aari at pinamamahalaan ng mga Chinese na galing pa ng China.
   
Hindi lang ’yan. Ang mga gamit sa paggawa ng shabu ay galing pa ng ibang bansa.
   
Imported na nga ang mga chemist, imported pa ang mga gamit sa pag-manufacture ng shabu sa bansa.
   
Kaya nga pinupuri natin ang Bureau of Customs (BoC) dahil sa ginagawa nilang imbestigasyon.
   
Tahimik pero masusing iniimbestigahan ng mga taga-BoC ang pagpasok ng equipment, machineries at iba pang ‘precursors’ na ginagamit ng mga sindikato ng droga.
   
Sinabi ni Neil Estrella, isang retiradong Marine colonel na consultant ngayon ni BoC chief Nicanor Faeldon, na binabalikan nila ang mga import paper ng mga kagamitang ito.
   
“We are backtracking, recovering all the pertinent (customs) documents to find out who are behind all of this,” dagdag ni Estrella.
   
Ang binabanggit ni Estrella, na dating tagapagsalita ng Philippine Marines, ay ang nadiskubreng shabu laboratory sa isang piggery farm sa Magalang, Pampanga, noong September 7.
   
Noong September 25 ay mas malaki pang shabu laboratory ang natuklasan sa bayan ng Arayat.
   
Sinabi ni Estrella na binabalikan nila ang mga dokumento para mapanagot ang mga suspek.
   
Ayon pa kay Estrella, may mga equipment pa sa paggawa ng shabu na “still at customs.”
   
Tama lang ang ginagawa ng mga taga-BoC. Kailangang mapanagot ang mga taong nasa likod ng mga iligal na importasyon na ito.
   
Marami nang buhay at pamilya ang nasira sa pagkalat ng mga iligal na droga sa bansa. 
   
Nandiyan pa ang mga inaangkat na shabu. Pero sinisikap ng mga taga-BoC na masakote lahat ng mga ipinapasok na illegal drugs sa bansa.
   
Sa totoo lang, hindi naman tumitigil ang mga taga-BoC sa pagbabantay upang masakote ang pagpasok ng iligal na droga sa bansa.
   
Sa katunayan, kamakailan lang ay magkakasunod na nahuli ng mga tauhan ng Enforcement Group, sa pangunguna ng officer-in-charge nito na si Atty. Arnel Alacaraz, ang isang Amerikano na nagtangkang magpasok ng high-grade cocaine sa Clark International Airport at ang mga Chinese at Russian national naman sa Ninoy Aquino International Airport.
   
Sa tingin natin, sa mas pinaigting na kampanya ngayon nina Commissioner Nick Faeldon, Alcaraz, Estrella at NAIA District Collector Edgar Macabeo ay mahihirapang pumasok sa bansa ang mga ipinagbabawal na gamot.
   
Alam naman ng lahat na galit si Pangulong Duterte sa mga taong sangkot sa illegal drug business.
   
Tama naman si Pangulong Duterte dahil perhuwisyo ang dulot ng drug monster.

* * *   

Panahon na  naman ng anihan ng palay. Buhay na naman ang namimili ng ani ng mga magsasaka.
   
Ang laging hinaing ng mga kawawang magsasaka ay mababa ang presyo ng palay tuwing anihan.
   
Pero kapag  nabili na lahat ng mga negosyante ang ani ng mga magsasaka ay saka tumataas ang presyo ng bigas.
   
Kukunti ang kita ng mga magsasaka pero tiba-tiba ang mga trader. Kaya nananawagan ang mga magsasaka na dapat gobyerno na ang bumili ng  kanilang palay.
   
Huwag pabayaan ang mga negosyante na kontrolin ang presyo ng palay.
   
Kung maaari lang ay bilhin ng National Food Authority ang palay ng mga magsasaka.
   
Kaysa mag-import tayo ng bigas ay bilhin na lang ng gobyerno ang ani ng mga kawawang magsasaka.
   
Sa totoo lang, mas masarap na ang mga rice variety na itinatanim ng ating mga magsasaka.
   
Kung minsan nga ay nagrereklamo ang mga tao na ang mga imported rice na ipinagbibili ng gobyerno ay may amoy na.
   
(Para sa inyong komento at suhestiyon, tumawag o mag-text sa #(0921)4765430/email:This email address is being protected from spambots. You need JavaScript enabled to view it.. Ilagay lang ang buong pangalan at tirahan)