6,310 guests

CIDG, lalong pinabango ng ‘Ang Probinsyano’

  • Written by Edd Reyes
  • Published in Opinion
  • Read: 284

On the beat

LALONG pinabango ng teleseryeng “Ang Probinsyano” ang tanggapan ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) dahil sa magandang imaheng ipinakikita ng popular na television action/drama series na pinagbibidahan ni Coco Martin.

Hindi maikakaila na advantage sa imahe ng CIDG ang mataas na rating ng naturang teleserye kaya’t hindi lamang ang mga opisyal kundi maging ang mga nakatalagang pulis sa naturang tanggapan ang umaani ng tiwala at respeto sa maraming mamamayan, lalo na ang mga sumusubaybay sa gabi-gabing soap opera.

Isa ito marahil sa mga dahilan kaya’t maingat na maingat ngayon si CIDG Director Chief Supt. Roel Obusan na makaladkad ang kanyang pangalan sa mga alingasngas lalo na sa pangangalap ng lingguhang intelihensiya ng mga nagpapakilalang kolektor ng naturang tanggapan.

Sa katunayan, mahigpit ang kautusan ni Obusan sa kanyang mga tauhan na huwag tumanggap ng anumang suhol lalo na sa mga iligalista upang mapanatili ang respeto ng mamamayan sa naturang tanggapan.

Pero sa kabila ng kautusan ni Gen. Obusan, may mga nagpapakilala pa ring kolektor na umo-orbit, hindi lang sa Metro Manila kundi sa buong kapuluan na ang kinakaladkad sa pangungolekta ng intelihensiya ay ang tanggapan pa rin ng CIDG.
   
Sa northern area lang ng Metro Manila, kinukopo nitong isang Egay Lazaro ang koleksiyon para raw sa CIDG habang ginigipit naman ng isang Tony Villacorta ang mga iligalista sa southern area bitbit din ang pangalan ng naturang tanggapan.
   
Isa namang Lito Pascual ang umiikot sa eastern area habang hawak naman nina Domeng Alagde ang lungsod ng Maynila at Teddy Sapitula ang Quezon City. Sa isang alyas Bogart daw nagre-remit ang naturang mga kolektor sa Metro Manila ng kanilang lingguhang koleksiyon na siya namang nagbibigay sa opisyal na nagbigay sa kanila ng basbas.

Ang tanong, sinong opisyal ng CIDG ang nasa likod ng pangangalap ng intelihensiya ng mga kolektor kung mismong ang kanilang director ang nag-uutos na huwag tumanggap o humingi ng suhol? 

VK NI GINA G.
   
Dapat sigurong kastiguhin ni Police Community Precinct (PCP) 9 commander Chief Insp. Paulito Sabulao ng MPD ang isang Jess Manalang na nagbigay daw ng basbas sa video karera queen na si Gina Gutierrez para latagan ng isang katerbang makina ang mga lugar sa San Andres, Dakota, Arellano at Leveriza Streets.
   
Magugunita na mismong si Mayor Erap Estrada ang nag-utos na hulihin at kumpiskahin ang lahat ng mga VK machine ni Aling Gina dahil sa dami ng reklamo ng mga taga-lungsod pero biglang namutiktik muli ang kanyang mga makina dahil lang sa basbas ng isang Jess Manalang.
   
Umangal nga raw ang iba pang operators na sina Boy Valdez, Kojak at Boni Abad dahil tinaasan pala ang kanilang lingguhang tara para mapilitan silang tumigil sa iligal na operasyon at masolo ito ni Aling Gina.
   
Ang matindi pa, iligal daw ang koneksiyon ng kuryenteng pinaglalatagan ng mga makina ng VK at dito na rin sumisinghot ng shabu ang ilang drug addict na adik din sa pagsusugal para hindi dalawin ng antok sa kanilang paglalaro.
   
Nangangamba ngayon ang mga residente sa San Andres dahil sabi nga ng aming kasamang si Edong Reyes, hindi malayong pagmulan muli ito ng sunog tulad ng nangyari na noong nakaraang taon.

REP. ATIENZA SA NEWS FORUM
   
Naniniwala si dating Manila Mayor at ngayon ay Buhay Party-list Rep. Lito Atienza na kung magtutuluy-tuloy ang ginagawang paglilinis ni Mayor Erap Estrada sa mga lansangan sa lungsod ay posibleng bumangong muli ang alkalde sa mga Manilenyo.
   
Magugunita na muntik nang masilat si Mayor Erap noong nagdaang halalan dahil marami ang nadismaya sa kanyang tatlong taong panunungkulan, lalo na ang pagtataas ng amilyar at pamumutiktik ng mga illegal vendor at illegal na sugal.
   
Sa kanyang unsolicited advice, sinabi ni Atienza na dapat ituloy ni Mayor Erap ang paglilinis sa lungsod at magkaroon ng kongkretong programa para sa pag-unlad ng kabuhayan lalo na’t may natitira pa siyang isang termino sa panunungkulan.
   
Nagpahiwatig si Atienza na hindi niya iaalok ang kanyang sarili para muling tumakbo bilang alkalde ng lungsod maliban na lang kung magiging malakas ang panawagan ng mamamayan para muli niyang pamunuan ang kinalakihan niyang siyudad.
   
Dumalo si Rep. Atienza sa lingguhang Brewed Casters Forum na itinaguyod nina dating MPD Press Corps president Francis “Kiko” Naguit, Raymond Dadpaas at Rey Galupo kung saan tinalakay ng dating alkalde ang iba’t ibang maiinit na usaping pambansa.

* * *

Sa mga reaksiyon at suhestiyon, mag-email lang sa This email address is being protected from spambots. You need JavaScript enabled to view it. o mag-text sa 0915-6492023.