4,923 guests

DFA passport appt system kakalkalin ng Senado

  • Written by People's Journal
  • Published in Nation
  • Read: 295

TINUTUTUKAN ngayon ng Senado ang passport appointment system ng Department of Foreign Affairs (DFA) kasunod nang walang patid na reklamo hinggil sa palpak na operasyon nito.

Ayon kay Senador Joseph Victor Ejercito, nakatakda niyang alamin ang ‘background’ ng reklamo ng mga passport applicant upang maihanda nang maayos ang mga susunod na hakbang ng kapulungan.

“I’ll check the background of the issue first,” sabi ni Ejercito sa kanyang text message matapos matanggap ang mga impormasyon na karamihan sa mga nag-aaplay ng pasaporte ay walang makuhang matinong sagot mula sa ahensiya.
   
Sa Facebook page ng DFA, nagpahayag ng pagkadismaya ang mga aplikante dahil hindi nila makuha ang partikular na petsa ng pagpila sa mga tanggapan nito upang mag-renew o kumuha ng passport.
   
Nitong Hunyo 17, 2016, sinimulang pangasiwaan ng APO Productions, Inc. ang Passport Appointment System ng DFA at magmula noon ay bumaha na ang reklamo sa naturang sistema.
   
Kabilang sa mga reklamo na nakabalandra sa Facebook page ng DFA ay ang hindi pagkatanggap ng mga aplikante ng confirmation code sa email, kawalan ng notice na natanggap na ng ahensiya ang isang aplikasyon at ang umano’y pagkaubos na ng timeslots.
   
Halos kabaligtaran naman nito sa napaulat na nangyari sa 700 Indonesian na umano’y nakapasok sa pilgrimage sa Meccah gamit ang Philippine passports.
   
Hindi rin umano basta-basta makontak ang hotline ng passport appointment system ng DFA kapag tinatawagan ito para kumpirmahin ang mga aplikasyon sa internet.