15,185 guests

Senado tuloy ang pagbabago

  • Written by Mia B. Billones
  • Published in Top Stories
  • Read: 827

TIWALA si incoming Sen. Juan Miguel Zubiri na hindi kailanman papayagan ni President-elect Rodrigo Duterte ang mga ’di kaalyado na hawakan ang kapangyarihan sa Senado at madiskaril ang layunin ng pagkakaroon ng tunay na pagbabago.

Dagdag ni Zubiri, hindi rin siya handa na sumali sa umano’y “supermajority” ni Sen. Aquilino “Koko” Pimentel III.

Nauna nang sinabi ni Pimentel na mayroon na silang 14 na pirma sa resolusyon na sumusuporta sa hinahangad niyang liderato sa Senado. Sinabi rin ni Sen. Vicente Sotto na mayroon ng mga tiyak na komite na pamumunuan ng 14 na senador.

Itinalaga si Senator-elect Panfilo Lacson sa komite ng public order at dangerous drugs, habang chair ng komite ng justice at human rights naman umano si Senator-elect Leila de Lima. Kapwa sila mga kritiko ni Duterte noong kampanya.

Samantala, iprinotesta ni Zubiri, ang ginawang pag-anunsyo ni Sotto. Aniya, hindi hahayaan ni Duterte na kontrolin ng mga tumutol sa kanyang plataporma ang ilang mga komite sa Senado at kalaunan ay maging hadlang sa kanyang plano para sa tunay na pagbabago.
   
“May mga komite na gustong bigyan ng basbas ng president,” ani Zubiri, patungkol ito sa mga komite na importante para sa mga adbokasiya ni Duterte, tulad ng public order, finance, justice at human rights, at constitutional amendments.
   
Nananatili pa rin ang desisyon ni Zubiri na hindi nila isasaalang-alang ang alok ni Pimentel para umanib sila sa “supermajority” hanggang wala pa silang naririnig mula mismo kay Duterte, at hanggang hindi pa nakikipagkita si Pimentel sa susunod na Pangulo.
   
“Masyado pang maaga para gumawa ng mga desisyon. Wala pang nabubuo na anumang kongkretong desisyon... hihintayin namin ang kahihinatnan ng mangyayaring miting,” aniya, patukoy na rin sa kapwa senator-elect na si Richard Gordon, at mga senador na sina Cynthia Villar, at JV Ejercito, na sumusuporta sa karera para sa Senate presidency ni Sen. Alan Peter Cayetano.