5,037 guests

Dumamay, tumulong, magbigay sa higit na nangangailangan

  • Written by Magi Gunigundo
  • Published in Opinion
  • Read: 263

HINDI na talaga maawat ang Pasko pero alam kong katulad din ako ng iba nating kababayan na  dumarating ang mga pagkakataong nagsasawa na rin sa mga “side-effect” ng Pasko. Ano itong mga side-effect na ito?

Una, hindi ba mas lalong nagsikip ang daloy ng trapiko? Ang sabi-sabi, na palagay ko’y totoo naman, ay dahil daw tuwing panahong ito, dumarami ang dumaraang sasakyan sa kalsada sa mga urban center tulad ng Kalakhang Maynila. Maraming nandarayuhang may sariling sasakyan -- at may pera dahil sa 13th month pay at bonus -- ang pumupunta para mamili sa mga urban center, lalo na sa mga mall o malalaking bagsakan ng kalakal tulad ng Balintawak, Divisoria, o Baclaran.
   
Kung maraming namimiling may sasakyan mula sa lalawigan, marami din tiyak ang mga sasakyang magsu-supply ng pangangailangan sa panahong ito na maraming regalo at lulutuing pagkain. Kaya nga pinakamabili ang kahit anong pwedeng panregalo: damit, gadgets, laruan, appliances. Ang mga sasakyang magsu-supply naman ay mula sa lalawigan at sa mga manufacturing at exporting areas.
   
Isama pa na mas maraming namamasyal, nagpa-party, at nagde-date ngayong panahong ito kaya hayun, mabigat na daloy ng trapiko. Pinipilit namang bigyang kaayusan ng inyong pamahalaan ang nangyayaring mabagal na pag-usad ng mga sasakyan, kaya panawagan ko, tiyaga-tiyaga. Alalahaning ang panahong ito ay panahon ng pagmamahalan, higit sa lahat.
   
Ikalawang side-effect ay ang lubha ng komersyalismo ng Pasko. Oo nga’t panahon ito ng pagbibigayan at pagmamahalan, pero para bang iginigiit lagi sa atin ng media at negosyante na kailangan nating bumili, gumasta, tumbasan ng presyo ang saya, ligaya, at pagmamahalan.
   
Pakiramdam ko lang siguro ito marahil, pero sana, mabalik ang tunay na diwa ng pinakamahalagang okasyong ito, na kung tutuusin ay may paraan naman talaga. May paraan upang bigyan natin ng mas malalim na kahulugan ang Pasko sa kabila ng kasiyahan natin. Ano ito?
   
Simple lang. Magbigay. Magbigay nang taos sa puso. Magbigay sa kapwa lalo na sa higit na nangangailangan. Bawasan natin ang anumang sobrang biyaya sa atin ng Diyos upang maging instrumento Niya tayo upang makatulong at makapaghatid ng pagmamahal.
   
Huwag sana tayong makalimot. Nitong mga nagdaang araw lamang ay maraming kalunus-lunos na balita.
   
Ang sa akin, baka maaari tayong tumulong sa sarili nating kaparaanan, lalo na sa mga nagdaang bagyo at iba pang trahedya.
   
Magbahagi tayo sa kanila. Damit, pagkain, bahagi ng bahay. O kahit pera. Dalhin ninyo mismo sa mga evacuation center. Kung malayo naman kayo, maaari ninyong ipadaan sa mga foundation, lalo na iyong sa mga network. Iba ang magiging pakiramdam ng nakapagbahagi. Maligaya, magaan. At nagkaroon pa ng mas malalim na kahulugan ang Pasko.
   
Para sa akin, iyan ang mas malalim na dahilan ng Pasko, ang magbigay sa tunay na nangangailangan.
   
Silang siguradong bibigyan ng halaga ang kung anumang maitutulong mo gaano man ito kaliit, isang kahon ng de-lata o instant noodles halimbawa. Kahit ano. Pahahalagahan nila.
   
Ano pa ang hinihintay mo, ilang araw na lang at Pasko na. Mukhang handa na ang iyong pamilya at mahal sa buhay upang ipagdiwang ang banal na okasyon, pero tandaan mong marami sa iyong mga kababayan ang nasalanta, nahihirapan hanggang sa kasalukuyan.
   
Bigyan mo ng mas malalim na kahulugan ang iyong Pasko sa pamamagitan ng pagbibigay sa kanila ng kahulugang ito: dumamay, tumulong, magbigay sa higit na nangangailangan.