5,849 guests

Intel report sa mga appointees ni President Rody

  • Written by Allan Encarnacion
  • Published in Opinion
  • Read: 363

NITO lang isang linggo, nakipagkuwentuhan ako sa ilang kaibigan natin sa Palasyo ng Malakanyang bago pa ganapin ang oath taking ng mga opisyal ng National Press Club. Two hours early ako para sa 2:30 p.m. appointment kaya imagine kung gaano karami ang aming napag-usapan.

Marami kaming napag-usapan, inside and outside Malacañang issues. Ang pagtanggi ni President Digong na pumunta sa APEC sa Peru dahil sa mahigit 36 hours na biyahe, ang work attitude na sobrang sipag, hectic sked sa loob ng Palasyo at ang pagbibiro sa kanila sa tuwing sila’y makikita.
   
Nabanggit din ng ating kausap na may mas madali sanang biyahe papuntang Peru kung ang eroplanong sasakyan ng Presidente ay mag-stop over sa Los Angeles or San Francisco para sana 17 to 19 hours trip lang.
   
Pero ayaw daw ni Presidente na dumaan pa sa Amerika kaya ang posibilidad na stop over ay New Zealand na napakalayo rin. Naglabasan na nga ang mga balita tungkol sa posibleng hindi niya pagdalo sa APEC na totoo ngang ang malayong biyahe ang hindi gusto ni Presidente.
   
Sa lahat ng napag-usapan namin, dito makikinabang ang bayan. Ayon sa ating source, lahat ng appointees ay pina-intelligence backgrounding ni Pangulo.
   
Ito raw ang dahilan kung bakit marami pang hindi napipirmahang appointments. Kaya pala ang mga na-appoint noong unang linggo ng Oktubre ay nito lang isang linggo naglabasan.
   
Binanggit sa atin ng source na kahit mga Cabinet members ay pinabusisi ni Presidente lahat ng background at hanggang ngayon ay pinababantayan niya kung may mga naliligaw na ng landas.
   
Ang huling balita natin, maraming bumabatikos kay Presidente dahil  makupad ang pagtatalaga sa mga ahensiya ng gobyerno kahit almost 5 months na siya sa liderato.
   
Sinabi ng ating source na pati ang mga taong nagrerekomenda ng kanilang mga kakilala ay pinaiimbestigahan din ng Pangulo at kung anu-ano ang mga interest nito sa ahensiyang tina-target ng appointees.
   
May mga intel report na dumarating kay Presidente at ito ay kanyang personal na pinag-aaralan kaya tumatagal ang pagpirma at paglalabas ng appointment papers.
   
Pero kung ako naman sa mga maitatalaga sa posisyon, iingatan ko ang pagtitiwala at tiyansa na ibinigay ng Pangulo sa kanila dahil baka hindi n’yo pa masyadong kakilala ang inyong appointing authority.
   
Mabigat na obligasyon ang ma-appoint ng Pangulo dahil kailangan mong alisin ang mga personal agenda sa iyong posisyon. Kung tunay na maglilingkod, wala kang magiging problema pero kapag nakarating sa kanya na gumagawa ka lang ng pera sa puwesto, ihanda mo na ang katawan mo sa latigo ng pagpapahiya sa publiko.
   
Naikuwento ko sa aking kausap ang isang opisyal na nabigyan ng milyun-milyong pisong pasalubong sa unang isang buwan pa lang niya sa puwesto. Ang pera ay nagmula sa mga taong may transaksiyon sa kanyang opisina.
   
Para sa kausap ko, hindi na pala bago ang kuwento dahil ang balita niya, may intel report na rin na dumating kay Presidente tungkol doon.
   
Bukod sa tumanggap ng pasalubong, may dalawa pang opisyal din ang laman ng intel report pero subject pa raw sa verification. Ibig sabihin, kapag dumating ang unang taon ng Duterte administration sa July 2017, marami-rami na rin pala ang matatanggal sa puwesto dahil sa higpit ni Presidente.
   
Ito ang kailangan nating lider para talaga tumino ang ating bayan. Hindi mo namamalayan na sa harap ng mga trabaho niya na may media coverage, may mga pagkilos pa pala siya na hindi natin alam lahat.
   
Kaya iyong binabanggit palagi ni Digong sa live interview at mga speech niya na wawalisin niya ang korapsiyon sa gobyerno, mayroon pala siyang pinanggagalingan.
   
Siya pala mismo ang nagpapaimbestiga sa kanyang mga appointees nang wala tayong kamalay-malay.
   
Kaya ang payo natin sa mga appointees, be careful, be very careful para hindi kayo mailagay sa hall of shame ni President Duterte.

This email address is being protected from spambots. You need JavaScript enabled to view it.