4,651 guests

Bangkay na may tama ng bala sa ulo, kanang paa may posas natagpuan sa QC

  • Written by Melnie Ragasa-Jimena
  • Published in Metro
  • Read: 113

Isang bangkay ng hindi nakikilalang lalaki na may tama ng bala sa ulo at may posas sa kanyang kanang paa ang natagpuan sa Bgy. Pagasa, Quezon City, kahapon ng madaling araw.

Àyon sa ulat ng Quezon City Police District-Criminal Investigation and Detection  Unit (QCPD-CIDU), isinalarawan ang biktima na nasa 25-30-anyos, may taas na 5’3”, nakasuot ng kulay itim na comouflage pants at T-shirt na may numerong 89, at may scarf sa leeg.
   
Nadiskubre ang biktima sa may harap ng Han Sa Rang Church, na matatagpuan sa Camia St., Sitio San Roque II, Bgy.  Bagong Pagasa, QC, alas-12:59 ng madaling araw.
   
Sa imbestigasyon ni PO3 Virgilio Mendoza, bago ang insidente,  ayon kay Felix Nacario, nasa loob siya ng naturang simbahan at nanonood ng pelikula sa kanyang cellphone nang makarinig siya ng putok ng baril mula sa labas.
   
Nagpasya si Nacario na lumabas dahil sa tawag ng pangangaila-ngan nang makita niya mula sa bintana ang wala nang buhay na biktima na duguang nakahandusay sa lugar.
   
Agad na pinabatid ni Nacario ang insidente  sa kanyang mga kaibigan at ang security guard na siya namang tumawag  sa mga otoridad para sa pagsisiyasat.
   
Hinihinala ng otoridad na dayo lamang ang biktima sa lugar dahil wala man lang sa mga residente ang nakakilala dito at pinaslang sa lugar para iligaw ang imbestigasyon ng mga otoridad.
   
Sa pagsisiyasat ng Scene of the Crime Operatives (SOCO), narekober ang isang basyo ng bala mula sa hindi mabatid na kalibre ng baril sa tabi ng biktima.