4,654 guests

40 Chinese lang ang kinasuhan sa Fontana raid!

  • Written by Marlon Purificacion
  • Published in Opinion
  • Read: 280

NABIGLA ako sa natanggap nating dokumento hinggil sa kontrobersiyal na raid sa online gambling casino ng Chinese gambling lord na si Jack Lam sa Fontana Leisure Parks & Casino, Clark, Angeles City, Pampanga.

Paulit-ulit kasi ang pagyayabang nina Justice Sec. Vitaliano Aguirre at ang sinibak na Bureau of Immigration (BI) Assistant Commissioner Al Argosino na ang pagsalakay sa Fontana noong November 24, 2016 ang pinakamalaking raid sa ‘Philippine Immigration history’ dahil 1,316 o 1,318 Chinese nationals ang kanilang naaresto.
   
Naging kontrobersiyal ang nasabing pagsalakay dahil dito rin nabuko kung paano kinikilan nina Argosino at kapwa sibak na BI Deputy Commissioner (DepCom) Mike Robles sa halagang P50 million mula sa ‘trusted guy’ ni Lam na si ret. Sr. Supt. Wally Sombero.
   
Umusad na ang imbestigasyon ng Senate Blue Ribbon Committee ni Senador Richard Gordon hinggil sa naturang kontrobersiya.
   
Pati si BI Intelligence Division chief ret. Gen. Charles Calima na ginawang ‘sacrificial lamb’ sa P50 million extortion sa Fontana raid ay ginisa sa nasabing pagdinig.
   
Hindi kasi nakapagpaliwanag nang maayos si Calima kung bakit niya kailangang kumuha ng P18 million mula sa P50 million na nakotong nina Argosino at Robles.
   
May nakausap akong tropa sa intelligence community. Totoong may tinatawag silang ‘trade craft’ sa ‘intel work.’ Ginagawa ito para mapatunayan mismo na ang tinatrabaho nilang ‘subject person’ ay may hawak o nagtataglay ng ebidensiya.
   
Sa madaling sabi, para itong ‘buy bust operation’ kung saan ay nagpapanggap na ‘poseur buyer’ si Calima para makuha niya ang P18 million na parte ng kotong ng ‘partners-in-crime’ na sina Argosino at Robles.
   
Sa CCTV footage na hawak ni Calima, bag lamang ang nakita rito at wala mismo ang hitsura ng lamang pera kaya dito nag-ala poseur buyer ang dating heneral.
   
Balikan ko ’yung isang pulgadang dokumento na ipinarating sa ‘Uncovered.’
   
Kagulat-gulat ang nasabing dokumento dahil ang kinasuhan  sa naarestong 1,316 o 1,318 na Chinese nationals ay 40 katao lamang.
   
Ang Investigating Prosecutors sa kasong ito na may NPS docket No. XVI-INV-16L-00368 for violation of PD 1602, in relation to Section 6 of RA 10175 o Cybercrime Prosecution Act of 2012 ay sina Moises Acayan, Honey Rose Delgado at Wendel Bendoval.
   
Madaling palusutan kaya 40 Chinese nationals lamang ang kinasuhan mula sa original na bilang na 1,316 arestado dahil puwedeng sabihin na sa kanila lamang nagkaroon ng probable cause kaya mula sa mahigit sa 1,000 bilang ay mababa sa 50 na lang ang may asunto.
   
Ang kaso,  sa joint affidavit of arrest na pirmado nina Immigration Officers Maria Margarita T. Manila at Danna Mae T. Bondoc ay 43 lamang ang kanilang nahuli. Walang sinabi rito na 1,316 ang naaresto -- tulad ng ipinagmamalaki nina Aguirre at Argosino na ‘biggest raid ito sa immigration history ng bansa.
 
Take note -- mga ate at kuya, abogado man kayo o hindi -- affidavit of arrest ito na ginagawa bilang after operation report ng ating mga awtoridad.
   
Hindi rin po tayo abogado pero sa pagkakaalam ko, sa mismong affidavit of arrest ay nakalagay na kung ilan talaga ang hinuli. Puwedeng mag-iba ito sa ‘filing’ na ng kaso.
   
Pinirmahan nina Manila at Bondoc ang kanilang  ‘joint of affidavit of arrest’ noong December 2, 2016 na ang nag-certify ay si OIC Director Jed Sherwin Uy ng DOJ Office of Cybercrime.
   
Ang team leader ng Fontana raid ay si Atty. Jose Carlitos ‘Jake’ Licas na hepe ng Fugitive Search Unit.

    
Ang nakapagtataka, hindi siya ang pumirma sa ‘affidavit of arrest.’ Bakit nga kaya hindi pumirma si Atty. Licas? May iniiwasan ba siyang asunto?
    
Ang mga pumirmang arresting officer na sina Manila at Bondoc ay mga ‘Immigration officer’ sa airport. Wala silang sapat na kaalaman o training sa ‘surveillance’ at ‘investigation’ dahil ang trabaho nila sa ating pambansang paliparan ay magtatak ng passport.
    
Sabi ng ating impormante, ipa-define natin kina Manila at Bondoc kung ano ibig sabihin ng ‘probable cause’ baka hindi pa nila maipaliwanag kasi wala nga silang sapat na kaalaman sa ‘surveillance’ at ‘investigation.’
    
Bukod diyan, sa dami ng mga inarestong Chinese nationals, bakit dalawa lamang ang pumirma sa affidavit of arrest? Nasaan na iyong ibang umaresto o mga arresting officer?
    
Naisulat ko na kamakailan ang hinaing ng ilang Immigration officers na sumama sa raid sa Fontana.
    
Hindi kasi nila alam na isasalang sila sa isang raid sa online casino dahil ang pagkakaalam nila noong araw na iyon ay dadalo sila sa isang ‘seminar’ sa Philippine Immigration Academy (PIA) sa Clark.  Nagulat na lang sila dahil raid na pala ang ipinagawa sa kanila ni Licas.
    
Ang nag-utos  na pumunta ang mga Immigration officer para dumalo sa seminar umano sa PIA ay ang personnel head na si Grifton Medina.
 
Eto pa ang  catch, gaano kaya katotoo na ang lahat ng sumama sa raid ay binigyan din ng tig-P3,000 ni Bobby Raquepo? Saan galing ang perang ito?
    
Ayaw kong isipin na galing ito sa naunang napabalita na may naunang 700 Chinese na kasama sa raid ang pinatakas.
    
Si Raquepo ay deputy ni Licas na inaanak naman ni Sec. Aguirre.
    
Naghihinanakit ang mga taga-intel division dahil una pa lang, na-bypass na sila ng FSU na nasa ilalim lamang ng pamamahala ni Calima.
    
Ang masakit pa, alas-7 na ng gabi nang dumating sa Clark ang mga tauhan ni Calima.
    
Noong mga oras na iyon ay may 700 Chinese na ang sinasabing ‘nakawala’ o ‘pinatakas’ kaya paano ngayon ibibintang na mga taga-Intelligence Division ang nagpatakas?
    
Medyo makapal ang hawak nating dokumento ngayon kaya imposibleng maibuhos ko lahat dito ang napansin nating ‘lapses’ sa Fontana raid.
    
Palaging ipinagmamalaki ni President Rodrigo Duterte na ‘bright’ si Justice Sec. Vitaliano Aguirre ngunit sa isyu pa lang kung bakit 43 hanggang sa naging 40 lamang ang isinama sa ‘affidavit of arrest’ at kinasuhan sa piskalya mula sa orihinal na 1,316 Chinese nationals ay mukhang may nangyaring kapabayaan sa naka-wig nating Cabinet official.
    
Bukod diyan, nakita ko rin ang ‘authorization’ na ibinigay nito kay Office of Cybercrime OIC Jed Sherwin Uy na may petsang November 24, 2016 kung saan ay inaatasan niyang mag-apply ito ng search and seizure warrant para sa Villa 736 ng Fontana.
    
Kung mapapansin, Nov. 24 din isinagawa ang raid. Ibig bang sabihin, noong oras ding inilabas ang ‘authorization’ ay nakagawa agad sila ng raid?
    
May nagdududa kasi bago isagawa ang raid, wala talagang hawak na SW ang ating mga awtoridad.
    
Patunay dito ang ‘application for issuance of search warrant and seizure’ ni Uy ay pinirmahan noon lamang November 25.
    
Sa Mission Order ni BI Commissioner Jaime Morente na utos ni Aguirre, hindi naka-specify dito kung sino talaga ang ‘subject person’ at eksaktong lugar ang huhulihin at sasalakayin nina Licas.
    
Basta ang nakalagay dito ay ‘foreign nationals violating Philippine Immigration Laws, Rules and Regulations.’
    
Ngayon lang ako nakakita ng ganitong uri ng MO dahil ang pagkakaalam ko talaga, tiyak at ispesipiko dapat ang laman ng MO dahil para na rin itong ‘warrant of arrest.’
    
Ang sinasabing Villa #736 na sinalakay ay may laking 200 hanggang 250 square meters lamang kung saan ay may tatlong kuwarto. Paano ngayon mapagkakasya rito ang 1,316 na Chinese nationals na sinasabing inaresto?
    
Alam kong hindi bobo si Sec. Aguirre, gayundin ang ating mga senador.
    
Lalo na si President Duterte dahil bukos sa pagiging abogado, bihasa sa batas, ‘street smart’ ang ating Pangulo.
    
Pero hindi rin maiiwasan na mag-isip ang taumbayan na kaya sa ‘affidavit of arrest’ ay 43 Chinese nationals lamang ang sinasabing naaresto dahil noong mga oras na iyon ay nagkakaroon na ng negosasyon kung paano ‘aaregluhin’ ang mahigit 1,000 Chinese nationals.
    
At hindi natuloy ang dapat sanang P100-P200 million na ‘aregluhan’ dahil sa paunang P50 million lamang na kinuha nina Argosino at Robles ay na-monitor at nabuko na sila ni Calima.
    
Kaya ayon sa mga nagdududa, ang ginawa ni Sec. Aguirre ay naghugas at kunwaring tumanggi siyang maging ninong ni Jack Lam pero nag-iwan ito ng matinding mensahe kina Sombero at Argosino na ‘bahala’ na silang mag-usap.
 
Sana mali ang mga taong nagsasabi nito para hindi na madungisan ang pangalan ni Aguirre, higit lalo ang mabuting pamamahala ng Pangulong Duterte hindi lamang giyera kontra ipinagbabawal na gamot kundi ang pagsupil sa malalang graft and corruption sa bansa.
    
’Wag nating kalimutan na magkaka-brod sa Lex Talionis fraternity sina Duterte, Aguirre, Argosino at Robles.