5,043 guests

Gov. Dodo suportado ang mga pulis ng Batangas

  • Written by Jojo C. Magsombol
  • Published in Provincial
  • Read: 244

BUONG suporta sa kapu­lisan ang ipinahayag ni Batangas Governor Hermilando “Dodo” I. Mandanas nang dumalo ito sa New Year’s Call at Command Conference na isinagawa sa Batangas Provincial Police Office sa Batangas City Miyerkules sa pangu­nguna ni  Batangas Police Acting Provincial Director P/Supt. Leopoldo E. Cabanag.

Ang taunang pagtitipon ay may kaugnayan sa pagbabalik-tanaw sa tagumpay at mahahalagang accomplishment ng BPPO sa nakaraang taon.  Naging daan din ang nasabing pagkakataon upang ma­kilala ng kasalukuyang administrasyon ang mga alagad ng batas na siyang nangangasiwa sa kapakanan ng mga mamamayan.

Ayon kay Gov. Mandanas, kapalit ng serbisyo at proteksyong laan ng kapulisan ay nais niyang magkaloob ng scholarship o educational assistance sa mga anak at maging medical assistance sa pamilya ng mga pulis. Dagdag pa niya na sa pamamagitan ng Pamahalaang Panlalawigan ng Batangas ay handa siyang tumulong sa anumang pangangailangan ng mga pulis.

Matapos ang New Year’s Call sa gobernador, nagkaroon din ng command conference ang kapulisan at dito tinalakay ang mga plano at hakbangin upang lalong mapaigting ang se­guridad ng mamamayan at kaayusan sa buong lalawigan. With Kristina Marie

Joy B. Andal,

Batangas City PIO