4,753 guests

Pagkakaisa ng mga lider at mamamayan ang solusyon sa trapik

  • Written by Atty. Jay De Castro
  • Published in Opinion
  • Read: 147

Magkaisa para sa bayan

TANGING pagkakaisa ng ating mga lider at mamamayan ang solusyon sa matinding problema ng trapik sa ating bansa. Wala nang iba.

Matagal nang malubha ang problema sa trapik sa Metro Manila (MM). Sa tindi ng trapik ay nagkakasakit ang tao, may mga inaatake sa puso at namamatay sa sama ng pakiramdam na naranasan sa trapik.

Marami nang nagbabarilan at namatay dahil sa trapik. Ang inis, galit at init ng ulo dahil sa trapik ay napupunta sa sigawan, murahan at isang iglap barilan, na ikinamamatay ng ating mga mamamayan.

Ayon sa aral ng Japan International Cooperation Agency (JICA), P3 bilyon ang halagang nawawala dahil sa trapik, gaya ng krudo na naaaksaya, mga oras na nawawala sa trabaho at halaga ng pagpapagamot dahil sa sakit dulot ng trapik.

Malaking problema ang trapik sa MM bago umupo si Pangulong Duterte. Nanatili itong malaking problema nang mahalal siya at matapos ang anim na buwang panunungkulan ay mas lumaki,  dahil dumami ang mga sasakyan sa kalsada.   
   
Sinabi ni Pangulong Du30 na dapat tayong maghanda sa mas ma­tinding trapik dahil sa mga gagawing infrastructure project sa MM.
   
Sa madaling salita, mas titindi ang paghihirap natin sa trapik, sa darating na 3-4 taon, sapagkat ganito katagal ang pagtapos ng mga infra project.
   
Akala ko’y may malasakit ang gobyerno sa mahihirap na hindi makasakay sa mga air-con na sasakyan, nang hindi masyadong mag­hirap sa trapik, bakit kailangang  patagalin ang kanilang kalbaryo sa trapik?       
   
Matagal na akong nagmungkahi ng solus­yon sa trapik sa MM, na  pinarating ko sa Malacañang noong panahon ni PNoy at ngayon ni PDu30. 
   
Simple lang ang solusyon, na kung ipatutupad sinisiguro kong 100% mababawasan, kung hindi man tuluyang malutas ang malubhang trapik sa MM.
   
Ito ay ang  Additional Sunday Observation Scheme o  ASOS. 
   
Ang sanhi ng matinding trapik ay ang magkakasabay na daloy ng mga sasakyan at taong bumabiyahe sa MM.
   
Kung Mahal na Araw ay walang trapik dahil ang mga tao’y walang pasok at nasa probinsya. Kung Linggo’y maluwag ang kalsada dahil walang pasok sa gobyerno, pribadong kumpanya, eskwela at karamiha’y nasa bahay, kasama ang pamilya.   
   
Sa ilalim ng ASOS, ang bawat lungsod sa MM ay magkakaroon ng karagdagang “Linggo”, dagdag sa regular Sunday, nang ang mga tao’y manatili sa bahay at makabawas sa mga nagtratrabaho, negosyo, nag-aaral at nagbibiyahe sa MM, mula Lunes hanggang Biyernes.
   
Halimbawa, ang dagdag na Linggo sa Manila ay Lunes. Tuwing Lunes, lahat ng nagtratrabaho sa gobyerno, pribadong sektor at mag-aaral, mula kinder, hanggang  graduate school ay walang pasok.
   
Higit isang milyong tao, mga nag-oopisina, trabahador, mag-aaral at mga sasakyan, mula ibang lungsod o probinsya, ang hindi papasok at lalabas ng Manila sa araw na ito. Ang ’di nila pagpasok sa trabaho at eskwela ay malaking kaluwagan sa mga kalsada sa buong MM.        
   
Martes ang dagdag na Linggo sa Quezon City, kung saan milyun-mil­yong tao at estudyante ang ’di magtratrabaho, magtra-transaksyon at papasok sa eskwela.
   
Miyerkules ang dag­dag na Linggo sa Makati, Pasay, Para­ñaque at Taguig. Huwebes ang dagdag na Linggo sa Marikina, Pasig, Mandaluyong at San Juan City at Biyernes ang dagdag na linggo sa CAMANAVA (Caloocan, Malabon, Navotas & Valenzuela).  
   
Kung sabay-sabay walang pasok sa mga nasabing lungsod, isipin kung ilang milyong sasakyan at tao ang mababawas sa mga bu­mabiyahe sa MM?
   
Sa ’di pagpasok ng mga kawani ng gobyerno at pribadong sector at milyun-milyong estud­yante, higit 1 milyon ang hindi magku-commute o maglalabas ng sasakyan sa mga nasabing araw, na ang resulta’y malaking pagbaba ng bilang ng mga tao at sasakyang pumapasok, umiikot at nagbibiyahe sa MM.
   
Hindi lugi ang gob­yerno, private sector at mag-aaral sa ASOS, dahil ang mawawalang 8 oras sa trabaho at eskwela’y idaragdag sa natitirang 4 araw o 2 oras na dagdag sa trabaho at eskwela, kada araw,  sa 4 na araw sa 1 Linggo.
   
Ang ASOS ay mabuti rin sa pamilyang Pilipino, dahil mabibigyan ng dagdag na araw para mag-bond ang mag-asawa at mga anak, na ikatatatag ng pamilya.
   
Samahan ito ng pagtanggal sa lahat ng obstruction sa kalye, pag­huli sa mga kolorum na sasakyan, phase-out ng mga lumang sasakyan, pagkulong sa mga pa­saway na driver at commuter at tiyak na giginhawa ang biyahe sa MM.
   
Kung magkakaisa ang mga mayor ng MM na magpasa ng ordinansa para ipatupad ang ASOS at kung makikiisa ang ating mga mamamayan na sumang-ayon rito, ti­yak, 100%  mababawasan ang nakamamatay na trapik sa Metro Manila.
   
Kung ipatutupad ang ASOS, hindi gaanong maghihirap ang mga commuter sa pagsisimula at habang ginagawa ang mga infrastructure project sa MM. 
   
Sana’y pangunahan ni Tatay Digong ang panawagan kong ito.
   
Handa akong ialay ang aking oras at buhay para sa kalutasan ng ating malubhang problema sa trapik, na matagal nang pasakit sa ating naghihirap na kababayan.
   
ATTY. JAY C. DE CASTRO

Founder, Magkaisa Para sa Bayan, Inc. (MPB)

Email: This email address is being protected from spambots. You need JavaScript enabled to view it.

Website: magkaisaparasabayan.com

Facebook: fb.com/magkaisaparasabayan

Contact No.: 0915-7799-777.
   
Please visit our website magkaisaparasabayan.com and like our Facebook page Magkaisa Para sa Bayan, Inc. and ask your family and friends to do the same.