4,513 guests

Spokespersons nina Noynoy at Leni magkapareho ng paliwanag

  • Written by Allan Encarnacion
  • Published in Opinion
  • Read: 222

Halabira

HINDI ko alam kung paano nalulunok ni VP Leni ang in-’N-out burger habang nasa malamig na pagbabakasyon sa Amerika.

Ni-review ko ang mga TV news tungkol sa pinsala ng bagyong Nina sa Bicol region at pagpasensiyahan mo na Madame Leni, namugto ang mata ko sa pagluha at nagsikip ang aking dibdib sa aking mga nakita.

Mga tumatangis na ina na namatayan ng mga anak, mga pamil­yang nagmamaktol sa pagguho ng kanilang bahay, isang negosyanteng nanay na dinemo­lish ng baha ang kanyang mga paninda at walang madaanan sa ilang lugar sa Catanduanes.

Ang Calabanga sa Camarines Sur ay ma­tinding hataw din ang inabot na pagbaha at mga kalat-kalat na landslide. Ang buong Naga na bayan ni VP Leni at kapitbayan ni­yang Pili ay standstill ang trapik dahil sa mga bumagsak na puno at putol ang supply ng kuryente dahil sa mga nagbagsakang poste.

Ang maraming residente sa Kabikulan na binagyo ay nagmamakaawang mabigyan ng pagkain.

Ilan lamang ito sa mga tagpo sa Bicol matapos ang kalamidad. Ito ang mukha ng unos.
   
Sa kabilang banda, nasa sampung libong milya naman, iba ang tagpo. Nasa 5-star hotel ang pride ng Bicol na si VP Leni Robredo. Malamig na kuwarto na tiyak na suite na may salang malaki at king size bed, wall to wall carpet, hot and cold shower, bath tub with bubble bath gel, may welcome assorted fruits sa sala ng hotel.
   
Sa loob ng kanyang kuwarto ay may bar na may surplus na supply ng chocolates, candies, chips, brandy, scotch, Budweiser or Heineken beer na kahit anong oras ay abot kamay lamang niya.
   
Sa pagsilip niya sa kanyang room na mula sa 30th floor ay overlooking sa kanya ang Empire State building, Krysler Tower, Broadway, Manhattan, 5th Avenue, Rockefeller Center at ang famous na Time Square.
   
Sa ibaba ng kanyang hotel, naroon ang mga pamosong signature brands na Louis Vuitton store na paborito niyang bag kapag nakasakay ng bus, ang Salvatorre Ferragamo, Valenciaga, Hermes, Dolce & Gabana, Michael Kors at Versace. Kapag gusto niyang magkape, may Starbucks din tiyak sa harap ng kanyang hotel at may Bagel outlet din.
   
Pagbaba niya sa kanyang hotel, nakaabang na ang limo service at dahil VP siya, may protocol din na dapat sundin kaya pihadong magarang kotse ang gamit niya.
   
Hindi naman siguro lilipas ang mga araw na kanyang pananatili sa New York kung hindi siya manonood ng famous Broadway shows doon at sabay kain ng New York angus steak pagkatapos habang may red wine sa kanyang tabi.
   
Magkalayo ang Bicol at ang New York kaya hindi rin naman ako magtataka kung magkaiba ang takbo ng kanilang mga buhay.
   
Pero hindi ko naman akalain na kayang tiisin ni VP Leni ang mga nasa laylayan ng bansa, lalo na sa panahon ng kalamidad. Mahirap isiping sa ganito kaaga ay makikita na agad ang kanyang kulay.
   
Hindi ko inaasahang magpapaliwanag pa ang kanyang mga taga-pagsalita, lalo na si Ms. beautiful Georgina, para sabihin sa ating lahat na matagal nang nakaplano ang family reunion sa Amerika bago pa nangyari ang bagyong Nina. Haler!!!
   
Kunsabagay, hindi naman nagbubunga ng santol ang mangga. Ganyan din ang katwiran ng boss niya sa LP na si Noynoy Aquino.
   
Remember, habang ibinababa sa Villamor Airbase ang bangkay ng SAF44, wala rin si Noynoy dahil busy siya sa pagbuhos ng champagne sa binuksang planta ng kotse sa Laguna.
   
Nang magpaliwanag si Sonny Coloma na tagapagsalita rin tulad ni Gandang Georgina, ganito rin ang kanyang sagot: talagang wala po sa schedule ng Pangulo ang sumalubong sa mga bangkay ng SAF44.
   
O, ’di ba, parehong-pareho? Template ba ’yan ng mga taga-LP?
   
Gusto kong hulaan kung ano ang magiging tagpo sa airport o sa opisina ni VP Leni pagbalik niya mula sa Amerika.
   
Pustahan kaya tayo? Posible kayang nakaitim siyang darating at nakabelo?
   
Pagbaba sa eroplano, basang-basa ng luha ang mukha at humuhunos ang makeup sa pag-iyak at sasabihing malungkot na malung­kot siya sa nangyari sa mga kababayan niya sa Bicol.
   
“Ang totoo po, noong mismong araw ng bagyo ay gusto kong lumipad pabalik sa Pinas at direktang maglanding sa Naga airport pero ayaw po akong palandingin ng mga taga-NAIA. Sinabotahe po nila ang arrival ko kaya pinabalik ko na lang ang eroplano sa Pennsylvania dahil doon maayos ang panahon!”
   
Ito kaya laman ng arrival statement niya?
   
Madame Georgina, paki-ready na ang teleprompter!

This email address is being protected from spambots. You need JavaScript enabled to view it.