4,954 guests

Sec. Aguirre, katuwang ng Pangulo laban sa korapsyon

  • Written by Atty. Jay De Castro
  • Published in Opinion
  • Read: 175

Magkaisa para sa bayan

IPINANGAKO ni Pa­ngulong Duterte na lulutasin niya ang ating malalang pro­blema sa droga. Walang kaduda-duda, ito’y nilulutas niya. Sobra-sobra pa nga.

Ipinangako rin niyang tatapusin ang malaki nating problema sa ko­rap­syon, ngunit  dito’y wala pa siyang gaanong pruweba, dahil bago pa lang siyang namumuno.

Ngayon, laman ng balita ang dalawang BID (Bureau of Immigration and Deportation) commissioner na tumanggap ng P50 milyon sa tauhan ng malaking casino operator nitong Nobyembre 27 sa City of Dreams Casino, Parañaque City.

Ang dalawang commissioner ay sina Associate  Commissioner Al Argosino at Michael Robles, ang casino operator ay si Jack Lam, may-ari ng Fontana Leisure and Casino Resort sa Clark at ang kanyang tauhan ay si dating police Colonel Wally Sembrano.
   
Ang P50 milyon ay para sa pagpapalabas sa 1,316 Chinese na hinuli ng BID dahil sa pag­tatrabaho sa Fontana nang walang permit mula sa gobyerno.
   
Nakunan sa CCTV sina Argosino at Robles na dala ang dalawang bag na naglalaman ng P50 milyon at ito’y lumabas at mainit na pinag-usapan sa media.
   
Labing anim na araw, matapos tanggapin ang P50 milyon at matapos itong pumutok sa media, sinurender nina Argosino at Robles sa isang presscon, ang P30 mil­yon kay DOJ Secretary Vitaliano Aguirre.
   
Sinabi nila ang P20 milyon ay napunta kay BID Intelligence Division Chief  Charles Calima at ang P2 milyon ay napunta kay Sombero, bilang middleman.
   
Ayon sa dalawa, hindi nila kinikil ang nasabing halaga, sapagkat ito’y bayad sa pag-ayos nila sa lisensya ni Lam sa Fontana at tinanggap nilang ebidensya sa entrapment na gagawin nila kay Lam.
   
Ayon naman kay Sombero, ang halaga’y hiningi ng dalawa para paglabas sa mga nahuling Intsik at ang unang hiningi’y  P150 milyon na bumaba sa P100 milyon matapos ang negosasyon at ang P50 milyon ay paunang bayad lamang.
   
Kung ’di nakuha sa CCTV na bitbit ang dala­wang bag ng pera at ’di ito na-media, ibabalik kaya nila ang P30 mil­yon at ilalabas ang panunuhol ni Lam at Sombero?
   
Kung totoong entrapment ang ginawa nila para hulihin si Lam, bakit wala silang kasamang BID agents, ga­yong napakaraming ahente ng ahensya, para sa ganitong anomalya?
   
Kung talagang entrapment ang ginawa nila, bakit wala silang written request kay BID Chief, Commissioner Jaime Morente at bakit wala silang record ng  kanilang mga ginawa para isakatuparan ito? At bakit matapos ang 16 na araw ay saka lang nila ipinaalam kay Sec. Aguirre at matapos itong pumutok sa media?
   
Sina Argosino at Robles ay mga brod nina Duterte at Aguirre sa Lex Talionis Fraternity sa San Beda College of Law.
   
Dahil sa anomalya, agad sinibak ni Aguirre si Calima at deputy nitong si Col. Edward Chan at dahil wala s’yang kapangyarihang tanggalin sina Argosino at Robles, na mga presidential appointee, inirekomenda n’ya sa Pangulo na tanggalin ang dalawa
   
Sinabi ni Aguirre na naniniwala siya sa kampanya ng Pangulo laban sa korapsyon, kaya’t sinibak n’ya si Calima at ipi­natatanggal ang dalawang commissioner, kahit mga brod nila.
   
Sa Cambodia, kung saan bumisita ang Pa­ngulo, sinabi n’ya, kaugnay ng anomalya sa BID:

“Dapat matigil ang korap­syon. Wala akong pa­tatawarin d’yan, maski kaibigan.”

Noong panahon ni Erap, sinabi niya kaugnay ng kanyang kampanya laban sa korap­syon: “Walang kaibigan, walang kumpare, walang kamag-anak. Huwag ninyo akong subukan.”
   
Alam natin ang nangyari. Ang malalapit sa kanya’y nagpasasa sa kanyang administrasyon at siya’y nahatulang guilty sa plunder at mabilanggo habambuhay.
   
Ako’y naniniwala na totoo ang pangako ni Pangulong Duterte na tapusin ang korapsyon sa bansa.
   
Upang matupad ito, kailangan n’ya ng mata­pat na kasama, tulad ni Sec. Aguirre, na kahit malalapit na brod at kaibigan ay sisibakin sa pwesto, kapag dinungisan  at pinagpasasaan ang sinumpaang tungkulin.