5,212 guests

Problema ng dilaw, alam ng bayan na baluktot ang kanilang daan

  • Written by ATTY. JAY DE CASTRO
  • Published in Opinion
  • Read: 333

NITONG mga nagdaang araw, sumulat ako na ang pwersang dilaw ang nasa likod ng mga rally na ginawa ng mga grupong anti-Marcos (Pwersang Dilaw: Kunwari Anti-Marcos, Anti-Duterte Pala atbp) laban sa pamahalaang Duterte.

Ang dilaw ay opisyal na kulay ng Liberal Party, partido ni dating Pangulong Noynoy Aquino, mula sa awit na “Tie A Yellow Ribbon,” ang LP theme song sa pagbabalik at kamatayan ni  Ninoy Aquino, ama ni Noynoy noong 1983.
   
Simula 1983, tungo 1986 People Power hanggang katapusan ng termino ng biyuda ni Ninoy, si Cory noong 1992, ang kulay ng pamilya at gobyernong Aquino ay dilaw. Sa pamumuno ni Cory, kasama, ang kanyang mga kapartido, kamag-anak at kamadyungan, nagpasasa sila sa kapangyarihan ng pamahalaan.
   
Nawala sa kapangyarihan ang mga Aquino sa administrasyon nina dating Pangulong Erap at GMA, na kaalyado ng mga Marcos at nabalik sa pwesto sa pagkakahalal kay PNoy (2010-2016).
   
Sa pag-upo ni PNoy, siya at kanyang mga kapartido, kaklase, kabarkada at kabarilan (KKKK) ang siya namang nagpasasa sa kapangyarihan ng gobyerno.
   
Ngunit wala pang anim na buwang nawala sa kapangyarihan, si PNoy at kanyang  mga KKKK ay atat-na-atat mabalik sa pwesto.   
   
Sa pulong sa Malacañang nitong Biyernes, kinumpirma ni Pangulong Duterte na grupong dilaw, ang nasa likod ng mga raling nangyari sa Metro Manila, partikular ang panawagan nilang People Power (“PP”) noong Nobyembre 30, Bonifacio Day,  sa EDSA Shrine, laban sa Pangulo.  
   
Hindi maipagkakaila na ang LP ang nasa likod ng panawagang PP versus Duterte, dahil ang mga dumalo rito ay mga lider ng LP, sina, Mar Roxas, nabigong kandidato ng LP sa nakaraang halalan, dating DSWD Sec. Dinky Soliman, dating DECS Sec. Armin Luistro, LP senators Leila De Lima at Risa Hontiveros, mga kilalang PNoy supporters, na sina Jim Paredes, Inquirer columnist Winnie Monsod at mga Atenistang burgis at mga tulad nila, na simula’t sapul ay dilaw ang mga mata.
   
Kunwari ang rally ay laban sa pasiya ni Duterte at utos ng Korte Suprema na ilibing si dating Pangulong Marcos sa Libingan ng mga Bayani, dahil hindi siya bayani,  subalit ang totoo ay para patalsikin ang Pangulo.
   
Hindi nila nasabi o masabing PP ang tunay na pakay nila, sapagkat hindi sila sigurado sa bilang ng mga tutugon sa panawagan nilang PP.
   
Kung marami ang dumalo, kung umabot ng daang libo, tiyak na ang isisigaw nila’y hindi na ang ‘HUKAYIN SI MARCOS”, subalit “PATALSIKIN SI DUTERTE.”
   
Patunay na ang rally ng mga dilaw ay hindi laban sa mga Marcos, kundi laban sa kasalukuyang Pangulo.
   
Bakit ayaw ng mga dilaw na matapos ang termino ni Presidente Digong at gusto nila’y palitan siya ni VP Leni Robredo?
   
Dahil ayaw nilang lumabas na ang gobyerno ni PNoy ang protektor ng droga sa bansa, kaya’t lumago ito at umabot sa milyun-milyon ang mga adik sa Pilipinas.
   
Dahil ayaw nilang managot at mabilanggo dahil sa nawalang bilyun-bilyong donasyon sa mga biktima ng bagyong Yolanda.
   
Dahil ayaw nilang managot at makulong sa nawalang bilyun-bilyong Malampaya funds.
   
Dahil ayaw nilang managot at makulong si PNoy  sa paglustay nila ng halos P800 bilyon DAP (Development Acceleration Program) funds.
   
Dahil ayaw nilang managot at makulong sa panunuhol nila higit P100 milyon kada senador at mahigit P1 bilyon sa mga congressman upang patalsikin sa pwesto si yumaong CJ Renato Corona.
   
Dahil ayaw nilang managot at mabilanggo sa bilyun-bilyong kurapsyon sa Department of Agriculture, sa pamumuno ni Sec. Prosy Alcala, sa DSWD, sa pamumuno ni Soliman, sa DOTC sa pamumuno ni Sec. Jun Abaya, sa DILG, sa pamumuno ni Roxas at marami pang iba.
   
Dahil ayaw nilang managot at mabilanggo sa direkta nilang partisipasyon sa massacre ng SAF 44 sa Mamasapano, Maguindanao.
   
Dahil ayaw nilang managot at mabilanggo sa pagpatay sa tatlo at pagbaril sa 30 magsasaka, kabilang sa 6,000 magsasaka na habang nagra-rally para mabigyan ng bigas  at pagkain ay pinagbabaril ng mga sundalo at pulis sa Kidapawan City.
   
Napakarami pang mga kurapsyon at pagpatay sa ating mga mamamayan ang kinakatakutan at ayaw maungkat ng pwersang dilaw, kaya’t ganu’n na lang ang kagustuhang nilang mapatalsik si Pangulong Duterte.
   
Ang problema nila, alam ng mga mamamayan na marumi at baluktot ang kanilang pamamahala na tinawag  pa man din nilang “Tuwid na Daan.”