6,392 guests

Human rights violations sa administrasyon nina Cory at Noynoy

  • Written by ATTY. JAY DE CASTRO
  • Published in Opinion
  • Read: 354

KUNG si dating Pangulong Noynoy Aquino ay isa sa mga nasa likod ng kilos-protesta laban sa administrasyong Duterte, dapat magdalawang isip ang mga sumasama sa rally, dahil maaaring magamit sila sa personal na layunin ng mga Aquino laban sa pamilya Marcos,  gamit ang mga isyu kontra Duterte.

Tulad sa pagdiriwang ng Human Rights Day sa Disyembre 10.

Tiyak, gagamitin na naman ang paghimlay sa mga labi ni yumaong Pangulong Ferdinand Marcos sa Libingan ng mga Bayani (LNMB) upang wasakin si Duterte.

Ang kampo ni Aquino ay inaakusahan si Pangulong Marcos ng paglabag sa karapatang-pantao.
   
Sa pagdalo sa rally, dapat isipin kung may kredibilidad ang nasa likod nito.
   
Ang ibig kong sabihin, dapat walang nagawang paglabag sa karapatang pantao  ang mga nagsusulong ng kilos protesta laban sa mga Marcos sa isyu ng human rights.
   
Kaso, napakahina ng kredibilidad ni PNoy, dahil matindi ang kaso niya pagdating sa paglabag sa karapatang pantao.
   
Heto ang mga ebidensya sa paglabag sa karapatang pantao sa panahon ni PNoy:
   
1. Halos 300 ang biktima ng extra judicial killings, maraming naaresto, at  nawala.
   
2. Hindi nabigyan ni PNoy ng katarungan ang mga biktima ng Ampatuan massacre, kung saan higit 50 ang namatay, kabilang ang higit 30 mamamahayag.
   
3. Hindi niya binigyan ng katarungan ang mga biktima ng Hacienda Luisita Massacre noong Nobyembre 2004 (14 patay, 89 sugatan, 11 bata at 4 na matatanda).
   
Idiniin ng International Human Rights Watch na walang ginawa si PNoy hinggil sa paglabag sa karapatang pantao.
   
Ang masama, itinalaga ni PNoy ang hepe ng Commission on Human Rights (CHR) si Leila de Lima na kalihim ng Department of Justice (DOJ) kahit palpak ang CHR sa kanyang pamumuno.
   
Nangyari ang lahat ng ito, samantalang nangako si Aquino noong nangangampanya sa pagkapangulo noong 2010 na reresolbahan ang talamak na problema sa paglabag sa karapatang pantao.
   
Kung sisilipin ang kasaysayan, mayroong pinagmanahan si Noynoy.
   
Nangako noon si Cory na kapag naging Pangulo ay reresolbahan niya ang talamak na problema sa paglabag sa karapatang pantao.
   
Nang maging Pangulo, ang average kada taon ng biktima ng extra judicial killings kay Cory ay 244 (1986-1988), kumpara sa 296 kada taon ni Marcos (1975-1985).
   
Sa iligal na pag-aresto, kay Cory ay 3,627 average kada taon (1986-1988), samantalang kay Marcos ay 1,960 ang average bawat taon (1975-1985).
   
Nanguna d’yan ang Mendiola at Lupao Massacre kung saan napakaraming magsasaka ang namatay, at hanggang ngayo’y hindi nabigyan ng katarungan.
   
Masahol pa sa panahon ni Marcos.
   
Hindi humingi ng paumanhin si PNoy sa mga krimen sa administrasyon ng kanyang ina.
   
Kahit maitim rin ang record nina Cory at Noynoy sa human rights, nakipagsanib-puwersa ang mga maka-kaliwang grupo kay Aquino at Liberal Party (LP)  laban kina Marcos at Duterte.
   
Sa Disyembre 10, inaasahang magsasama ang mga komunista, dilawan at makakaliwang puwersa upang barikusin si Duterte sa paglibing kay Marcos sa LNMB.
   
Ganito kagasgas at desperado ang mga komunista, maka-kaliwang puwersa, at LP.
   
Bakit kasi banban mag-isip ngayon ang mga komunista at kaanib nitong ligal na mga organisasyon at nakikipagkaisa sa LP, kahit alam nilang ang sinasaluduhan nito, na sina Cory at Noynoy ay dati rin nilang binabatikos at pinagraralihan sa isyu ng paglabag sa karapatang pantao?