5,519 guests

Totoo ba ang kuwento ni VP Leni?

  • Written by Allan Encarnacion
  • Published in Opinion
  • Read: 288

NAG-TEXT daw si VP Leni kay Presidential Management Chief of Staff Bong Go para humingi ng kumpirmasyon sa mensahe ni Cabinet Secretary Jun Evasco na hindi na siya pinadadalo sa Cabinet meetings.

Bago pala mag-text, tinatawagan ni Evasco si VP para kausapin sana tungkol sa damdamin nga ni Pangulong Rody sa mga batikos nito.
   
Pero hindi sumasagot si Madame kaya naging text ang mensahe. So, ibig sabihin, hindi totoong text message lang ang naging paraan ng pag-abiso sa kanya na huwag nang dumalo sa meeting sa Palasyo.
   
Sa kanyang press conference, sinabi ni VP Leni na nag-text din siya kay Bong Go pero hindi raw sumagot. Dati naman daw sinasagot siya.
   
Totoo ba ang lahat ng sinasabi ni VP Leni o pinasasakay niya ang publiko sa balat mani?
   
Baka naman ginagamit niya ang isyu para makagimik ng mga paawa epek sa bayan?
   
Ayon sa ating source mula mismo sa Office of the President, matapos mag-text ni VP Leni, tinatawagan siya ni Bong Go para sagutin ang kanyang tanong at bigyan ng kumpirmasyon sa sinasabi ng Pangulo.
   
Pero hindi raw sinagot ni Madame ang tawag ni Go. Ibig sabihin, posibleng edited ang kuwento ni Leni na idinaan lang sa text ang pagsibak sa kanya.
   
Obligasyon din ni Madame Leni na magsabi ng totoo kahit ano ang sitwasyon dahil sa taas ng kanyang posisyon.
   
Bawasan muna niya ang acting, iyong totoo naman Madame VP.

* * *
   
Sinayang na naman ni Senator Leila De Lima ang tiyansa na malinis ang kanyang pangalan sa alegasyon ng pagtanggap ng drug money.
   
Noong una, mag-isa lang si Kerwn Espinosa na humarap sa Senado pero nang dumating ang kanyang tiyansa na komprontahin ang sinasabing drug lord, hindi niya ginawa.
   
Sa halip, ginamit ang nananahimik na Diyos para ipinta sa publiko na siya’y malinis at ang marumi ay ang mga umaakusa sa kanya.
   
Ang iniisip ko, hinintay lang niya ang pagkakataong makaharap niya nang sabay sina Kerwin at Ronnie Dayan para magkaalaman na.
   
Pero hindi nangyari ang ating inaasahan. Sa halip na tirahin niya ng cross examination para magkaalaman na, hindi niya ginawa.
   
Blanket denial na naman na sinabayan pa ng alegasyong may sumulat ng script nina Dayan at Kerwin.
   
Sinayang niya ang pagkakataon. Bakit hindi niya ginawa ang komprontasyon para sana malantad na kung talagang nagsisinungaling ang mga umaakusa sa kanya.
   
Ang sagot ay simple lang, sa tingin ko, kaya hindi niya kinumpronta ang dalawa, posibleng natakot din siya. Baka nga naman maboldiyak siya ng mga ito kaya ang naging strategy niya ay motherhood statement na lang sa halip na komprontahin.
   
Ang naiwan sa isip ng publiko ay ang alegasyong ginamit niya sa kanyang pagtakbo ang pera ng mga drug lord sa tulong ng kanyang bagman cum driver cum lover.
   
Ito ang magandang gawa’n ng script para sa blockbuster action, drama and romance movie na pang-halloween!

This email address is being protected from spambots. You need JavaScript enabled to view it.