4,769 guests

MMDA kikilos vs illegal vendors

  • Written by Mario Fetalino Jr.
  • Published in Opinion
  • Read: 202

MABUTI naman at may plano ang mga otoridad na alisin ang mga illegal vendor sa mga kalsada. Ayon kay MMDA Tim Orbos, bahagi ito ng programa ng kanyang ahensiya sa trapiko ngayong Kapaskuhan.

Ang tanong, paano na sir pagkatapos ng Pasko? Balik kalsada ba ang mga illegal vendor?  Sana ay magkaroon ng kamay na bakal ang MMDA laban sa mga illegal vendor upang hindi na makabalik ang mga ito sa kalsada.
   
Sa totoo lang, ang mga illegal vendor ang isa sa pinakamalaking dahilan kung bakit malala ang trapiko sa Metro Manila. Nauna ko nang nasabi na hindi kailangan ang emergency power para alisin ang mga illegal vendor sa kalsada.
   
Kung ginawa ito ng MMDA sa unang araw ng pag-upo ni Pangulong Duterte sa Malakanyang, naibsan sana ang trapik sa Metro Manila at naging mas makabuluhan ang kanyang first 100 days.

* * *

Bago pa man magalit ang mga maliliit na negosyante sa inyong lingkod, linawin muna natin na hindi naman tayo kontra sa kanilang paghahanapbuhay.
   
Ang sa atin lang ay sana maghanapbuhay ang ating mga kababayan nang hindi nakakaperwisyo sa kapwa tao lalo na sa buong bayan.
   
Eto nga at pabor tayo na gobyerno pa ang maghahanap ng lugar kung saan maaaring ilipat ang kanilang mga maliit na tindahan. Tanda ito ng pagpahalaga ng pamahalaan sa mga mahihirap dahil marahil naniniwala ang kasalukuyang liderato na sila ang mas dapat na nakikinabang sa gobyerno.
   
Totoo naman na those who have less should get more from the government pero huwag naman po natin abusuhin ito.
   
Maghanapbuhay po tayo nang tapat at hindi nakakaperwisyo.

* * *   

Matagal din napabayaan ang pamamayagpag ng mga illegal vendor sa kalsada dahil protektado ang mga ito ng mga local government.
   
Huwag na po tayo magbulag-bulagan dahil alam naman ng marami na boto ng mga napakaraming illegal vendor ang dahilan kung bakit hindi sila maalis-alis sa ating mga lansangan.
   
Kaya nga ang dapat lumutas sa problema ng mga illegal vendor ay isang leader na hindi politiko kundi isang public servant na hindi natatakot na matalo sa halalan.
   
Kung walang pinangangalagaan na boto ang isang lider, mahaharap niya nang buong tapang ang mga illegal vendor.
   
Sana ay ganito si Orbos. Sa tagal nang hindi pagpansin sa problema ng illegal vendors, nanganak na nga ito sa kalsada.  Hindi ba’t bukod sa kanilang mga paninda eh nagkalat na rin ang mga pedicab sa mga lansangan na hindi naman dapat?
   
Kung saan kasi may mga illegal vendor, nandu’n na rin ang mga pedicab upang magsakay ng pasahero.
   
Opo, marami pong pasahero sa lugar ng mga illegal vendor dahil nagiging mistulang palengke ito kaya nagkakatrapik sa ating mga lansangan.
   
Kadalasan, isang pedicab na mabagal tumakbo ang dahilan ng pagkahaba-habang trapik sa Metro Manila na ikinalulugi ng  ekonomiya ng buong bansa kada taon.  Isang pedicab kaladkad ang buong bayan.
   
Ang pagkakaalam po natin eh bawal sa mga lansangan ang mga hindi road-worthy na sasakyan.  Eh bakit po kaya nagkalat ang mga pedicab sa ating mga kalsada?
   
Muli, sana ay huwag magalit sa inyong lingkod ang mga pedicab driver. Batid po natin ang kahalagahan ng kanilang trabaho.
   
Pero tulad nga po ng ating nabanggit, sana ay hindi nakakaperwisyo ang inyong paghahanapbuhay. Mas mainam marahil kung may makikita ang ating mga kababayan na ibang trabaho na higit na mas marangal para sa mga Pilipino.
   
Tungkulin ng gobyerno na magbigay ng maayos na trabaho sa ating mga kababayan.

* * *   

For comments, please call or text 09055080126 or email This email address is being protected from spambots. You need JavaScript enabled to view it..