5,805 guests

Alam na ni Sunshine: Cesar, balitang may anak na sa iba

  • Written by Aster Amoyo
  • Published in Showbiz
  • Read: 1834

MATAGAL nang napapabalita na may anak na lalaki na umano ang actor na si Cesar Montano sa 2009 Miss Earth na si Sandra Seifert bukod pa umano sa dalawa pang batang lalaki sa isa umanong babae na taga-Pampanga.  Pero ang balitang ito ay hindi pa kinukumpirma o pinabubulaanan ng actor-director.

Ngayong pumasok na rin ang ex-wife nito na si Sunshine Cruz sa isang relasyon (kay Macky Mathay), marami ang umaasa na pareho na silang makakapag-move on.

Nakausap namin si Sunshine sa Philippine grand launch ng French luxury watches  na Rene’ Mouris early Sunday evening na ginanap sa grand ballroom ng City of Dreams in Parañaque.

“After all, may kani-kanya na kaming buhay ngayon,” ani Sunshine.
 
Inamin din sa amin ni Sunshine na pagdating sa kanilang tatlong anak ni Cesar, gusto  rin niya  na maging maayos ang relasyon ng mga ito sa kanilang ama lalo kung walang ibang taong nakikialam sa paligid ng actor.

SUNSHINE, GUSTO NANG MAKASAMA HABAMBUHAY ANG BAGONG BF

KAHIT close na magkaibigan sina Ara Mina at Sunshine Cruz,  hindi pala ang una ang naging tulay para magkakilala sina Sunshine at ang rumored boyfriend nito, ang half-brother (sa ama)  ni Ara na si Macky Mathay.  Personal palang nagpadala ng mensahe si Macky kay Sunshine sa Instagram  account nito na sinagot naman ng huli.
   
Nang banggitin niya ito kay Ara ay agad nitong sinabi na kapatid niya si Macky sa ama.
   
Ayon kay Sunshine, isang buwan umano silang nagpalitan ng mensahe sa social media ni Macky bago sila personal na nagkita.  Kinunsulta rin ni Sunshine ang kanyang tatlong anak (kay Cesar Montano)na sina Angelina, Samantha at Cheska at binigyan naman siya ng basbas ng mga ito.
   
Unusual pa ang first meeting nina Sunshine at Macky dahil nagkataon na masama ang kanyang pakiramdam at magpapa-check-up siya sa doktor nang araw na `yon.  Nag-volunteer umano si Macky na sunduin at samahan siya sa doktor.
   
“Akala mo boyfriend ko na siya kung mag-alaga at mag-asikaso sa akin," ani Sunshine.  "I have to admit na iba siyempre ang naramdaman ko for him.  It’s been almost four years after my separation (with Cesar) na hindi ako nag-entertain ng kahit sino to enter into my life.”
   
Ang mga anak pa mismo ni Sunshine ang nagu-udyok sa kanya to go out on dates pero hindi umano niya ito ginawa kahit kelan hanggang sa dumating na sa buhay niya si Macky.
   
“Maybe he’s God-sent to me.  Hindi ko siya hinanap at kusang dumating na lamang siya sa buhay ko,” pag-amin ng singer-actress.
   
“I know na hindi pa kami parehong totally free dahil hindi pa annulled ang kasal namin sa aming ex-partners but when the time comes na pareho na kaming libre, gusto ko na siya na ang makasama ko habambuhay,” deklara ni Sunshine.
   
Si Sunshine ay maga-apat na taon nang hiwalay sa kanyang ex-husband na si Cesar Montano sa darating na Enero at nasa proseso na rin ang annulment ng kanilang kasal habang si Macky ay mahigit isang taon na ring hiwalay sa kanyang ex-wife na si Camille Fariñas, anak ni Rep. Rudy Fariñas ng Ilocos Norte.
   
Kung may tatlong anak na babae si Sunshine sa kanyang ex-husband na si Cesar, tatlo rin ang anak ni Macky sa kanyang ex-wife na si Camille.
   
Nakilala na ni Macky ang mga anak ni Sunshine (kay Cesar) ganundin si Sunshine sa mga anak ni Macky kay Camille maging ang pamilya mismo ni Macky.
   
Sa entire event ng Rene Mouris watch collection grand launch,  may kung ilang beses tumawag si Macky kay Sunshine just to check on her.
   
Kitang-kita rin namin ang kakaibang aura ngayon ni Sunshine na halatang inspired.
   
Nalaman namin na ipinagpapatuloy na rin ni Sunshine ang kanyang pag-aaral sa kolehiyo at malapit na siyang magtapos ng B.S. Psychology.
   
Bukod kay Macky, na-inspire umano siya sa kanyang tatlong anak na pawang matatalino at nag-aaral sa De la Salle -Alabang.

ARA, AYAW NANG MAGPAANAK SA IBA

SAMANTALA, kinumusta namin si Ara Mina tungkol naman sa kanila ng ex-boyfriend at ama ng kanyang anak na si Amanda Gabrielle Meneses, ang Bulakan, Bulacan mayor na si Patrick Meneses.
   
Inamin ni Ara na kahit hiwalay na sila ni Mayor Patrick ay nananatili umano silang magkaibigan hanggang ngayon dahil na rin sa kanilang anak na mahal na mahal ng alkalde.
   
Kung siya lamang daw ang masusunod, mas gusto pa rin niyang magkabalikan sila at mabuo ang kanilang pamilya.
   
“Kung magkakanak pa ulit ako, sana iisa ang ama nila ni Amanda,” pahayag ni Ara.
   
Ang alam  ni Ara hanggang  ngayon ay wala pa ring bagong GF si Patrick.
   
“Baka naman siguro na kayo pa rin sa bandang huli,” biro namin kay Ara.
   
Madalas umanong sunduin ni Patrick ang anak sa bahay ni Ara in Quezon City.
   
“Sanay na rin si Amanda sa set-up namin ng kanyang ama,” pag-amin pa ni Ara.

EVENT SIDELIGHTS

SA Rene’ Mouris event pa rin, ang iba pang celebrities na nakita namin (bukod kina Sunshine Cruz at Ara Mina) ay ang mag-asawang Dingdong Avanzado at Jessa Zaragoza at teen-age daughter nilang si Jayda, ang actress-director na si Gina Alajar, ang magkasintahang Arthur Solinap at Rochelle Pangilinan, Geoff Eigenmann at girlfriend nitong singer na si Maya Flores, Sunshine Dizon at iba pa.
   
Napaka-elegante ng mga watches (for men and women) na first time magiging available sa Pilipinas na ang presyo ay nagri-range sa pinakamababang  P19,000 plus to as much as P50,000 plus pataas with Filipino international endorser Job Abogado as the product celebrity endorser.
   
Ang Philippine grand launch ng Rene’ Mouris watches ay nakipag-collaborate  sa German luxury vehicle na BMW.
   
Tuwang-tuwa naman ang dumalong celebrities dahil binigyan silang lahat ng libreng watches of their choice.
   
Napili ni Ara ang Coeur d’Amour watch na may pink, white and black mother-of-pearl dials na may motif na heart sa gitna ng dial at may nakaukit na diamonds sa frame ng heart.  Nakita na pala ito earlier ng mayamang  businesswoman na nagngangalang Tita Ella, isang  malapit na kaibigan ng ating colleague na si Rey Pumaloy.  Nang balikan ni Tita Ella ang nasabing relos para bilhin ay napunta na ito kay Ara.
   
Dahil gustung-gustong bilhin  ni Tita Ella ang naturang watch collection, nilapitan at pinakiusapan si Ara ni Rey. At nag-give way naman kay Tita Ella ang singer-actress.  Pumili na lamang si Ara ng ibang  style ng naturang watch .
   
Sa guilt ni Tita Ella na napunta sa kanya ang watch na unang pinili ni Ara, nag-treat ito ng dinner sa Apu (sa loob din ng City of Dreams) after ng grand fashion event.