4,503 guests

Binata itinumba sa QC

  • Written by Melnie Ragasa-Jimena
  • Published in Metro
  • Read: 211

Isang binata ang pinagbabaril hanggang sa mamatay sa tapat ng kanilang bahay sa Lungsod Quezon kamakalawa ng gabi.

Kinilala ang biktima na si Oliver Bismanos, 24, ng no. 49 Kaligayahan St., Bgy. Holy Spirit, QC.

Nanatili namang blangko ang mga otoridad sa pagtukoy sa suspek dahil walang sinuman sa lugar ang umano’y nakakita sa krimen.
   
Sa pagsisiyasat ni SPO1 Marvin Masangkay, may hawak ng kaso, nangyari ang insidente sa may kahabaan ng Kaligayahan St., harap ng isang chapel sa Barangay Holy Spirit, QC, dakong alas-9 ng gabi.
   
Bago ito, sabi ng tatay ng biktima na si Mang Oscar, kasalukuyan siyang nanonood ng telebisyon sa loob ng kanilang bahay nang makarinig siya ng mga putok ng baril mula sa labas.
   
Dahil dito, nagpasyang lumabas si Mang Oscar para tignan hanggang sa makita ang walang buhay na katawan ng anak.
   
Nakita sa crime scene ni Mang Oscar ang dalawang tingga ng bala, dalawang bala at walong piraso ng basyo ng bala, na itinurn-over sa mga imbestigador.
   
Samantala, nasawi ang isang 30-anyos na lalaki makaraang pagbabarilin ng hindi nakikilalang salarin sa madilim na bahagi ng kalye sa Barangay Commonwealth kamakalawa.
   
Sa ulat ni PO3 Rhic Roldan Pittong,  may-hawak ng kaso, ang biktima ay nakilalang si Anthon Cris Concepcion, ng 3354 Purok 12, ng nasabing barangay.
   
Sa imbestigasyon, nangyari ang insidente sa kahabaan ng Sampalok Street corner Payatas Road, Barangay Commonwealth, QC, dakong alas-7:50 ng gabi.