6,889 guests

Magsitigil na nga kayo

  • Written by Vic Reyes
  • Published in Opinion
  • Read: 267

HANGGANG ngayon ay hindi pa rin tumitigil ang mga humahadlang sa paglilibing kay dating Pangulong Ferdinand Marcos sa Libingan Ng Mga Bayani. 

Ang masakit pa, ginagamit ito ng mga gustong hiyain at pabagsakin ang administrasyon ni Pangulong Rody Duterte. 

Matapos magdesisyon ang Korte Suprema ay si Duterte naman ang kanilang binabatikos dahil sa pagpayag nga nito na ilibing si FM sa LNMB. 

Imbes na tumulong upang mapaganda ang takbo ng ating bansa, lalo pa nilang sinisilaban ang damdamin ng taumbayan upang magalit sa Administrasyong Duterte. Kitang-kita naman sa aksyon ng mga taong hanggang ngayon ay hindi pa tanggap ang kanilang pagkatalo.
   
Magsitigil na nga kayo!

* * *   

Hindi maitatanggi na laganap pa rin ang katiwalian sa mga tanggapan ng gobyerno.
   
Hindi ito madaling sugpuin dahil ginawa nang negosyo ang korapsyon.
   
’Ika nga, madaling kumita nang malaki dito.
   
Ang masakit, pati mga biktima ng mga tiwaling lingkod-bayan ay ayaw magreklamo.
   
Hindi naman natin masisisi ang mga biktima dahil natatakot sila.
   
Hindi basta-basta ang mga babanggain nila.
   
Puwede silang balikan dahil maimpluwensiya at mapera ang mga ito.
   
Kaya nga kailangan tanggapin at imbestigahan ang mga reklamong galing sa mga taong ayaw magpakilala.
   
Dapat gobyerno na ang umaksiyon para mahuli ang mga kawatan.
   
Hindi na kailangan pang ang nagbigay ng impormasyon ang magpapatunay na tiwali ang isang kawani ng gobyerno.
   
Sapat na ang ibinigay na impormasyon para umaksyon ang gobyerno.
   
Kagaya diyan sa BoC at BIR na kung saan may mga natitira pang  gumagawa ng katiwalian.
   
Dapat maglagay ng mga suggestion box sa mga ahensiyang nabanggit.
   
Lahat ng mga reklamo ay paimbestigahan ng liderato ng ahensiya.
   
Huwag nang alamin kung sinu-sino ang mga impormante.
   
Meron naman kayong mga tauhan na mag-iimbestiga.
   
O puwede niyong ipasa ang impormasyon sa NBI.
   
Ang mahalaga ay maaksiyunan ang reklamo.
   
Huwag iasa sa tao ang paghabol sa mga tiwali.
   
Kayo ang may suweldo na galing kay Juan dela Cruz.
   
Hindi magbuboluntaryo ang isang tao para maging testigo ng gobyerno.
   
Siyempre uunahin niya muna ang kanyang hanap-buhay.

* * *   

Paalaala sa mga naghahanap ng trabaho sa labas ng bansa.
   
Huwag magtiwala sa  mga taong nangangako ng trabaho sa ibang bansa.
   
Marami pa ang nagkalat na illegal recruiter. Alamin kung talagang otorisadong mag-recruit ng mga trabahador ang gusto ninyong aplayan ng trabaho.
   
Mas mabuti pang puntahan ang opisina ng lisensiyadong recruitment agencies.
   
Huwag makipag-deal sa labas ng opisina. Malamang na illegal recruiter ang isang tao kung ayaw niyang sa opisina na kayo mag-usap.
   
Kapag magbabayad, dapat gawin rin ito sa opisina. At humingi ng resibo.
   
Kaya marami pa din ang  nabibiktima ng mga illegal recruiter dahil may mga nagpapaloko.
   
Walang mangyayari sa kampanya laban sa illegal recruitment kung hindi makikipagtulungan ang mga biktima.

* * *   

(Para sa inyong komento at suhestiyon, tumawag o mag-text sa # (0921)4765430/email:This email address is being protected from spambots. You need JavaScript enabled to view it.. Ilagay lang ang buong pangalan at tirahan.)