6,025 guests

Exhibit ‘A’ ng matagumpay na kampanya laban sa droga

  • Written by Atty. Jay De Castro
  • Published in Opinion
  • Read: 239

Magjaisa para sa bayan

ANG Barangay 1, 2, 3, at 4 ng Sakap, Area “A”, Minuyan, San Jose Del Monte City, Bulacan, ang magandang halimbawa ng pagbabago sa kaayusan at katahimikan sa ating bansa.

Ganito rin ang mga karatig barangay sa Area “B”, “C”, “D,” “E”, “F”” “G” at “H”, Sapang Palay, SJDMC, Bulacan.

Ang Sapang  Palay ang pinaglipatan ng mga squatter mula Smokey Mountain, Tondo at Dagat-dagatan Navotas at Metro Manila noong pa­nahon ni yumaong Pa­ngulong Ferdinand Marcos. Sinasabing ang Sapang Palay ay pugad ng krimen at pinagtataguan ng mga wanted sa batas.

Bago umupo si Pangulong Rodrigo Duterte, laganap ang mga sumusunod na krimen at kaguluhan sa mga na­sabing barangay sa Sa­kap, Area “A”, SJDMC.

1. Talamak na benta­han ng shabu at marijuana, na idini-deliber sa bahay sa pamamagitan ng text lamang.
   
2. Naglipana ang mga batang addict na walang gawa sa gabi kundi gumala at humithit ng ma­rijuana at shabu sa madidilim na kalye sa bara­ngay.
   
3. Nagra-riot mistulang gang ang mga batang taga Road 1, 5 at 12 ng Sakap.
   
4. May mga batang babae ang nare-rape at ta­hanang pinapasok ng mga Akyat Bahay Gang.
   
5. Talamak ang pagholdap sa mga mag-aaral at trabahador na umaalis alas-3 ng madaling- araw para pumasok at magtrabaho sa Maynila. 
   
6. Parang prangkisa ng droga ang mga barangay sapagkat ang mga opisyal nito’y kanya-kanyang protektor sa ka­lakalan ng droga rito.

Simula noong umupo si Pangulong Duterte, nagsagawa ng seryosong operasyon kontra droga ang SJDMC Police, na nagresulta sa mga sumusunod: 
   
1. Pagkawala ng anim na Muslim na di-u­ma­no’y pusher o drug courier, na nahulihan ng shabu at isang sakong assorted firearms sa Grotto Vista, Tungkong Mangga, SJDMC.
   
2. Pagkapatay sa police operation sa barangay captain ng Area “D”, na di-umano’y protektor ng droga.
   
3. Pagkahuli at pagkulong sa chairman ng Barangay San Martin II, SJDMC, kaugnay di-umano ng droga.
   
4. Pagpapa-rehab ng barangay chairman ng Area “C”, na kapatid ng dating mayor ng lungsod.
   
5. Ang pagkakapatay sa police operation sa isang alyas “Bulag” at alyas “Noy Muslim,” na nag-o-operate di-umano sa pagbebenta ng shabu sa barangay.
   
6. Ang paghuli at kulong kay alyas “Barok,” na di-umano’y talamak na pusher at holdaper sa barangay.
   
7. Ang pagkawala ng     10 pinaghihinalaang pu­sher sa Barangay Sakap at Citrus, SJDMC, at,
   
8. Ang pagpatay sa tatlong holdaper na nangbibiktima sa madaling araw, sa mga mag-aaral at magulang na pumapasok sa eskwela at trabaho, sa Road 12, Barangay Minuyan at Citrus.  
   
Dahil sa pagkakapatay, paghuli, pagkulong at pagsuko ng mga opisyal ng barangay at pagpatay sa mga nabanggit na kinatatakutang pusher o addict, ay nagkaroon ng malaking pagpapabago sa Area “A” at karatig barangay. 
   
1. Nawala ang talamak na bentahan ng droga sa mga barangay.
   
2. Dahil sa pagpapatupad ng curfew, mula alas-10 p.m. hanggang alas- 3 a.m.  nawala ang mga batang addict na gumagala at nagdro-droga sa gabi.
   
3. Natigil ang riot ng mga bata sa lahat ng barangay.
   
4. Wala nang nangyayaring rape at akyat bahay sa mga nabanggit na lugar.
   
5. Nawala ang holdapan at ang mga mag-aaral at trabahador na umaalis alas-3 a.m. ay nakapaglalakad nang walang takot, sapagkat wala na ang mga nangho-holdap sa kanila. 
   
Ang ibang mga pusher na bata ng mga drug lord o may prangkisa ng droga sa SJDMC ay napatay, sa utos ng huli, sa takot nilang isumbong sila ng una.
   
Ngayon, karamihan sa mga residente ng Area “A” at mga nasabing barangay ay masaya, nawalan ng takot at nagpapasalamat sa ating Pangulo sa pagkakaroon ng kaayusan at katahimikan sa kanilang lugar.
   
Sila ang Exhibit “A” o pruweba na tama at tanggap ng mga Pilipino ang kampanya ni Pangulong  Duterte laban sa droga. 

Ganito ang sinasabi ng ating mga kababayan sa buong kapuluan.