5,542 guests

Sibakin na ang mga inutil na kapitan ng barangay

  • Written by Allan Encarnacion
  • Published in Opinion
  • Read: 255

Hala bira!

BINALAAN na ni Pangulong Duterte ang mga ahensiya ng pamahalaan, lokal man o nasyunal, na huwag pahirapan ang ating mga kababayan na nangangailangan ng kanilang serbisyo.

Tatlong araw ang sinasabi ng Pangulo na dapat ay may aksiyon na ang mga kawani ng gobyerno sa inilalapit sa kanila ng publiko. Kung hindi pa kayang magawa ang tulong na inila­lapit, kailangan bigyan ng return stub o checklist ang mga tao para sabihin kung kailan sila dapat bumalik at ano ang mga kailangan.

Ang pangako ni Digong, kung sino man ang hindi susunod sa ganitong polisiya, papangalanan niya sa publiko at hihiyain.

Isang halimbawa ng kailangang mamura ni Pangulo ay ang Chairman ng Barangay Baesa, Quezon City.  Napi­litan nang lumapit sa tanggapan ng Department of Building Official sa Quezon City hall ang mga residente dahil hindi inaaksiyunan ng kanilang kapitan ang problema laban sa itinatayong building sa tabi ng bahay nila.

Matagal nang inirereklamo ni Efren Neri De Guzman ng No. 51 Mendez St., Bgy. Baesa at ng kanilang mga kapitbahay ang kompanyang Crown Supply dahil sinakop  nito ang bahagi ng kanilang lupa nang maglagay ng pader at magtayo ng gusali.
   
Lumitaw sa survey na umaabot sa halos 11 metro-kuwadrado ang nasakop ng bakod ng kompanya mula sa property ng mga De Guzman.
   
Paulit-ulit na rin umanong inireklamo ni De Guzman kay Bgy. Baesa Chairman Ed Juan ang problemang ito pero walang ginagawang aksiyon.
   
Kaya nga lumapit na sila sa city hall pero sa pinakahuling update, hindi dumalo ang kinatawan ng Crown Supply para sana sa joint survey na itinakda ng Building official noong September 13, 2016.
   
Bukod sa pananakop sa property ng mga De Guzman, inaangal din ng mga residente ang gabi-gabing pagbubuhos ng semento ng Crown na karaniwan ay nababagsakan pa ang bubong ng kanilang mga bahay.
   
Katunayan, may mga misis pang naospital dahil na-hypertension sa mga nagbabagsakang semento sa bubong ng kanilang bahay kahit dis-oras na ng gabi.
   
Tanong, bakit wala pa ring aksiyon ang barangay kahit paulit-ulit nang nagrereklamo ang mga residente laban sa Crown Supply na sinasabing pag-aari ni Stevio So?
   
Baka naman kaya nagtataingang-kawali si Kapitan dahil alam ni­yang walang eleksiyon at hindi siya mapapalitan?
   
Kap, baka hindi mo rin alam na sisipain na ni Pangulong Digong  ang mga kapitan sa pagtatapos ng termino na ang desisyon ay nakadepende sa inyong performance.
   
Kung ako sa mga taga-Barangay Baesa, tawagan nila ang Hotline 8888 para direkta n’yong ireklamo ang kawalan ng aksiyon ni Kapitan na siguradong makakarating kay Pa­ngulong Digong.
   
Nanawagan tayo sa mga taga-Barangay Baesa na direkta nang ireklamo sa Malacañang o sa DILG ang kawalang aksiyon ng inyong mga opisyal para masubukan na ang bangis ni Pangulong Digong sa mga inutil sa pamahalaan.
   
Kailangan nang masibak ang mga walang silbing barangay official bago kumalat ang kanilang lahi.

This email address is being protected from spambots. You need JavaScript enabled to view it.