4,948 guests

Senior Supt. Marcelo Pedrozo, handa sa imbestigasyon

  • Written by Edd Reyes
  • Published in Opinion
  • Read: 248

On the beat

MAY sarili palang video footage ang Manila Police Department (MPD) na ipi-prisinta sa gagawing pag-iimbestiga sa marahas na dispersal ng mga rallyista sa harap ng US Embassy noong Martes bilang patunay na hindi sa kanila nagsi­mula ang kaguluhan.

Inihayag ito ni Senior Supt. Marcelino Pedrozo sa kanyang pagharap kahapon sa lingguhang Brewed Caster’s Forum bilang depensa sa mga akusasyon na ang kapulisan ang nagsimula ng gulo na nagresulta sa pagkakasugat ng marami sa hanay ng kapulisan at rallyista.

Inamin ni Pedrozo na nagalit at nakapagsalita siya ng masakit sa harap ng kanyang mga opisyal at tauhan dahil nagkaroon ng kapabayaan ang mga ito sa kanilang tungkulin at sila pa ang umatras na naging daan upang makalapit sa embahada ang mga rallyista, makapagsaboy ng pintura at makapaghagis ng bato sa mga kapulisan.

Nilinaw niya na nauunawaan niya ang naging pagkukulang ni Supt. Albert Barot,  hepe ng Station 5 ng MPD, sa pagkontrol sa mga rallyista dahil naging kampante aniya ang opisyal sa paniwalang maaayos na ang relasyon ng militanteng grupo sa pamahalaan at hindi na gagawa ng karahasan ang mga ito.

Hindi naman pabor si Pedrozo sa ginawang pananagasa ni PO3 Franklin Kho sa mga rallyista bagama’t posible aniyang nataranta na rin ang pulis dahil pinagpapalo at tinangkang ibuwal ng mga rallyista ang police van. Bahala aniya si Kho na magpaliwanag at hindi niya pangungunahan kung ano man ang dahilan nito sa ginawang hakbang.
   
Naniniwala si Pedrozo na planado ang ginawa ng mga rallyista dahil may bitbit na silang pintura, bato at pamalo nang magsagawa ng rally. Kumpiyansa rin siya na maipiprisinta niya nang maayos ang kanyang depensa sa mga mag-iimbestiga sa naturang insidente at umaasang mauunawaan ito ng matataas na opisyal lalo na kung lalabas ang katotohanan.

SEAL OF GOOD GOVERNANCE
   
Halos nakakasiguro na ang pamahalaang lokal ng lungsod ng Navotas na mapagkalooban ng Seal of Good Governance ng Department of the Interior and Local Government (DILG) matapos mabigyan ng “unqualified opinion” ng Commission on Audit (COA).
   
Ang unqualified opinion ay ipinagkakaloob ng COA sa isang ahensiya o lokal na pamahalaan na may maayos na pamamalakad at pag-uulat sa kalagayang pananalapi.
   
Sa 17 lokal na pamahalaan sa Metro Manila, tanging ang Navotas City na pinamumunuan ni Mayor John Rey Tiangco ang nabigyan ng unqualified opinion ng COA sa ilalim na rin ng pagsang-ayon ng Philippine Public Sector Accounting Standards.
   
Ikinarangal at ipinagmalaki naman ni Mayor Tiangco ang pagkakaloob ng unqualified opinion sa kanila ng COA na aniya ay nagpapatunay lamang na bukas ang kanilang lungsod sa pagbusisi ninuman sa lagay ng kanilang pananalapi.
   
Nangako ang alkalde na dodoblehin pa nila ang kanilang pagsusumikap na mapagkalooban ng maganda at maayos na serbisyo ang mga Navoteños upang maiangat ang kanilang kabuhayan.
   
Ang unqualified opinion na ibinibigay ng COA ay mahalaga sa mga lokal na pamahalaan dahil isa ito sa kinakailangan upang mapagkalooban ng Good Financial Housekeeping na mahalagang elemento sa Seal of Good Governance.
 
MAYOR OCA, TIWALA SA KAPULISAN
   
Hindi lahat ng anti-drug operation ng pulisya sa Caloocan City ay nauuwi sa pamamaslang sa mga hinihinalang drug pusher.
   
Ito ang nilinaw ni Mayor Oscar “Oca” Ma­lapitan nang iharap sa kanya kamakailan ni Caloocan police chief Senior Supt. Johnson Almazan ang dalawang big-time drug pushers na natiklo nang buhay ng pulisya matapos na hindi manlaban. Karaniwan na kasing naiuulat ang pagkasawi ng mga hinihinalang drug pusher sa mga buy-bust operation at bihirang malathala ang mas maraming nahuhuli nang buhay.
   
Ayon sa alkalde, hindi masisisi ang kapulisan kung ipagtanggol nila ang kanilang sarili laban sa armadong drug personalities lalo na sa mga talamak at walang pla­nong magbagong-buhay o sumuko sa awtoridad.
   
Malaki rin aniya ang nagagawang tulong ng kanyang constituents na personal na nagbibigay ng impormasyon sa kanya sa pamamagitan ng text me­ssage hinggil sa mga drug pusher na patuloy sa kanilang iligal na gawain na kanya namang ipinapasa sa kapulisan para sa beri­pikasyon at police operation.
   
Malaki rin ang kum­piyansa ni Mayor Oca kay Senior Supt. Almazan dahil nakikita niya sa naturang opisyal ang seryosong kampanya nito laban sa iligal na droga, patunay ang halos pagkapuno ng kanilang bilangguan sa nahuhuling drug personalities.

* * *
   
Sa sumbong, reklamo at suhestiyon, mag-email lang sa This email address is being protected from spambots. You need JavaScript enabled to view it. o mag-text sa 0915-6492023.