5,682 guests

Porsiyento ng mga pulis sa punerarya, lumobo

  • Written by Edd Reyes
  • Published in Opinion
  • Read: 263

HINDI naman lingid sa kaalaman ng pamunuan ng Philippine National Police (PNP) ang paghingi ng porsiyento ng mga pulis na nakatalagang mag-imbestiga ng mga napapaslang na indibiduwal sa mga puneraryang kanilang tinatawagan para kumuha sa mga bangkay.

Open secret naman noon pa man na may porsiyentong nakukuha ang mga imbestigador sa tuwing may hahawakan silang kaso ng pagpatay. Sa katunayan, may mga insidente na nga na muntik nang magbarilan ang ilang pulis dahil sa pag-aagawan sa bangkay na ipakukuha nila sa contact nilang punerarya.
   
Pero eto ang bago, hindi lang pala barya-barya ang porsiyento ng mga imbestigador ngayon sa mga kontak nilang punerarya kundi tinatarahan na nila ng malaking halaga ang mga funeral parlor sa bawat bangkay na kanilang ipakukuha. Ang resulta, ang pamilya ng pinaslang o namatayan ang magdurusa sa pagbalikat ng malaking halaga para matubos ang bangkay sa punerarya. Namatayan na, nagastusan pa nang malaki.
   
Bakit nga ba lumaki ang porsiyentong hinihingi ngayon ng mga imbestigador sa mga punerarya gayung kung tutuusin, sa dami ng mga napapaslang araw-araw, malaki na rin ang kanilang ganansiya? Ang sabi ng isang kawani ng isang punerarya sa pamilya ng namatay, pumi-picture na rin daw kasi ngayon ang team leader at hepe ng mga imbestigador kapag may makukuhang porsiyento ang isang imbestigador.
   
Eto pa ang mabigat, sabi ng isa sa pamilya ng namatayan, ibinulong daw sa kanila ng kawani ng punerarya na pati mga tauhan ng SOCO o Scene of the Crime Operatives  ay pumi-picture na rin daw.  Anak ng tokwa, kaya pala ang ilang mahihirap na pamilyang namatayan, halos isang buwan nilang pinaglalamayan ang bangkay para makalikom ng pampalibing na galing naman sa sugal na sakla.
   
Kamakalawa nga, mismong si Senator Gringo Honasan ay binanggit niya sa pagdinig ng Senado sa extra judicial killings ang paghingi ng porsiyento ng mga pulis sa mga ipinakukuha nilang bangkay sa mga punerarya. Kahit daw matambak ang mga bangkay na hindi kinukuha ng kanilang kaanak, hindi naman lugi ang mga punerarya kahit maghatag pa sila ng porsiyento sa mga pulis dahil naibebenta pa nga raw sa mga medical school ang mga hindi nakukuhang bangkay. Wala ni isang opisyal na dumalo sa pagdinig ang sumalungat o nagkaila sa pahayag ni Honasan.

TEXT NG READERS
   
Sa mga sumusubaybay sa On the Beat na nagpadala ng kanilang mga sumbong, reklamo at suhestiyon, ipagpaumanhin lamang kung naantala ang paglabas ng inyong mensahe  dahil kailangan muna nating suriin kung lehitimo at walang personalan ang sumbong laban sa mga indibidwal o lugar na inyong inirereklamo.
   
Sa text ng isang Rex ng Pasay City, inireklamo niya ang tatlong mesa ng color game sa kanto ng Libertad at Taft Avenue, ilang hakbang lang daw sa isang police precinct. Kahit sa gabi lang daw ang operasyon, karamihan ay mga menor-de-edad  ang parokyano. Pinatotohanan naman ito ng isang reporter na nakatalaga sa area.

* * *
   
Sa Carmen Planas malapit sa kanto ng Padre Rada na sakop ng Divisoria area sa Tondo, naging puwesto-pijo na ang color games na pinuputakti ng mga mananaya, karamihan ay mga vendor at kabataang kalalakihan. Sa mismong lansangan nakapuwesto ang color games na binabantayan pa ng isa raw opisyal ng barangay.

* * *
   
Isa namang pulis na may alias na Jing Asinas ang gumagamit daw sa pangalan nina Vice Mayor Joy Belmonte at isang Major Lorenzo para mangolekta ng intelihensiya sa mga club at iligal na pasugalan sa Quezon City. Nagmamalaki raw si Asinas na nakatalaga siya sa city hall detachment at binabantaan na ipapasara ang pasugalan at club na hindi magbibigay ng intelihensiya.

* * *
   
Talamak daw ang iligal na droga sa Manila City Jail ayon sa isang texter na minsan ay naipapasok sa pamamagitan ng kalapati. Naghigpit daw  ang iniupong warden kaya nagwala ang mga bilanggo at nagsagawa ng marahas na kilos-protesta para ipasibak ang warden.

* * *
   
Isang alyas Jay Long Hair na parati raw sa Aquarius St. sa Biñan, Laguna ang inireklamo ng isang suking texter na prumotor daw sa pagbebenta ng iligal na droga sa Mercedes Subdivision. Inutil daw ang mga pulis dahil hindi nagsasagawa ng Oplan Tokhang sa Barangay Sto Niño. Hindi raw kasi nagbibigay ng mga pangalan ng sangkot sa iligal na droga ang kanilang barangay official.

* * *
   
Nagpasalamat naman sa On the Beat ang isang Rick Cruz ng San Jose Del Monte City, Bulacan at nagpahayag ng pagtitiwala sa People’s Tonight na naglalabas aniya ng katotohanan.
   
Sa mga sumbong, reklamo at suhestiyon, mag-email lang sa This email address is being protected from spambots. You need JavaScript enabled to view it. o mag-text sa 0915-6492023.