7,646 guests

Ragos vs Ochoa!

  • Written by Marlon Purificacion
  • Published in Opinion
  • Read: 345

SAYANG at hindi pinatulan ng House Committee on Justice ang pagsama sa pangalan ni dating Executive Secretary Paquito “Jojo” Ochoa, Jr. sa ‘supplemental affidavit’ na inihain ni dating National Bureau of Investigation (NBI) deputy director Raffy Ragos.

Sa supplemental affidavit na inihain ni Ragos sa nakalipas na Congress inquiry, inilahad nito ang mga petsa at halaga ng ibinigay niyang pera kay dating Justice secretary at ngayo’y Senadora Leila de Lima.
   
Kapansin-pansin sa ika-12 talata ng affidavit ni Ragos ang pagkakabanggit kay Ochoa na ang laman ng salaysay ay:
   
“Sometime in February or March 2013, the then Executive Secretary Paquito Ochoa, Jr., called and instructed me to facilitate the entry of a certain preacher, whose name I could no longer recall, to the New Bilibid Prisons. This includes the vehicle carrying the preacher.”
   
Kung simpleng mamamayan o mga tagasubaybay ng ‘De Lima serye’ ang titingin,  maaaring balewalain lamang ito ng madla. Pati nga si Cebu Rep. Gwen Garcia ay nagalit pa kay Ragos dahil bakit nga naman isinama pa ang nasabing ‘paragraph’ gayung wala itong kinalaman sa pagdinig patungkol sa ‘proliferation of illegal drugs’ sa NBP.
   
Pero lalaliman natin ang pag-analisa, may nais sabihin si Ragos sa Kongreso patungkol sa kinalaman ni Ochoa  sa ‘proliferation of illegal drugs.’ Gusto lamang ng opisyal na may magtanong kung ‘pasok’ din ba si Ochoa sa sindikato ng droga sa NBP.
   
Tao ni Ochoa si ret. Col. Reginald Villasanta na executive officer ng PAOCC na kaklase naman ni dating BuCor chief ret. Gen. Franklin Bucayu at ret. PNP Deputy Chief Marcelo Garbo na unang ini-link ng Pangulong Duterte bilang narco-general.
   
Hindi ko alam kung tanga, slow o talagang sinadya ng komite ni Oriental, Mindoro (2nd district) Rep. Rey Umali, chairman ng  Committee on Justice, na hindi kagatin ang pain ni Ragos.
   
In fairness sa kongresista, maayos ang ginawang paghawak nito sa nakalipas na apat na Congress inquiry. Dapat nga nating pasalamatan, saluduhan at papurihan si Umali kasi ngayon lamang nagkaroon ng ‘House inquiry’ na kahit papaano ay naging maayos at ‘everything is in order and in proper’ at ‘parliamentary.’
   
Hindi katulad dati, parang nasa palengke ang mga isinasagawang pagdinig sa Kongreso kumpara sa Senado.
   
Ang puna lang natin sa komite ni Cong. Umali, masyado silang tumutok sa koneksiyon lamang ni De Lima sa mga droga sa Bilibid.
   
Hindi nila nilawakan ang ginawang imbestigasyon.  Oo’t ‘inquiry in aid of legislation’ ang motibo ng pagsisiyasat, pero mas ‘in aid of legislation’ po kung bukod kina De Lima, Ragos, Bucayo, Colanggo, Sebastian, et al, ay inalam pa nang husto ang punu’t dulo ng transaksiyon sa droga.
   
Natuwa na tayo at kahit papaano ay naitanong kina Sebastian, Peter Co at Vicente Sy kung paano at saan nanggagaling ang droga. Pero sana inalam pa ito nang husto. Mas pinalalim pa sana ang imbestigasyon, nilawakan at hindi sana nag-concentrate lamang sa De Lima connection kasi ang problema ng buong bansa, take note Cong. Umali, buong Pilipinas po ay ang talamak na problema sa ipinagbabawal na gamot.
   
Ipagpalagay na natin na may kinalaman nga si De Lima, ibig bang sabihin si De Lima na rin ang dahilan kung bakit umabot sa apat na milyon ang adik sa Pilipinas?
   
Ang koneksiyon po ni De Lima sa pagbibigay proteksiyon (kung totoo man!) sa Bilibid ay ‘mababaw’ pa kung titingnan. Kung baga sa puno, tangkay lang si De Lima (kung totoo lang uli!) o bunga, pero ang ugat ay hindi pa nakakalkal.
   
Natatawa na lang din ang Volunteers Against Crime and Corruption (VACC) kung bakit si Sebastian lang ang isinama nila sa kinasuhan, kasama ni De Lima. Ibig bang sabihin nito, walang pananagutan si Colanggo?
   
Mas naniniwala ba silang mas may kakayahan si Sebastian na makipag-deal sa mga international drug syndicate kumpara sa Intsik na si Colanggo at Peter Co?
   
Ano ba naman iyan, mga kuya! Nasa harap n’yo na ang ebidensiya, nilagpasan n’yo pa!
   
Balik tayo sa Ragos testimony, bakit parang takot kayong kalkalin kung may kinalaman ba si Ochoa?
   
Uso pa rin ba ang ‘selective justice system?’ Akala ko ba sa Aquino administration lamang ito?
   
Ilang report na ba ang naglalabasan sa media na may mga ‘religious preacher’ din ang ginagawang ‘front’ sa Bilibid ng sindikato sa droga? Sa salaysay ni Ragos, may preacher na pinapasok si Ochoa sa Bilibid, bakit wala man lang nag-usisa kung ‘tulak’ din ba ang nasabing preacher?
   
Tingnan n’yo mga kababayan ha?
   
Inimbitahan sina Bucayo, PDEA, PNP, NBI, pero bakit walang inimbitahan sa mga dating opisyal ng Presidential Anti-Organized Crime Commission (PAOCC) na pinamunuan ni Ochoa noon pang June 2011?
   
Titulo pa lang, hindi na kailangang sabihin na ‘organized crime syndicate’ ang dapat sugpuin ng grupo ni Ochoa. Kasama na rito ang pagsagawa ng intelligence at counter-intelligence sa mga sindikato sa droga, kidnapping, carnapping at human trafficking.
   
Pero ano ang ginawa ni Ochoa para ma-monitor at mapigil ang talamak na droga sa NBP? ’Di ba wala?
   
Sabagay, marami na ring kinasangkutan ang PAOCC ni Ochoa noon pero inupuan lamang ito ng nakalipas na administrasyon. Hindi na ko lalayo, hindi ba may nagsasabi na may pananagutan din ang grupo ni Ochoa kaya napatay ang 44 SAF members sa Mindanao?
   
Eh ang Atimonan, Quezon ‘bloody encounter’ noong January 2013 kung saan ay pulis sa pulis ang nagbarilan at ikinamatay ng 13 katao?
   
Ilan lang ito sa nalusutan ni Ochoa.
   
Mano ba namang usisain ngayon kung na-monitor din nila ang ‘drug proliferation’ sa NBP. At kung may na-monitor man, ano ang kanilang ginawa?
   
Aabot sa P2.5 billion po ang naging pondo ni Ochoa? Pero saan kaya nagamit ito?
   
Kaya nga sa ‘affidavit’ ni Ragos, imposibleng wala siyang ibig ipakahulugan dito laban kay Ochoa.
   
Ang problema lang, hindi ko alam talagang ‘iwas pusoy’ lang ang ating mga kongresista kaya wala kahit isa sa kanila ang nag-atubiling nagtanong kung may nalalaman ba si Ochoa sa sindikato ng droga sa NBP.

   
Kung ganyan din lang ang may iniiwasan tayong personalidad, wala ring patutunguhan ang giyera ni Duterte laban sa ipinagbabawal na gamot.
   
Siyangapala, bago ko malimutan.
   
Ano nga uli iyong dokumentong pilit kinukuha ng grupo ni Ochoa sa opisina ni dating DILG Sec. Jesse Robredo ilang araw matapos mamatay sa plane crash ang mister ni Vice-President Leni Robredo noong August 2012?
   
Hindi ko sinasabing tungkol sa ‘drug list’ iyon ha?
   
Pero magkakaroon ng linaw ito kung isasama sa imbestigasyon si Ochoa tungkol sa sindikato sa droga.
   
Uulitin ko, sayang lang ang pagiging ‘absolute’ o determinasyon ng Duterte administration tungkol  sa giyera kontra droga kung may mga taong dapat tanungin ang pilit namang iniiwasan.
   
Ang tanong na lang ngayon, sino ang maglalakas ng loob na kuwestiyunin si Ochoa tungkol sa accomplishment nito sa kampanya sa ipinagbabawal na gamot.
   
Sino nga kaya, DOJ Sec. Vitaliano Aguirre?

ATTENTION SR. SUPT. BELLIE TAMAYO
   
Habol ko lang po ’to para kunin naman ang atensiyon ni Sr. Supt. Bellie Tamayo, hepe ng CIDG-NCR.
   
Col. Tamayo, sir, pa-check n’yo po kay Sr. Insp. Richar Macachor kung talaga bang may retired policemen kayong inutusan para kumuha ng ‘tongpats’ sa mga illegal gambling sa Metro Manila?
   
Pangit po kasi tingnan na habang masipag, mahusay at credible ang ginagawa ninyong ‘accomplishments’ ngayon ay may mga kumag tayong tauhan na walang ginawa kundi umorbit sa illegal gambling.
   
Ang alyas po ng mga nagpapakilalang kolektor ngayon  ay sina Domeng A., Berong Y. at isang PO1 Dalisay.
   
Pa-check na po, Col. Tamayo, sir,  para naman masupil ang gumagamit sa inyong pangalan.
   
Good luck po sa inyo, idol!