5,288 guests

Natapos ko nang panoorin ang Narcos

  • Written by Allan Encarnacion
  • Published in Opinion
  • Read: 390

ISA itong TV series sa Netflix, 2-season, 20 episodes na nagdetalye ng drug trade sa Colombia at ang cocaine king na si Pablo Escobar, ng Madellin at Cali drug cartel.

Habang pinapanood ko ito, pumapasok sa isip ko ang lahat ng sinasabi ni Pangulong Duterte tungkol sa peligro ng drug syndicate sa bansa at kung paano ito naging virus sa pulitika.

Parang si Presidente ang script writer ng teleserye dahil ang bawat sabihin niya sa kanyang pagsasalita sa lahat ng okasyon, napapanood ko in full colors.
   
Bago ko ito pinanood, may binabasa akong libro about war of the gang lords na isinulat ni Ioan Grillo. Tungkol din ito sa operasyon ng drug cartel sa South Amerika. Natigil nga ang pagbabasa ko dahil sa panonood ng Narcos.
   
Nabanggit na rin ni Digong ang libro ni Grillo sa kanyang mga speech. Ganoon ka-passionate ang Pangulo sa pagresolba ng problema ng krimen at illegal drugs sa ating bansa.  Bilang kilalang bookworm, lahat na siguro ng libro tungkol sa iba’t- ibang  uri ng droga ay nabasa na niya.
   
Doon sa Narcos TV series na ginawa batay sa mga totoong pangyayari, nakita natin ang kakaibang mentalidad ng sindikato ng droga. Tama si Digong, hindi lang sila handang pumatay, talagang balewala sa kanila ang buhay.
   
Ipinakita doon na kapag nagkaroon na ng hibla ng onsehan, hulugan at agawan ng merkado tulad ng sinasabi ng Pangulong Digong, doon na papasok ang matinding gulo. Gamitan na ng impluwensiya sa gobyerno, mula sa pulis, sundalo, hudikatura, lehislatura at hanggang sa ehekutibo.
   
Kaya talagang gawing hostage ng Narcos ang estado kapag talagang ginusto nila. Kaya nilang pasukin ang lahat ng aspeto ng  buhay natin mula sa pagkagising hanggang sa pagtulog.
   
Nakita rin natin doon kung paanong ang bawat cartel ay kayang mag-ubusan ng lahi, hanggang sa pinakamusmos na bata ay walang halaga sa kanila kapag kailangang patayin.
   
Pinasok ng Narcos ni Escobar ang pulitika ng Colombia. Batay sa istorya, ginulo ng cartel ang buhay ng bawat mamamayan sa Colombia.
   
Mga teenager, babae at bata ay konektado sa Narcos. Sa lawak ng galamay ng sindikato, ipinakita ang paghihirap ng gobyerno ng Estados Unidos at Colombia na sugpuin ang cartel dahil sa lakas ng kanilang mga armas, dami ng mga tauhan at dami ng kanilang pera.
   
Bago napatay si Escobar, nawalan ng kaayusan ang Colombia. Maging ang Miami at Los Angeles na sentro ng merkado ng drug cartel ng South Amerika ay na-virus nang husto ng droga noong kalakasan ng operasyon.
   
Sa pamamagitan nito ay higit kong naunawaan ang tunay na agenda ni Digong na wasakin ang drug syndicate mula sa sinasabi niyang apparatus (basurero) o mga street pusher at middle men.
   
Kaya nga itong sinasabi ni General Bato na Double Barrell 2.0, ang target naman ay ang upper level ng sindikato at isang panibagong programa ng gobyerno na suportado ng publiko.
   
Ramdam ng ating mga kababayan ang pinsala ng droga kaya nga sobrang taas ng rating ni Digong sa nakaraang SWS survey.
   
Kahit sangkatutak ang kritiko sa international community at mga destablizer, majority pa rin ng mga kababayan natin ang nakasuporta sa kampanya laban sa droga.
   
Hindi mo na kailangang maging bahagi ng drug cartel para maunawaan ang pinsala ng droga sa lipunan.
   
Si Presidente Duterte lamang ang pinakaunang lider na sumagupa sa sindikato magmula pa noong una at ikalawang giyerang pandaigdig kaya sa tingin ko, ito ang ginusto sa kanya ng publiko.

* * *

This email address is being protected from spambots. You need JavaScript enabled to view it.