4,883 guests

NAUuSO!

  • Written by Vinia Vivar
  • Published in Showbiz
  • Read: 539

Dennis, umaming may ‘karanasan’ sa bading

Kaaliw ang presscon ng peliku-lang Bakit Lahat ng Gwapo May Boyfriend dahil puro kabadingan ang topics since gay-themed ang movie na pinagbibidahan nina Anne Curtis, Paolo Ballesteros and Dennis Trillo.

Si Anne ay natanong kung ano ang magiging reaksyon niya sakaling malaman niya na gay pala ang boyfriend niya.

“Diyos ko, day,” napabuntunghiningang sabi ni Anne, “Hindi ko talaga alam, nakakaloka siguro ’yun. Although may mga kakilala ako na nangyari sa kanila, may mga anak na nga, eh.

“Masakit daw pero ang nangyayari minsan, nagiging kumare mo na nga lang daw ’yung ex mo in the future. Pero if that happens to me, siguro mahihirapan muna akong tanggapin pero kung mahal mo talaga, ’yun na nga, magiging sister mo na lang siya,” sey ni Anne.
   
Sa history ba ng lovelife niya ay wala pa namang nangyayaring ganu’n?
   
“Ay grabe! Parang wala naman. Unless meron kayong alam na hindi ko alam,” natatawang sabi ng aktres. “Pero wala, wala,” dagdag niya.
   
Natanong din si Anne kung tingin ba niya, totoong lahat ng gwapo ngayon ay may boyfriend at aminado naman siyang madami raw talaga.
   
“Eh, kasi, nakapaligid ako sa ganu’n (gays), eh. Actually, hindi na nga uso ngayon ’yung mga nakabihis-babae na mga bakla. Parang hindi mo na talaga malalaman na may boyfriend na pala sila.
   
“Ang dami talagang gwapo. Kaya nga nauso ’yung ‘naku sayang lahi mo’ or whatever. Pero it’s actually the norm now, ang daming gwapo na may boyfriend. Tapos ang dami nang terms, fluid, kung anu-ano na mga ganern na talagang they go both ways,” sey ni Anne.
   
Maging si Dennis ay ganu’n din ang opinyon.
   
“Minsan, mapapaisip ka talaga (kung bakit maraming gwapong may boyfriend), pero tulad ng sabi ni Anne, ganu’n na ’yung nangyayari ngayon, eh. Mas matalino na ’yung mga tao, mas matapang na silang harapin kung ano ’yung gusto nila at kung ano ’yung gusto nilang mangyari sa sarili nila at sa katawan nila.
   
“So, kailangan mo na lang tanggapin siguro kung ano ang nangyayari talaga,” sey ni Dennis.
   
When asked kung niligawan na ba siya ng bading, sey ng aktor, “hindi naman niligawan, pero siyempre, alam mo kapagka gusto ka ng isang tao. Nangyari na rin ’yan.”
   
Ano ang ginawa niya?
   
“Wala naman akong ano. Siyempre, nirerespeto ko dahil tao rin naman ’yun, pare-pareho lang naman tayong lahat. Kung naramdaman niya ‘yun para sa akin, matutuwa (ako) pero hindi ko siya babastusin, sasabihin ko lang, ‘pasensiya ka na, hindi ko masusuklian ’yung...” sagot ni Dennis.
   
Sa Bakit Lahat ng Gwapo May Boyfriend, ginagampanan ni Paolo ang role na gay na may gusto sa best friend niya na karakter ni Dennis. Si Anne naman plays Kylie na laging nai-in-love sa mga beki at ex-bf niya si Paolo.
   
Si Dennis ay pahulaan pa kung gay or lalaki ang kanyang role at panoorin na lang daw para malaman.
   
Showing na sa Oct. 19 ang Bakit Lahat ng Gwapo May Boyfriend mula sa direksyon ni Jun Robles Lana hatid ng Viva Films at IdeaFirst Productions.

* * *

Sa naturang presscon pa rin, okay lang kay Paolo na ma-typecast sa mga roles na gay at ready naman daw siya kung dahil sa movie ay babalik na naman ang mga gender issues tungkol sa kanya.
   
“Okay lang kasi dahil nga du’n sa mga tsika na ’yun, ayan, may movie,” natatawa niyang sabi. “Na-justify ang pagiging bakla sa movie. So, keri lang.”
   
Kung si Anne at Dennis ay may kissing scene, natanong si Paolo kung type din ba niyang magkaroon ng kissing scene with Dennis.
   
“Oo,” mabilis na sagot ni Paolo.
   
Siyempre, natanong si Dennis kung ano ang masasabi niya at sagot naman ng aktor, “kung magkakaroon ng ganun’g eksena, wala namang problema sa akin, nagawa ko na naman ’yun dati. So, kung para sa ikagaganda ng pelikula, walang problema.”
   
Napapalakpak si Paolo sa sagot ni Dennis but the thing is, ipalalabas na nga ang movie kaya ewan kung maihahabol pa ang gusto niyang eksena.
   
Sabi naman ni Direk Jun, pwede pa naman daw ihabol if ever kaya abangan na lang natin kung magkakatotoo ito.