5,560 guests

Kapayapaan, kapayapaan; gayon ma'y walang kapayapaan!

  • Written by Hadje Cresencio Sadje
  • Published in Pananaw Pinoy
  • Read: 1332

Noong ika-20 ng Setyembre 2001, idineklara ng dating pangulo ng Estados Unidos na si George W. Bush ang “War on Terror.” Isinapubliko ito at napanood ng buong mundo siyam na araw matapos ang malagim na 9/11 attacks sa World Trade Center. Dahil ang pinatutungkulan ng giyerang ito ay ang Muslim world, sumentro ang global campaign against terror sa Middle East region.

May dalawang bagay na hindi maitatanggi sa naging pagtugon ng US at ng kanyang mga kaalyadong bansa sa paglulunsad ng laban sa mga tinuturing na Islamist terrorists at maging sa mga Arab states na pinaghihinalaang financiers ng mga ito.

Una, naniniwala ang US at ang kanilang allies na masusugpo ang global terrorism sa pamamagitan ng maigting na military campaign. Ayon sa kilalang ekonomista na si Prof. Michel Chossudovsky, ang trahedya ng 9/11 ay naging mabisang argumento ng US at North Atlantic Treaty Organization (NATO) para isulong ang kanilang global military agenda partikular sa Middle East region.

Pangalawa, sa mga sumunod na taon, isinulong din ang “US crusade for democracy” sa Middle East region. Isang tanyag na US foreign analyst na si Thomas O. Melia ang nagsabi na pagkatapos ng 9/11 attacks, ang “Bush Doctrine” na ito ang nangibabaw na katangian ng US foreign policy sa Middle East.

Subalit sa nakalipas ng 15 taon, tila bagang lalong nanganganib sa terrorist attacks ang buong mundo. Ayun kay Ivo H. Daalder, former president ng Chicago Council on Global Affairs, “America’s fear of terrorism is perhaps greater than ever.” Bukod pa dito, lalong lumaganap ang totalitarian regime, human rights violations at patuloy na pagtaas ng bilang ng mga namamatay na inosenteng mamamayan sa Middle East region. Ang konklusyon ng experts, ang global war on terrorism ang siyang lumikha ng napakaraming radical Muslim sa Middle East at sa iba’t-ibang panig ng mundo. Halimbawa na lang nito ang nangyayaring kaguluhan sa Libya at Iraq. Sa madaling salita, taliwas ang mga resultang ito sa mga ipinangako ng US at mga allies nito na magiging bunga ng war on terror. Kamakailan, naging laman na naman ng balita ang giyera sa Syria. Nakapapangilabot panoorin ang video clips kung saan makikita ang mga inosenteng batang nagiging biktima ng giyerang kung tutuusin ay may anim na taon nang nagaganap.

Iba-iba ang pananaw at posisyon ng mga superpowers na bansa sa isyung ito sa Syria, at lumalabas na walang malinaw na paliwanag kung ito ba ay national civil war or isang proxy war lamang ng US at Russia. May ilang nagsasabi na ito ay karugtong ng phenomenon ng Arab Spring. Sabi naman ng iba, kagagawan ito ng military industrial complex, oil, at geopolitics. Pero ang malinaw na biktima rito ay ang mga inosenteng mamamayan ng Syria na naiipit sa sigalot ng mga nagtutunggaling kapangyarihan. Ayon sa report ng United Nations Office for the Coordination of Humanitarian Affairs, may 13.5 milyon na ang nangangailangan ng humanitarian assistance sa Syria, 4.8 milyon ang lumikas palabas ng nasabing bansa, at may 6.1 milyon na kasalukuyang internally displaced. Ayon din sa UN special envoys, ang tantiya nila ng death toll ay umabot na sa 400,000 simula nang nag-umpisa ang giyera.

Kung may mapupulot tayong aral sa pangyayaring ito, ito ay ang kapayapaan na batay sa karahasan ay magbubunga lang ng napakarami pang karahasan. Kung pilit tayong maniniwala na karahasan ang tugon sa karahasan, baka sa huli tayong lahat ay maging biktima na rin ng karahasan. Hangga’t hindi natin haharapin ang ugat ng problema, hindi natin masusugpo ang mga problemang tulad nito. Sabi ng isang kilalang American Jewish social scientist na si Noam Chomsky, “…cut off the flow of arms and stop bombing to stem the atrocities.”

Hangga’t pinaniniwalaan natin na ang kapayapaan ay batay sa karahasan, hindi natin ito makakamtan. Sabi nga ng isang propetang Hudyo, “…Kanilang pinagaling din naman ng kaunti ang sugat ng aking bayan, na sinasabi, kapayapaan, kapayapaan; gayon ma'y walang kapayapaan (Jeremias 6:14).”

Mapapakinggan ang Pananaw Pinoy sa radyo, sa programang “Oras ng Pilipinas,” sa pagitan ng 7-8:30 ng umaga, ng 702 DZAS (AM) -FEBC Radio. Para sa suhestiyon at komento: This email address is being protected from spambots. You need JavaScript enabled to view it. / 0928-364- 2090.