5,111 guests

Miriam, magaling na lider na hindi nabigyan ng pagkakataon

  • Written by Allan Encarnacion
  • Published in Opinion
  • Read: 305

PINALAD ako na magkaroon ng intimate encounter kay Senador Miriam Defensor-Santiago up-close and personal.

Nang una akong maging reporter sa Abante, na-assign ako sa mga government office sa  Elliptical Circle sa Quezon City na kinabibilangan ng Department of Agriculture, DENR, Philippine Coconut Authority at Department of Agrarian Reform na noon ay secretary si Miriam.

Taong 1989 iyon, 3rd year college sa Lyceum, Manila, at working student ako na batang-bata sa edad na 22 years old lang,  heyday naman ni Miriam.
    
Inilipat siya ni Pangulong Cory sa DAR mula sa pagiging Immigration Commissioner. After Cory, si Miriam na ang pinakamalaking pangalan noon sa pulitika.
    
Dahil sa pamilyarisasyon at halos araw-araw ay nasa opisina ako ng DAR, naging malapit kong kaibigan ang secretary ni Secretary Miriam na si Susan Andes.
    
Dalaga pa si Susan noon kaya ang pamosong Susan Andes ay naging Susan Andes-Katindig na may radio program ngayon at column about OFWs.
    
Casual lang na nakikita ako ni Miriam sa office niya, babati ng good morning then work na siya, work na rin kaming mga reporter.
    
Noong mga panahong iyon, umuugong na ang pangalan ni Miriam na posibleng kumandidatong pangulo sa taong 1992. Higante ang pangalan ni Miriam that time at matunog na siya ang mananalong pangulo.
    
Dahil palagi kaming magkasama ni Susan, sa mga unang buwan ng mga lakad ni Miriam ay kasama na kaming dalawa kung saan-saan.
    
Kaming dalawa ni Susan ay nakasakay sa maroon Mercedez Benz ni Miriam na may plakang MDS (for Miriam Defensor-Santiago) kung saan man magpunta.
    
Walang pormal na designation pero bahagi na ako ng media operations noon ni Miriam. Madaling araw pa lamang ay pupunta na ako sa bahay nila Miriam sa Maalindog St., Teachers Village, Quezon City, para sa mga lakad ni MDS. (Pero hindi na sila doon nakatira ngayon.)
    
Si Jun Santiago na mister ni MDS ang in-charge sa security briefing bago kami umalis dahil grabe talaga ang lakas ni Miriam at sa daming ipinakulong sa Immigration ay marami rin siyang death threats.
    
First hand, nakita ko at naramdaman ko na si Miriam ang susunod na pangulo noong 1992 dahil sa lahat ng lugar na pinupuntahan namin, dumadagundong ang paligid sa init at sigla ng pagtanggap sa kanya. Rock star ang arrive at talagang parang si Pangulong Duterte noong kumakandidato.
    
May isang pagkakataon, tatlo lang kami ni Susan sa opisina ni Miriam sa bahay niya, kinausap niya kami regarding sa posibleng media operations namin. Dahil siguro araw-araw na niya akong nakikita, alam na niya ang pangalan ko at kinakausap na niya ako.
    
Alas-singko ng madaling araw ako dumarating sa bahay nila, dala ko na ang mga diyaryo para sa clippings ng mga labas namin. Maaga lagi ang lakad namin kaya kailangang maaga rin akong pupunta sa bahay nila.
    
Ang hindi ko malimutan na pinuntahan namin nila Miriam ay ang Angeles City University sa Pampanga, doon ko nakitang dumagundong ang buong kapaligiran. Parang nililindol sa lakas ng yanig ang mga gusali. Nakakakilabot na makitang halos sambahin ng mga tao si Miriam at talagang nag-uunahan na makalapit sa kanya para magpakuha ng picture, kumamay at yumakap.
    
Wala pang cellphone camera noong panahong iyon, hindi ko ma-imagine kung gaano dudumugin si Miriam ng mga gustong mag-selfie kung uso na ang gadgets that time.
    
Palibhasa’y bagito pa rin ako noon, shock talaga ako sa pagtanggap ng tao sa kanya dahil huli akong nakakita ng maraming tao ay noong 1986 People Power Revolution.
    
Nang matapos ang lakad namin sa Angeles, noong pabalik na kami ng Manila, huminto kami sa isang antique store sa highway sa Pampanga area pa rin iyon. May tiningnan siyang item pero hindi ko matandaan kung binili niya.
    
Gabi na kami nakabalik  sa bahay nila, after dinner, uwi na rin ako. Ganoon palagi, ganoon araw-araw.
    
Noong mismong campaign season na  ng 1992, hindi na ako nakakasama, balik na ulit ako sa trabaho ng pagiging reporter. Nagpaalam naman ako kila Susan at Mr. Santiago pero hindi ko na ulit nakausap si Miriam.
    
Fast forward, matapos ang eleksiyon, si Fidel Valdez Ramos ang naging pangulo pero marami ang nagsasabing dapat si Miriam ang nasa Palasyo from 1992 hanggang 1998 kung hindi lamang sa tulong ng “Sulo Hotel operations.”
    
Isa si Miriam sa greatest leader sana ng bansa subalit hindi nabigyan ng pagkakataon.
    
Mula po dito sa aming pamilya, taus-puso po kaming nakikiramay sa mga naulila ni Senador Miriam Defensor-Santiago.
    
Sumalangit po nawa ang kanyang kaluluwa.

This email address is being protected from spambots. You need JavaScript enabled to view it.