6,376 guests

Laging sa huli ang pagsisisi

  • Written by Vic Reyes
  • Published in Opinion
  • Read: 270

TATLONG buwan na lang ay matatapos na ang taong 2016.

Ang ibig sabihin nito ay meron na lang kaunting panahon ang Bureau of Customs (BoC) para dagdagan pa ang revenue collections nito.
   
Ang pasok kasi sa gobyerno ay limang araw sa isang linggo.
   
Nandiyan pa ang mga holiday na kung saan wala ring pasok sa gobyerno at pribadong sektor.
   
Sana nga makapag-concentrate na ang pamunuan ng mga taga-BoC sa kanilang trabaho.
   
Pero paanong makakapag-concentrate sa trabaho si BoC chief Nicanor Faeldon kung may ilang grupong pumupuna sa kanyang mga ginagawa?
   
Kung sabagay, ang mga itinalagang opisyal ni Pangulong Duterte ay may kanya-kanyang istratehiya para labanan ang korapsyon at iba pang kabalbalan sa gobyerno.
   
Hindi natin sinasabi na hindi tama ang grupong pumupuna sa mga ginagawa ni Faeldon.
   
Pero hindi rin natin sinasabi na walang katotohanan ang mga pinagsasabi ng mga kritiko ni Faeldon.
   
Ang sa atin lang, sana huwag makaapekto ang mga problema sa aduana sa pangongolekta ng buwis at taripa.
   
Mahalagang ipakita ng mga taga-BoC na sila’y nagtatrabaho.
   
Paalaala lang sa kanila na nandiyan ang Lateral Attrition Law.
   
Ito ang kontrobersyal na batas na nagpapataw ng parusa sa mga kawani ng mga opisinang hindi maabot ang kanilang collection target.
   
Sa ilalim ng nasabing batas ay binibigyan din ng “reward” ang mga opisyal at empleyado ng mga ahensyang makakaabot o mahihigitan ang kanilang target collection.
   
Ang problema ay baka biglang ipatupad ng administrasyon ang nasabing batas. Siguradong apektado ang mga taga-BoC dahil malamang na hindi nito maaabot ang 2016 target.
   
Dapat mag-isip-isip ang mga taga-BoC.
   
Kaysa magbatuhan ng putik, dapat magtulungan ngayon dahil nga tatlong buwan na lang ay magtatapos na ang taon.
   
Pag-usapan ang mga problema pero magtulungan sa trabaho.
   
Kung hindi ay baka pare-pareho kayong umiyak kapag ginamit sa inyo ang Lateral Attrition Law pagdating ng 2017.
   
’Ika nga, laging nasa huli ang pagsisisi.

* * *
   
Dapat  simulan na ng mga otoridad ang pag-inspect sa mga pabrikang gumagawa ng mga paputok.
   
Palapit na nang palapit ang holiday season at abala na ngayon ang mga gumagawa ng mga paputok.
   
Nandiyan din ang mga imported na paputok.
   
Bawal na bawal ang mga nakakamatay na paputok.
   
Pero taun-taon ay marami pa ring nakakamatay na paputok ang ipinagbibili sa merkado.
   
Kailangang tumulong ang mga opisyal ng barangay para matigil na ang paggawa ng mga nakakamatay at depektibong paputok.
   
Ipagbigay-alam kaagad sa pulis kung may iligal na pagawaan ng mga paputok sa inyo-inyong lugar.
   
Kung maaari lang ay maglagay ng mga checkpoint malapit sa mga pagawaan ng paputok para makumpiska kaagad ang mga ipinagbabawal na produkto.
   
Ang mabuti pa ay ipagbawal na lang ni Pangulong Duterte ang paggamit ng paputok sa darating na Kapaskuhan.
   
Papalakpakan siya ng taumbayan kapag ginawa niya ito.
   
Tiyak ’yon!

* * *

(Para sa inyong komento at suhestiyon, tumawag o mag-text sa #(0921)4765430/email:This email address is being protected from spambots. You need JavaScript enabled to view it.. Ilagay lang ang buong pangalan at tirahan)