4,575 guests

Comm. Nick, ‘that is your problem!’

  • Written by Paul M.Gutierrez
  • Published in Opinion
  • Read: 459

SAMPUNG empleyado ng Bureau of Customs (BoC) ang natapon sa “kangkungan” kahapon dahil sa umano’y “maanomalyang” paglabas sa bakuran ng Aduana ng mga ‘firetruck’ na binili ng Bureau of Fire Protection (BFP) sa bansang China.

’Yun nga lang, mga kabayan, kung ang “himig” ng press release ni Comm. Nick Faeldon at ang kanyang mga binitiwang salita sa kanyang ‘press conference’ kahapon, aba’y “guilty as suspected” na ang mga ito at hindi simpleng kasong administratibo ang kanilang “bubunuin” bagkus ang ‘no-bail case’ na ‘plunder.’
   
Bagaman naisulat ko na ang balitang ito, ulitin lang natin ang ating nabasa at narinig kahapon mula kay Comm. Nick sa kanyang press conference na sa dami ng dumalong mga kapatid natin sa hanapbuhay, mistulang ’singlaki ng mga bintang laban kay Sen. Leila ‘Basta Driver Sweet Lover’ de Lima, ang kanyang anunsiyo.
   
“We cannot expect importers and brokers to make honest declarations in their (customs) entries if they know that customs officials and employees can be ‘swayed’ to connive in unscrupulous acts.”
   
O, ayan, BOCEA president Rommie Pagulayan, “kampante” ka pang “nagmimiron” kahapon kaya marahil hindi mo napansin na ang pananalitang ito ay ‘pre-judgement’ sa inyong mga kasamahang empleyado, hindi ba?
   
Eh….bakit pa sila “iimbestigahan” ng Intelligence Group (IG) samantalang sa “pagsipat” ni Comm. Nick, “guilty” na sila, aber?
   
Dagdag pa ni Comm. Nick nang ating tanungin, “mas malaking kaso” (“big case” o “plunder”) ang kanilang nasisilip laban sa mga empleyado dahil nga aabot sa P411 milyon ang “”bukol” na inabot ng gobyerno sa transaksyong ito.
   
Sa kasong ‘plunder,’ mga kabayan, ang ‘threshold limit’ ng nadugas na pondo ng gobyerno ay P50 milyon.
   
’Yun nga lang, mga kabayan, natatawa na lang tayo na hindi man lang “siniko” si Comm. Nick ng kanyang ‘chief of staff’ at 2015 ‘bar topnotcher’ na si Atty. Mandy Anderson, upang tumigil sa “pagpaparinig” sa media ng kasong plunder laban sa mga empleyado -- at baka “mapahiya” silang lahat, hehehe!
   
Hindi tayo abugado mga kabayan bagaman nga matagal nating nasubaybayan ang kasong plunder ni Pang. Erap at ni Pang. Gloria.
   
Kung babalikan, sadyang “walang laban” si Pang. Erap sa kanyang kaso dahil nga malinaw na ito ay ‘political persecution’ matapos siyang iligal na patalsikin sa puwesto ng sindikato ng mga elitista sa ‘EDSA Dos’ noong 2001.
   
Take note: hindi sa kasong pandarambong sa pondo ng gobyerno na- ‘convict’ si Erap, bagkus, sa pagbubulsa umano ng ‘jueteng money.’ Katawa-tawa, hindi ba?
   
Sa kaso naman ni PGMA, malinaw na biktima rin siya ng ‘political persecution’ ng Gobyernong Dilawan ni PNoy kung kaya “isinabit” sa pondo ng PCSO na hindi rin naman napunta sa kanyang bulsa at hindi rin naman siya ang gumasta. Ang “endo” (end of the line): nakalaya na rin si Madam Gloria, salamat sa Panginoon -- at kay Pang. Digong.
   
Ang ating punto, mga kabayan, napakahirap patunayan ang kasong plunder dahil kailangan matibay na maipakita ang “sabwatan” ng mga akusado sa bawat yugto ng proseso.
   
Tanong: May “sabwatan” ba ang mga empleyado ng BoC, ng Kolonwel at BFP upang ibulsa ang pondo ng gobyerno? 
   
Eh, posible siguro sa panig ng Kolonwel at BFP dahil sila naman ang talagang may transaksyon at ang naging katangahan, agh, “kasalanan” lang dito ng  BoC employees ay hindi nila ginawa nang wasto ang kanilang mga responsibilidad.
   
Kung ito ay “gross neglect of duty” o “plain stupidity” sa panig nang mga empleyado, bahala nang sumagot dito si Atty. Leo Peralta ng IG Investigation Division -- sakaling siya pa rin ang bosing ng ID at hindi pa “napapag-initan” nitong grupo ni alias ‘Mike Bandido’ na “bagyo” ang dating kay Comm. Nick kahit na isang ‘contractual’ lang.
   
Oops! Hindi natin “inaabugado” ang mga suspect, agh, ang mga empleyado, mga kabayan. Ipinupunto lang natin ang ating “malasakit” kay Comm. Nick na huwag “magpadaskul-daskol” sa salita at desisyon partikular sa mga bagay na wala naman pala siyang alam, hehehe!
   
At para naman “mawala” ang inyong “antok,” dear readers, alam ba ninyong nagkaroon ng ‘shouting match’ si Comm. Nick at si BOCEA prexy Rommie Pagulayan sa mismong tanggapan ni Comm. Nick noong Miyerkules lang?
   
Ayon pa sa ating mga miron, parang may ‘contest’ sa “pataasan” ng boses sina Kasamang Rommie at Comm. Nick at sa “pagbayo” sa mesa sa kainitan ng kanilang “singhalan” agh, “sigawan?”
   
Ang isyu dito ay ang “natengga” na ‘Collective Negotiated Agreement’ (CNA) ng unyon at BoC management. ‘Ready for implementation na kasi ito, mga kabayan dahil inasikaso na ito ni Comm. Bert Lina (in fairness sa kanya) subalit, “inupuan” umano ni Comm. Nick sa dahilang siya lang ang dapat magpaliwanag.

Dagdag pa ng mga tuwang-tuwa, nye, gulat na gulat na mga miron, dumating pa umano sa punto na “dinuro” ni Kasamang Rommie ang kilalang dating rebeldeng sundalo sabay singhal, ayy, sabi na: “It is your problem!”
 
‘But all is well that ends well,’ wika nga, mga kabayan dahil sa dakong huli (matapos sigurong “manamnam” ni Comm. Nick na hindi na “uubra” ang kanyang mga “pananakot” sa mga empleyado), “malumanay” at “masaya” umanong naghiwalay si Comm. Nick at ang BOCEA.
 
Kumbaga, ‘they both first agree to disagree before they finally agree,’ yeheyy!!
 
Ang ‘moral lesson’ dito na sana “nakuha” ni Comm. Nick at ng kanyang mga abusadong binitbit sa pantalan katulad nitong grupo ni Mike Bandido at kahit mga ‘bodyguard’ ni Comm. Nick ay ang palagi nating isinusulat dito, mga kabayan:
 
“Kapag ‘naubos’ ang takot sa isang tao, ang natitira ay galit.”
 
Gets ninyo, mga bagong bosing d’yan sa Aduana? “Maaga” ninyong inubos ang takot ng mga empleyado kaya ngayon pa lang ay galit na sa inyo, hehehe, ayy, huhuhu!
 
At gusto lang nating ipaalala: Wala kayong ‘monopolyo’ sa “tapang” d’yan sa pantalan, hane?