4,859 guests

Isulong ang malinis at malusog na transportasyon

  • Written by Magi Gunigundo
  • Published in Opinion
  • Read: 391

Pointguard

MARAMI pa ring grupo ang nagsusulong ng paggamit ng bisikleta dahil sa  lumalalang problema sa trapiko lalo na sa Kalakhang Maynila.

Nauna na itong itinulak ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) na nagtagumpay pansumandali pero kalaunan ay natigil dahil sa mga aksidente.

Pero para sa akin, hindi lamang dapat sa Kalakhang Maynila ang panghihikayat na ito dahil  aplikable na ito sa alinmang panig ng bansang maaaring daanan ng bisikleta.

Alam naman ng lahat ang pakinabang ng bisikleta: hindi gumagamit ng langis upang paandarin kung kaya naman nalilinis nito ang kapaligiran. Idagdag pa ang mabuting idinudulot nito sa ating katawan. Sa masikip na kalunsuran, makatutulong ang bisikleta sa mahigpit na daloy ng trapiko, mababawasan ang sasakyan kaya kahit papaano, luluwag ang mga kalsada.

Kaya kasabay naman ng pagpapahintulot na makapagbisikleta ay may ilang hakbang na ipinatupad ang MMDA at ilang lungsod sa Metro Manila para maayos na makapamisikleta ang mamamayan. Ang ilan dito ay pagtatalaga ng mga bike lane na malayang nagagamit ng mga nagnanais mamisikleta nang hindi nagagambala ng mga sasakyan. Sa katunayan, maayos naman itong nagawa ng MMDA.

Sa paglipas ng panahon, naniniwala akong hindi lamang dapat pasanin ng pamahalaan ang panghihikayat sa madla na mamisikleta. Oo nga’t  may malalim na gampanin ang pamahalaan upang maging ligtas para sa bisikleta ang mga daanan, isama pa ang hakbangin upang isaayos ang mga kalsadang ito para wika nga’y maging bicycle-friendly.
   
May gampanin din dapat ang mga pribadong sektor.  Ang sa akin, kasabay ng pagtatalaga ng mga bike lane at maisasaayos ang mga kalsada ay  magtalaga ng mga eksklusibong paradahan o mga bike rack ang mga establisimyento para sa kanilang mga kliyente at empleyadong nagnanais pumasok nang nakabisikleta. Bahagi rin siyempre nito ang seguridad para sa kanilang bisikleta.
   
Kung hindi rin lang makabibigat para sa mga establisimyentong ito, magbigay ng munting rewards sa mga empleyadong gagamit ng bisikleta.
   
Bukod sa pribadong sektor at lokal na pamahalaan, maganda ring hikayatin ang malalaking unibersidad sa bansa na gawing bike-friendly ang kanilang kampus. Magandang halimbawa ang proyektong isang samahan sa Unibersidad ng Pilipinas sa Diliman na nagpapahiram ng bisikleta sa mga mag-aaral. Dahil lubhang malaki ang kampus ng UP, ipinahihiram ng samahang ito ang kanilang bisikleta na isasauli naman pagsapit sa gusaling patutunguhan ng mag-aaral.
   
Ganito rin ang isang proyekto ng isang kolehiyo sa Unibersidad ng Santo Tomas katulong ang isang pribadong kompanya na nagbigay ng mga bisikletang magagamit ng mag-aaral. Nawa ay dumami pa ang mga ganitong makabuluhang proyekto sa malalaking unibersidad.
   
Sa bansang Hapon at Tsina, hindi na kailangan pang hikayating mamisikleta ang mamamayan. May ilang piling estasyon ng tren ang mayroong eksklusibong paradahan para sa bisikleta. Bakit sa estasyon ng tren? Para ito sa mga manggagawang nagtatrabaho sa malalayong lugar na accessible lamang sa tren at lubhang malayo para bisikletahin.
   
Tuwing umaga, lalo kung araw ng Linggo, libu-libong cyclists ang umiikot sa Kamaynilaan at minsan, pumupunta pa sila sa kalapit-lalawigan. Sila dapat ang magpauna upang magamit ang bisikleta sa pang-araw-araw na transportasyon sa ating bansa.
   
Maganda ring tingnan ang pulisya na umiikot sa kanilang jurisdiction sakay ng kanilang mga bisikleta. Bukod sa mobilidad at visibility, dagdag na bentahe ng paggamit ng bisikleta ang kakayahan nitong pumasok sa maliliit na kalsada na hindi magagawa ng mga patrol vehicle.
   
Ngunit tandaan, mayroon ding down side ang pamimisikleta. Maraming motorista ang halos walang respeto sa mga pedestrian at kapwa nila motorista. Sa manibela ng mga walang disiplina, delikado ang lagay ng kahit sino, lalo na ang mga namimisikleta. Kaalinsabay dapat ng pagpapalaganap sa paggamit ng bisikleta sa urban area ang mahigpit na pagdidisiplina sa lahat ng gumagamit sa kalsada.
   
Kung lalaganap ang mabuting paraan ng malinis at malusog na transportasyong ito, gaganda pa kahit papaano ang ating bansa.