4,519 guests

BPSO exec na kasama sa ‘Tokhang’ op itinumba

  • Written by Melnie Ragasa-Jimena
  • Published in Metro
  • Read: 216

Patay ang isang opis-yal ng Barangay Public Safety Office (BPSO) na sumasama umano sa operasyon ng “Oplan Tokhang” makaraang paputukan ng isang gunman na nakasuot ng maskara sa Quezon City kahapon ng ma-daling araw.

Ayon kay SPO1 Marvin Masangkay, may hawak ng kaso, kinilala ang biktima na si Bonifacio Fraun Jr., 48, may asawa, ng Kalayaan St., Bgy. Batasan Hills, QC.
   
Sinasabing dating aktibong sumasama ang biktima sa Quezon City Police District Station 6 sa pagsasagawa ng Oplan Tokhang  sa Bgy. Batasan Hills bago pa mangyari ang insidente.
   
Sa pagsisiyasat, nangyari ang insidente sa Commonwealth Avenue, Riverside St., malapit sa isang paaralan sa natu-rang barangay, dakong alas-12 ng mada-ling araw.
   
Diumano, ang biktima, kasama ang isa pang tanod na si Jerry  Mendiola, ay naka-duty sa barangay outpost at umaasiste sa mga crew ng naghahakot ng basura sa truck nang biglang sumulpot ang suspek na nakasuot ng bull cap at nakatakip ng face mask ang mukha.
   
Biglang binaril ng suspek sa ulo ang biktima saka mabilis na tumakas. Agad namang sumaklolo si Mendiola at itinakbo ang biktima sa East Avenue Medical Center subalit idineklara itong dead on arrival.
   
Inaalam ngayon ng otoridad kung may kinalaman ang pagpatay sa kanya sa ginagawa niyang pagtulong sa operasyon ng pulisya laban sa iligal na droga.