5,028 guests

Magandang trabaho ng pulis sa Pangasinan

  • Written by Bebot A, Villar JR.
  • Published in Opinion
  • Read: 221

SA lalawigan po natin sa Pangasinan, masasabi ko po na ramdam ng mga tao ang krusada laban sa kriminalidad, katiwalian at iligal na droga na s’yang pangunahing plataporma ng ating Pangulo noong panahon ng pangangampanya para sa halalan.

Nandyan po si Senior Superintendent Ronald Oliver Lee, provincial director ng Pangasinan Provincial Police Office (PPO), na pinapangunahan ang ating magigiting na kapulisan para maisakatuparan ang pangako sa bayan ng ating Presidente!

* * *   

Matapos maupo si Senior Superintendent Lee sa kanyang pwesto noong Hulyo ay sunud-sunod na ang panghuhuli ng ating kapulisan sa kilalang “drug personalities” at mga taong “gun-for-hire” sa probinsya ng Pangasinan.
   
At nabalita kamakailan lang ang naging engkwentro sa pagitan ng mga pulis at myembro ng “Rent-Tangay” Gang noong Linggo kung saan limang kasapi ng nasabing gang ang napatay! Ang grupong ito ay nagaarkila umano ng mga “passenger van” sa Ilocos Region at Metro Manila at matapos nito ay pinapatay nila ang driver upang nakawin ang nasabing sasakyan! Dalawang driver na nga ang natagpuang patay sa lalawigan ng Pangasinan, pawang mga biktima ng “Rent-Tangay Gang!”
   
Mabuti na lang at naaksyunan agad ito ng ating kapulisan upang mawalan ng ganang gumawa ng kalokohan ang mga taong nag-iisip ng mga iligal na gawain!
   
Sana tuluy-tuloy na ang “accomplishments” ng ating Pangasinan PPO sa pamumuno ni Senior Superintendent Lee!

* * *   

Ayon sa Land Transportation Office o LTO, sa Oktubre na pala magsisimula ang “five-year validity” ng ating mga driver’s license. Ibig pong sabihin, kapag kayo po ay magre-renew ng inyong mga lisensya sa susunod na buwan ay limang taon na itong may bisa imbes sa nakasanayan nating tatlong taon!
   
Magandang balita po ito dahil mababawasan na ang pila ng mga ibig mag-renew ng kanilang mga lisensya sa iba’t ibang opisina ng LTO. Ito po ay kasama sa mga pangakong nais ipatupad ng ating Pangulo sa kanyang State of the Nation Address kaya mabuti at binigyang pansin ito ng LTO sa pamumuno ni Assistant Secretary Edgar C. Galvante.
   
Sana magpakitang-gilas uli ang LTO at isunod na rin ang pagpapalabas ng plaka ng mga sasakyan!

* * *   

Mukhang hindi na talaga matutuloy ang papalapit na barangay at Sagguniang Kabataan elections na gaganapin dapat ngayong ika-31 ng Oktubre dahil nagpasya na ang House of Representatives, sa botong 218-4, na ipagpaliban muna ang halalan at gawin na lang ito sa October 2017!
   
Sa katunayan, nagkabotohan na rin sa Senado at sa resultang 20-2 ay napagpasyahang sa susunod na taon na lang gawin ang halalan.
   
Malaking bagay po ito para sa ating pamahalaan dahil magkakaroon ng “ban on appointments” kung sakaling matuloy ang halalan. Ibig sabihin, maaantala ang paghihirang ng ating Pangulo ng mga opisyal para sa iba’t ibang opisina sa ating gobyerno kung matuloy ang eleksyon dahil ipinagbabawal ito ng batas.
   
Para sa mga barangay na may mga nagtatrabahong punong barangay at kagawad, magandang balita po ito para tuluy–tuloy lang ang kanilang maayos na serbisyo sa kanilang pamayanan. Pero para naman sa mga walang kwentang opisyal ng barangay, nakakaawa naman ang kanilang mga nasasakupan at maghihintay pa sila ng isang taon para mapalitan ang mga inutil na ito!

* * *    

Habang pinag-uusapan natin ang mga barangay, kumusta na kaya ang mga barangay anti-drug abuse councils o BADACs?
   
Ayon kasi sa isang memorandum circular ng Department of the Interior and Local Government, dapat itatag ang BADAC dahil ito ang mangunguna sa ating laban kontra iligal na droga, lalung- lalo na ngayon kung saan ang Pangulo pa natin mismo ang nagsabi na nasa barangay ang labanan kontra droga. Nakasaad din sa nasabing circular na kapag hindi nabuo ang BADAC sa isang barangay ay magkakaroon ng “administrative liability” ang mga opisyal ng barangay, kasama ang “disapproval” ng kanilang annual budget!
   
Para sa ating mga minamahal na mga opisyal ng barangay, sana ay itaguyod natin ang ating mga BADAC! Kayo din po ang makikinabang kung wala na ang salot na droga sa inyong pamayanan. Pero kung kayo naman po ang salot sa pamayanan dahil sa dala-dala nyong iligal na droga ay sana kunin na po kayo ni Lord!