6,577 guests

Pag-rehistro ng ‘sim cards’ makakatulong vs krimen, terorismo

  • Written by Bebot A, Villar JR.
  • Published in Opinion
  • Read: 459

SA katatapos lang na tagpuan ng pinuno ng mga bansang kasapi ng Association of Southeast Asian Nations (ASEAN) Summit na ginanap sa Vientiane, Laos, nabanggit ni United Nations (UN) Secretary-General Ban-ki Moon na isa sa mahalagang responsibilidad ng mga bansang nabibilang sa ASEAN ay ang pagsugpo sa suliranin ng iligal na droga. 

Ayon nga sa 2016 UN World Drug Report, halos 400% ang itinaas ng mga nasamsam na amphetamine-type stimulants o ATS, kung saan nabibilang ang shabu, sa mga bansang sakop ng ASEAN mula 2009 hanggang 2014! Kung tutuusin ay magandang balita nga naman ito at maraming nakukumpiskang iligal na droga ang mga otoridad sa ASEAN. Pero bakit hanggang ngayon ay marami pa rin tayong nababalitang mga tao na umaabuso at nagbebenta ng shabu?

* * *
   
Ayon din sa World Drug Report, ang Timog-Silangang Asya raw ay isa sa pinanggagalingan ng ATS sa buong mundo! Dagdag pa natin d’yan ang balita na ang Tsina, West Africa, West Asia at Europa pala ay nagluluwas din ng ATS sa Timog-Silangang Asya dahil maraming nagaabuso din ng ATS sa ating rehiyon!
   
Kaya naman pala sikat na sikat ang Timog-Silangang Asya sa isyu ng shabu at ibang klase ng ATS!

* * *
   
Nabanggit po natin ito dahil sa Pangulong Duterte, bilang pinuno ng Pilipinas, ang nahirang bilang Chairman ng ASEAN sa taong 2017. Ayon sa ASEAN Charter, ang pagiging Chairman pala ng ASEAN ay “rotational” o iniikot sa mga bansang kasapi ng nasabing grupo at naka­takda na ang Pilipinas ang magiging Chairman at punong-abala ng ASEAN sa susunod na taon.
   
Alam naman natin na prioridad ng ating Pangulo ang pagsugpo ng iligal na droga sa ating bansa. Magiging ganito din ba ang kanyang patakaran sa ASEAN sa susunod na taon? Sa kanyang pamamatnubay ba ay mas bibigyan ng kahalagahan ang paglaban sa iligal na droga sa pamamagitan ng mas pinaigting na pagpigil ng pagpasok at pagyari ng salot na ito sa rehiyon ng Timog-Silangang Asya?

* * *
   
Binuhay pala muli ni Senador Tito Sotto ang kanyang panukalang pagrehistro ng mga “sim card” para raw tulu­ngan ang kampanya ng pamahalaan na labanan ang krimen at terorismo. Matatandaan na kinalaban ng telecommunication companies ang panukalang ito dahil karapatan raw ng mga mamimili at ng publiko na gamitin nila ang kanilang mga cellphone at tablet na may lamang “sim cards” sa pakikipagusap at pakikipagtalastasan kaya hindi pwedeng magkaroon ng regulasyon sa pagbenta at pagbili ng “sim cards!”
   
Mawalang galang po sa ating telecommunication companies, hindi naman po ang karapatang makipag-usap ng publiko ang nililimitahan dito. Ang pinapakialaman ay ang mga iligal na gawain na naisasagawa gamit ang mga “sim card” na nabibili kahit saan!

* * *
   
Marami pong mga modus operandi ng krimen ang nagagawa gamit ang mga “sim card.”
   
Nand’yan ang sim­pleng pagsasamantala ng ilang tao ng “pasa load” kung saan may matatanggap ka na text message na nagsasabing nagkaroon ka daw ng babayarin dahil sa pag-“activate” daw ng iyong roaming service kaya may ite-text raw ang biktima na mensahe para mawala ang nasabing bayarin, pero ’yun pala ay nag-“pasa load” ka na sa taong hindi mo kilala!
   
May modus din kung saan ite-text ng kriminal ang kasamahan sa bahay ng isang tao at sasabihin na naaksidente ang kanilang “amo” at kailangan magdala ng nasabing kasamahan ng pera at iaabot sa taong nag-text sa kanya. Iyon pala, wala naman palang nangyaring aksidente at ang pinaghirapang pera ay nawala nang parang bula!

* * *
   
Mayroon ding mga bomba na pinasabog na “cellphone activated” o kung saan ipatatawag ang isang cellphone sa isang numero na s’yang magiging dahilan ng pagsabog ng bomba. Noong nakaraang limang taon ay ginamit ang ganitong uri ng bomba upang pasabugin ang isang bus sa Makati kung saan limang katao ang namatay.
   
Nitong 2010 ay pinasabog ang isang bomba gamit ang cellphone sa loob ng simbahan ng Jolo kung saan 11 katao ang sugatan.
   
Ayon sa imbestigasyon na isinagawa matapos ang pambubomba sa Davao City Night Market noong nakaraang linggo na ikinamatay ng 14 katao at ikinasugat ng 67, cellphone raw ang ginamit upang pasabugin ang isang improvised explosive device o IED.
   
Maiiwasan kaya ang mga aksidenteng ito kung naisabatas lang ang pagrehistro ng ating mga “sim card?”