5,855 guests

Pangalanan na ang mga adik sa showbiz!

  • Written by Marlon Purificacion
  • Published in Opinion
  • Read: 653

MALALIM ang detal­ye sa pagkamatay ng kapatid ni Maritoni Fernandez na si Ma. Auroria Moynihan na itinapon ang bangkay sa Giraffee St., Bgy. Ugong, Quezon City noong Linggo ng ma­daling-araw.

Ayon kay Quezon City Police District (QCPD) Director Sr. Supt. Guillermo Eleazar, hindi kasama si Moynihan sa kanilang ‘drugs list’ pero itinuturing pa rin nilang drug-related ang nasabing krimen, lalo’t may nakitang apat na sachet ng shabu sa bulsa ng biktima.
    
May nakalagay ding cardboard sa bangkay nito na ang nakasulat ay: “Drug pusher ng mga celebrities, kasunod na kayo!”
    
Habang isinusulat ko ito’y tahimik pa ang pamilya ng aktres, pero mainit itong pinag-uusapan ngayon kahit saang umpukan na interesado sa mga nagaganap sa lipunan.
    
Ayon pa sa pulisya, kahit hindi kasama sa ‘drug list’ ang biktima, hindi pa rin nangangahulugan na hindi na ito konektado sa ipinagbabawal na gamot dahil bineberipika na rin nila na dati na umano itong may kaso sa Southern Police District.
    
Totoo o hindi man ang bintang na sangkot sa pagtutulak ng droga ang kapatid ng aktres, masakit pa rin ito para sa kanilang pamilya, lalo’t pinatay ito nang walang kalaban-laban at tinanggalan pa ng dignidad dahil na rin sa inilagay na cardboard sa tabi ng bangkay.
    
Dito tayo takot dahil kahit sino na talaga ngayon ay puwede nang patayin ng sinuman saka hahagisan ng cardboard na sila’y sangkot sa ipinagbabawal na gamot -- kahit walang katotohanan.
    
Matagal nang nag-aantay ang taumbayan sa pangalan ng mga adik sa showbiz.
    
Kung bakit kasi, pinapatagal pa silang tukuyin ng Malakanyang ay sila na lamang ang nakakaalam.
    
Dapat, tulad ng mga heneral, ninja cops at ilan pang politikong sinasabing pasimuno o protektor sa ipinagbabawal na gamot ay dapat na rin silang pangalanan ng pamahalaan.
    
Para malaman na ng lahat at makagawa naman ng paraan ang kanilang pamilya na sila’y magbago dahil kahit sino sa atin ay may karapatan pang magbago.
    
Kahit nga iyong mga small time na tulak ay puwede pa naman talaga magbago, pero dahil mga pobre sila, wala na silang magagawa pa kung pag-initan ng mga sinasabing ‘death squad’ ng kasalukuyang pamahalaan.
    
Gusto kong linawin na hindi tayo tutol sa giyera kontra droga ng Pangulong Duterte dahil kaisa nila tayo sa kampanyang ito para mailigtas sa lason ng ipinagbabawal na gamot ang mga susunod nating henerasyon.
    
Noong director pa lamang ng Dangerous Drugs Board (DDB) si Senador Tito Sotto at director ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) si ret. Gen. Sonny Gutierrez, isa na tayo sa nagpanukala sa kanila na sa halip sunugin ang mga narerekober na shabu at iba pang ipinagbabawal na gamot ay lagyan na lang ng lason ito para hindi na ma-recycle pa.
    
Pero ang sagot sa atin ng dalawang opisyal ay mas­yado raw itong marahas.
    
Bigla ko tuloy naisip na mas marahas naman siguro ang ginagawa ngayon na basta na lamang itinutumba at nilalagyan ng cardboard ang mga duguang bangkay.
    
Mabuti nga’t hindi pa ginahasa ang kapatid ni Maritoni Fernandez dahil kung ni-rape pa ito ay ibang usapan na siguro ang mangyayari sa im­bestigasyon.
 
Ibig sabihin, hindi na gawain iyon ng mga vigilante, kundi gawain na rin iyon ng mga taong kampon ng kadiliman.
    
Ano kayang iniisip na gimik ng Duterte administration para pa­ngalanan na ang mga adik sa showbiz?
    
Ano ba ang ipinag-iba nila sa mga naunang personalidad na pina­ngalanan at hiniya na ng Malakanyang?
    
Hindi ba tulad ng mga pulis at politikong pinagkatiwalaan ng taumbayan ay may moral obligation din sila sa kanilang fans?
    
Eh kamusta naman ang negatibong result daw ng aktres na si Claudine Barretto? Bakit marami yata sa mga showbiz reporter ang nagtataasan ng kilay?
    
Dapat ay ipaliwanag din ng PNP Crime Lab kung anu-anong drugs ba talaga ang nate-trace sa kanilang mga drug test? Shabu at marijuana lang ba ito?
    
Paano na ang ecstasy, cocaine at heroine?
    
Kabi-kabila na ang kampanya ng pulisya tungkol sa droga.
    
Sana, kasama sa kanilang information drive ang pagpapalinaw tungkol dito at sana ay ma-classify na ang lahat ng adik sa bansa kung ang mga itinutumba ba ay Class A na adik sa bansa o pipitsugin lamang.
    
Ang naririnig lang kasi natin ay mga ‘high value target,’ pero ’asan na iyong mga anak ng mayayaman? Hanggang Oplan Tokhang lang ba sila sa mga malalaking subdivision?
    
Bakit pagdating sa kanila ay wala pang natutumba? Iba ba ang kanilang tinitingnan sa tinitigan?
    
Ang artistang si Ellen Adarna?
    
Hindi ba dapat tungkulin ni Presidential son Baste Duterte na ipa-drug test din niya ang kanyang kaibigan?
    
Marami kasi ang nagdududa na kaya raw masyadong ‘kontrobersiyal’ ang seksing aktres kasi ay lagi raw itong ‘high.’
    
Hindi lang natin alam kung high ba sa kalasi­ngan o ipinagbabawal na gamot.
    
Sana, bukod kay Ellen Adarna, umpisahan na rin ni Boss Baste na ipa-drug test ang mga kaibigan niyang banda dahil tulad noong nagdaang eleksiyon, malaking impluwensiya ang ating mga artista para lalo pang magtagumpay ang kampanya ng Duterte administrasyon kontra ipinagbabawal na gamot.

Gold Tee Golf Club
    
Gusto nating batiin ang bumubuo ng Gold Tee Golf Club sa Veterans Golf Course.
    
Lalo na sa presidente nilang si Mr. Tom Vargas at Director Pete Mabagos.
    
Aksidente kasing naka-flight ko sila kahapon.
    
Dahil holiday, sobrang dami ng player sa Veterans Golf Course at nakasabay ko ang dalawang beteranong golfer sa fairway na sobrang nakakahanga sa galing nilang maglaro ng golf.
    
Parehong dual citizen na po sina Sir Tom at Sir Pete. Dual as in Filipino citizen na ay senior citizen pa, pero kahit siguro si Tiger Woods ay mapapamangha sa kagalingan ng dalawang maglaro.
    
Ang Gold Tee Golf Club po ay samahan ng mga beteranong golfer na nakabase sa Veterans.
    
Halos 28 taon na ang kanilang samahan na binubuo ng retirees, businessmen at professionals.
    
Madalas silang nakikita tuwing huling Martes ng buwan at marami na rin silang mga natulungan dahil isang beses isang taon ay nagpapa-benefit golf tournament sila para sa mga kababayan nating mahihirap.
    
Good luck po sa inyo, Sir Tom at Sir Pete.
 
May the Golf be with you!
    
Fore!!!