4,241 guests

Reporters sa Caloocan, hinihilo ng mga pulis

  • Written by Edd Reyes
  • Published in Opinion
  • Read: 274

On the beat

MADALAS mangyari na mahilo ang mga reporter sa pagtuturuan ng mga Caloocan City police sa simpleng pagkakaloob ng spot report kaugnay sa mga insidenteng nagaganap sa lungsod lalo na kung ang sangkot ay mga pulis, kahit pa nga isa itong lehitimong encounter.

Madalas kasing ituro ng mga imbestigador sa Station Investigation and Detective Management Branch (SIDMB) na nasa tanggapan pa raw ni Caloocan police chief Senior Supt. Johnson Almazan ang mga spot report at kailangan pang lagdaan.

Wala namang problema kung nasa tanggapan nga ito ng chief of police (COP) dahil napaka-cooperative, mahusay makisama at hindi nagtatago ng impormasyon si SSupt. Almazan at ibinabahagi niya ito sa mga mamamahayag na magtutungo sa kanyang tanggapan.

Pero kailangan pa ba na ang COP ang laging kalampagin ng mga reporter para sa paghahanap ng spot report? Paano kung wala sa kanyang tanggapan si COP? Sa Tactical Operation Center (TOC) naman tatakbo ang mga mamamahayag dahil dito madalas ituro ng mga pulis ang spot report.

Very accommodating at mahusay din namang makiharap sa reporters ang mga pulis at ilang non-uniform personnel (NUP) sa TOC dahil hindi naman sila nagdadamot ibahagi ang ulat, maliban dito sa isang may edad ng babae na NUP na mukhang sagrado yata sa kanya ang huwag ibahagi kung ano man ang spot report na nasa kanilang tanggapan. Kelan ka ba Ma’am magreretiro para hindi naman imbiyerna ang mga reporter?
    
Kung maayos sanang magsulat sa blotter ang mga pulis, wala sanang problema kahit pagpasa-pasahan ang mga spot report pero mismong mga pulis ng SIDMB ay hirap ding basahin ang sulat ng kanilang kabaro.
    
Mawalang galang na nga sa hepe ng SIDMB na si Chief Insp. Ilustre Mendoza. Sir, pakigawan naman ng paraan ang hinaing ng mga reporter para hindi laging si COP ang inaabala ng mga mamamahayag para lamang sa paghahanap ng spot report. Madalas din naman kasi na sa tuwing si Major ang lalapitan para sa spot report, ituturo rin niya ang kanyang mga imbestigador. Naku, mga sir, huwag sana kayong manuno sa ginagawa ninyong pagtuturu-turuan.

DROGA SA BARANGAY
   
Kung may listahan ng mga drug addict at pusher ang mga kapitan ng barangay, may listahan din pala ang Intelligence Unit ng kapulisan sa mga opisyal ng barangay na pasok din sa iligal na droga.
    
Sa Brewed Casters Forum na itinaguyod nina dating MPD Press Corps president Francis Naguit at mga kasama, sinabi ni MPD Deputy Director for Administration SSupt. Carlito Feliciano na sinusuri na nilang mabuti upang makumpirma kung pasok nga sa droga ang mga pa­ngalan ng ilang opisyal ng barangay na umano’y sangkot sa droga.
   
Tiniyak din ng opisyal na walang vigilante group na gumagala sa lungsod dahil hindi aniya ito nakakabuti sa seryoso nilang kampanya laban sa iligal na droga.
 
Ibinahagi naman ni Supt. Marissa Bruno ang bilang ng mga napapatay, nahuhuli at sumusukong sangkot sa iligal na droga mula noong Hulyo 1 hanggang kahapon, Setyembre 11. Aniya, umaabot na sa bilang na 131 ang napapatay sa lehitimong police encounter habang nasa 11,577 ang sumuko at 947 naman ang nadakip.

PROTOCOL PLATE NO. 8
   
May punto si Navotas City Rep. Toby Tiangco na dapat ay mapabilang na ang kasalukuyang set-up ng Kongreso sa pagbabawal sa paggamit ng Protocol Plate No. 8 na nasa ilalim na rin naman ng kanyang inihaing panukala.
    
Ayon kay Tiangco, hindi naman kailangan ng mga mambabatas ang plate number 8 para sa pagseserbisyo sa mamamayan at nagsisilbi lamang itong simbolo ng kapangyarihan at pribilehiyo.
    
Sa katunayan aniya, naaabuso na ang paggamit ng naturang plaka dahil ilang insidente na ng krimen na ang gamit ay numero 8 plaka ang sasakyan bukod sa madalas ding makita ang mga sasakyang may ganitong plaka sa hindi disenteng lugar.
    
Kadalasan naman aniya ay hindi mga mambabatas ang sakay ng sasakyang may plakang 8 kundi kanilang kaanak, kaibigan o kakilala. Kung mambabatas naman aniya ang gumagamit, kadalasan ay naaabuso naman ang batas trapiko kaya lalong kinamumuhian ng motorista ang maraming kongresista.
    
Sa ilalim ng inihaing House Bill No. 413 ni Tiangco, papatawan ng P25,000 multa o pagkakakulong ng isa hanggang anim na buwan ang mahuling lalabag. Ganito rin ang magiging kaparusahan sa opisyal o kawani ng Land Transportation Office na magi-isyu ng naturang plaka.
 
Sa kasalukuyan, pa­tuloy pa ring nabibigyan ng mabababang bilang ng plaka ang ilang mga opisyal ng pamahalaan tulad ng hudikatura, miyembro ng constitutional commission at maging ang mga assistant secretary na karaniwan ng inaabuso ng kanilang mga tsuper at bodyguard sa paglabag sa batas-trapiko.

* * *
   
Sa puna, reaksiyon at suhestiyon, mag-email lang sa This email address is being protected from spambots. You need JavaScript enabled to view it. o mag-text sa 0915-6492023.