5,795 guests

LTFRB magsasagawa ng pulong tungkol sa isyu ng UV Express

  • Written by Jun Icban Legaspi
  • Published in Metro
  • Read: 364

PUPULUNGIN ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ang mga driver, operator, commuter at iba pang concerned party kaugnay sa isyu ng UV Express.

Ayon sa pahayag ng LTFRB, gaganapin ang consultation sa lahat ng partidong may kinalaman sa problema ng UV Express 2 p.m. ng  September 5, 2016  sa central office ng ahensiya sa Quezon City.
   
Batay sa ulat, isasagawa ang consultation sa utos na rin ni Department of Transportation (DOTr) Secretary Arthur Tugade na mabilis na solusyunan ang problema sa pagitan ng mga UV Express driver, operator at commuters.
   
Nag-ugat ang sigalot matapos ipatupad ang pagbabawal sa mga UV Express na dumaan sa EDSA nitong nakaraang buwan upang maibsan ang traffic.   Nauna rito, umalma ang mga driver, operator at commuter group sa ipinatupad na policy ng LTFRB.
   
Ayon sa mga driver, humaba ang kanilang biyahe at lumaki ang gastos nila sa diesel dahil malayo ang iniikot nila para makaiwas sa EDSA bilang pagsunod sa kautusan.
   
Ang mga commuter naman ay nagsabi na masyadong mahaba ang kanilang nilalakad ngayon para marating ang mga terminal ng mga UV Express para makasakay.
   
Kapwa umaasa ang mga grupo na malulutas agad ang isyung ito para na rin sa kapakinabangan ng publiko.