4,742 guests

Koko prinotektahan si De Lima?

  • Written by People's Tonight
  • Published in Top Stories
  • Read: 533

SINISI kahapon ni Whistleblower Asssociation of the Philippines President Sandra Cam si Senate President Koko Pimentel sa ginawa nitong pagtatakip kay Sen. Leila de Lima noong kalihim pa ng Department of Justice. Noon pa man umano ay open-secret na ang anomalya sa New Bilibid Prisons na kinasasangkutan ng bodyguard-driver ng senadora subalit hindi siya pinagbigyan ng senador na ibunyag ito.    Matatandaan na tinangkang harangan noon ni Cam ang confirmation ni De Lima sa Commission on Appointments sa pamamagitan ng paghain ng statement na nagsasalaysay ng relasyon nito kay Ronnie Dayan, ang pagkaroon nito ng sex video scandal at ang paglaganap ng illegal na droga sa loob ng national penitentiary ngunit hindi pinagbigyan ni Pimentel na isiwalat ito sa Senado. Iginiit ni Cam na kung pinagbigyan lamang s’ya ng senador na tumestigo ay hindi na sana lumawak pa ang operasyon ng illegal na droga sa kulungan at matagal na ding na-neutralize ang labas-masok na operasyon ni Dayan sa piitan.

“Dati pa we want to prove it ’yung anomalya sa NBP na may kinalaman si Dayan noong secretary pa si De Lima ng DoJ pero hindi kami pinakinggan ni Sen. Pimentel. Nakapagtataka na hindi man lamang nya kami ipinatawag bilang humaharang sa confirmation ni De Lima, eh ’di sana noon pa nalaman na ang korapsyon sa NBP,” pahayag ni Cam.

Umaasa ito na ngayong Senate president na si Pimentel na kaalyado ng kasalukuyang administrasyon ay hindi naman na nito ipagtatanggol ang senadora bagkus aayon sa katotohanan.

Iginiit ni Cam na hindi personalan ang pag-atake n’ya kay De Lima. Bilang babae umano ay ayaw n’ya itong gawin lalo pa at magkababayan sila ng senadora subalit napipilitan umano s’ya na gawin ito lalo pa at ginagamit ng lalaki ang relasyon nito kay De Lima para malayang makapag-operate sa illegal na droga.
   
Samantala, inamin din ni Cam na dahil batid naman ng mga taga-DOJ ang relasyon ni De Lima sa kanyang bodyguard driver ay malaki din ang nagiging impluwensya nito. Sa katunayan, ang hindi umano direktang nakakalapit sa dating kalihim ay dumadaan kay Dayan at ito rin ang naglo-lobby sa promosyon ng ilang agent ng NBI at prosecutor sa DOJ.
   
Tiniyak naman ni Cam na sa binuksang pagkakataon ni Pangulong Duterte na isiwalat ang nalalaman kay De Lima ay handa din silang maki­pagtulungan.