4,660 guests

Nahihiya

  • Written by Nitz Miralles
  • Published in Showbiz
  • Read: 802
Angel Locsin Angel Locsin

Spotted uli sina Angel Locsin at ang nali-link sa kanya ngayon na si Niño Roberts sa premiere night ng Camp Sawi. Hindi maiwasang marami ang maintriga sa guy na kasama ni Angel, kinunan siya ng litrato at video at tila ininterbyu pa.

Naging viral ang picture nina Angel at Niño at kahit hindi pa malinaw kung dating sila, marami agad ang pabor sakaling maging boyfriend ni Angel si Niño.

Una silang nakitang magkasama at tila, their first public appearance together ay sa Cultural Center of the Philippines nang manood sila ng I America na entry sa 2016 Cinemalaya. Nakunan sila ng picture na nang ma-post sa Instagram (IG) ng isang reporter, sabi ni Angel, “Oh, my gosh... Nakakahiya ho ito. Pls. stop this.”

Galing sa political family si Niño na anak ni former Senator Robert Barbers at kapatid ni Cong. Ace Barbers at co-owners ng Tipsy Pig resto. Marami siyang kaibigan sa showbiz batay sa pictures na nakita namin sa IG nito.

* * *

Last week na ng naughty rom-com series na Juan Happy Love Story  after 16 weeks of airing. Sa Friday, September 2, malalaman na ang ending ng love story nina Juan (Dennis Trillo) at Happy (Heart Evangelista).
   
Sa rami ng magagandang eksena, favorite ni Heart ang pagsasayaw nila ni Dennis sa Obando, Bulacan para humingi ng anak. Paborito rin niya ang honeymoon scene dahil hindi niya akalaing magagawa niya nang hindi siya nailang at nahiya.
   
“Pa-cute kasi ako, but this show made me fall in love with my work again. Parang nabuhayan at na-excite uli ako dahil bago at na-explore ang side ko na hindi ko nagagawa. Dito, parang balik ako sa dati. Na-enjoy ko ang buong production at hindi ko naramdaman magtatapos na kami. Na-enjoy ko ang work ko,” sabi ni Heart.
   
Ano ang mami-miss niya kay Dennis?
   
“Na-challenge ako sa kanya na every taping namin, ano na naman ang pag-uusapan namin. He’s very shy dati, tahimik at gusto mag-isa at nagko-concentrate lang, pero ngayon, hindi na siya mahiyain.”
   
Wala pang next show si Heart dahil bukod sa marami ang ginagawa kasama ang pagsu-supervise sa ipinapatayong bahay, naka-set ang mind niya na magbuntis kundi sa January ay sa February 2017. Focus siya sa baby-making kaya tinatapos na ang mga commitment this year at gustong makalipat bago magbuntis.

* * *

Natutuwa si Andre Paras sa magkaibang concept ng dalawang shows niya sa GMA-7 dahil kung sasayaw at magku-comedy siya sa Sunday PinaSaya, nagku-comedy at may fight scene naman siya sa Encantadia.
   
Thankful si Andre na kasama na siya sa SPS  at maging part ng host at ituring na kasama sa pamilya. Happy din siya para sa fans nila ni Barbie Forteza dahil regular silang mapapanood habang wala pa silang soap.
   
Samantala, napapanood na rin si Andre sa Encantadia bilang si Wahid, the same role na ginampanan ng amang si Benjie Paras. Ang foreign actor na si Conan Stevens ang madalas niyang kaeksena. “Amazing” daw itong kaeksena at klik silang dalawa at madalas, nagkukuwentuhan. Nadiskubre niyang gusto ni Conan ang bansa  natin at bilib sa pagiging propesyonal ng cast ng fantaserye.
   
Samantala sa Encantadia, dinala si Adhara (Sunshine Dizon) kay Hitano (Pancho Magno). Iniyakan ni Lira (Kate Valdez) ang narinig kay Imaw na ‘di pa siya handa maging reyna. Makikita ni Hagorn (John Arcilla) si Lira. Palalabasin ni Pirena na patay na si Alena.

* * *

Kasama sa cast ng Someone To Watch Over Me ang GMA Artist Center talent na si Ralph Noriega bilang si Jepoy Mercado, ang masayahing kapatid ni Lovi Poe. Una siyang napa-nood sa Poor Señorita at masaya dahil may next project agad.
   
Naaliw kami kay Ralph dahil kahit artista na, nag-paka-fan pa rin. Nakita naming after ng presscon, nilapitan niya ang co-stars ng teleserye at nagpakuha ng litrato. Ang mommy niya ang kanyang photographer at  nasa Instagram (IG) ang mga litrato niya with the cast of Someone To Watch Over Me.
    
Anyway, taga-Biñan, Laguna si Ralph na mas gusto ang drama at dito siya komportable. Happy siyang nakasama sa soap na tungkol sa Al-zheimer’s disease. Sa September 5, ang pilot nito sa direction ni Maryo J. Delos Reyes.