4,913 guests

Truck driver tinuluyan nabundol na skateboarder

  • Written by Edd Reyes
  • Published in Metro
  • Read: 774

“PAKIURONG po ng truck para matanggal ang nakaipit sa gulong na paa ng kaibigan namin.” Ito umano ang  pakiusap ng mga kaibigan ni Jeriemy Matias, 13, matapos magulungan ang kanyang paa ng malaking sasakyan. Laking gulat nila nang pinaandar ng driver pasulong ang truck at sinagasaan pa ang ulo ng biktima.
   
Sa ’di kawasa’y ang kasabihan ng driver na “Mabuti pa na makasagasa at makapatay kaysa sa makasagasa at maka­pinsala,” ang nagbigay ng lakas ng loob sa isang 45-anyos na truck driver na sadyaing paabantehin ang kanyang sasakyan na naging dahilan para maluray ang isang 13-anyos na batang lalake na una niyang nahagip sa paa habang nagi-skateboard noong Miyerkules ng gabi sa Malabon City.
    
Si Roger Reyes, 45, ng 3281 Santos Teodoro St., Tondo, Manila ay kakasuhan ng ‘murder’ imbes na ‘reckless imprudence resulting in homicide’ pagkatapos na umano’y sinadya niyang sagasaan ang Grade 8 pupil na kinilalang si Jeriemy Matias ng 45 Gov. Pascual Avenue, Bgy. Tinajeros.
    
Sinabi ni Malabon Police Women and Children’s Protection Desk (WCPD) investigator PO2 Diana Palmones na ang insidente ay nangyari bandang alas-9:30 p.m. sa kanto ng Gov. Pascual at Araneta Avenues sa Bgy. Potrero.
   
Si Matias, kasama ang kanyang mga kaibigan, ay naglalaro ng skateboard nang ’di sinasadyang mahagip ng isang 18-wheeler truck (RJB-459) na minamaneho ni Reyes. Ang paa ng biktima ay naipit sa huling gulong ng truck. Hiniling ng mga kaibigan niya sa driver na dahan-dahang patakbuhin ang truck upang maalis ang paa ng bata sa pagkakaipit sa gulong.
 
Bumaba si Reyes mula sa truck at nang makita ang napinsalang bata, siya ay sumakay uli at sinadyang patakbuhin ang truck at sinagasaan ang ulo ng bata na naging dahilan ng agarang pagkamatay ng biktima.
    
Kaagad inaresto ng mga rumespondeng tauhan ng Malabon Police Community Precinct (PCP) 2 si Reyes habang ang kanyang sasakyan ay inimpound sa Malabon Police Traffic Unit.