4,959 guests

‘Hero’s burial’

  • Written by Allan Encarnacion
  • Published in Opinion
  • Read: 339

Hala bira!
WALA itong kinalaman kay Marcos.
   
Lalong wala rin itong kaugnayan sa pinagtatalunang nananahimik na sementeryo ng mga bayani.
   
At wala rin itong kinalaman sa itinakdang oral argument ng Korte Suprema.
   
Si Konsehal Hero Bautista ng Quezon City ang ibig kong sabihin.
   
Pero linawin ko lang, buhay pa rin si Hero, hindi pa rin siya kasama sa mga nakipag-agawan ng baril sa pulis.
   
Simple lang ang isyu rito, ang pagiging drug user ni Hero. Wala tayong personal knowledge kung ano ang degree ng kanyang paggamit ng shabu at marijuana.
   
Pero ang sigurado, gumagamit siya ng ipinagbabawal na gamot batay mismo sa kanyang pag-amin at mga confirmatory test na ginawa sa kanyang makulay na ihi!
   
Sa madalas na pagkakataon, ang mga nagde-deliver ng speech, lalo na sa konseho, kongreso, palasyo o kahit pa entablado-publiko ay napapahamak kapag hindi maayos ang pagkakasalansan ng mensahe.
   
Okey na sana ang paghahayag ni Hero ng kanyang pansamantalang pagliban sa konseho kahit pa dapat ay permanently ay tanggal siya sa serbisyo batay sa Civil Service Code.
   
Ang problema lamang, wala sa hulog ang pagsasabi niyang biktima siya ng drug menace sa lipunan.
   
Kung ‘yan ang kanyang katwiran, dapat siguro ay ma-cross examine ka ng mga abogado de areglo.
   
Una, your honor, bakit mo nasabing biktima ka ng drug menace? Nakagapos ka ba habang sumisinghot ng shabu at humihitit ng marijuana?
   
Susunod na tanong, your honor, posible kayang natutulog ka habang ang usok ng marijuana at shabu ay puwersahang pumasok sa iyong ilong at bunganga nang wala kang kamalay-malay?
   
Ikatlong tanong, your honor, posible kayang habang ikaw ay dumadalo ng sesyon sa konseho ay puwersahan kang binuhat ng mga usok ng marijuana at shabu papunta sa isang sulok?
   
Ano pa ba puwedeng itanong your honor? Alam ko na, posible kaya na habang ikaw ay kumakandidato bilang konsehal ng lungsod ay pinagtulungan kang igapos ng libu-libo mong supporters at tinakot na hindi ka nila iboboto kapag hindi ka suminghot ng shabu at marijuana?
   
Marami pa sana akong puwedeng itanong your honor pero kukulangin ang ating espasyo kaya dyan ko na muna lilimitahan ang pagtatanong.
   
Ngayon kung ang sagot mo sa mga tanong na ito Konsehal Hero ay oo, puwede kitang suportahan sa iyong katwiran na biktima ka nga ng drug menace.
   
Pero dahil alam naman namin na palusot mo lang ’yan at dapat bitayin ang gumawa ng iyong speech, dapat siguro panagutan mo ng iyong posisyon ang paggamit ng droga.
   
Kailangan mong mag-resign sa iyong puwesto at pagbawalang makahawak ng posisyon sa gobyerno until manumbalik ka na sa tamang disposiyon.
   
Ang totoo, baka hindi mo alam, inilibing mo ang iyong sarili sa iyong mga pahayag. At dahil dito, nakikiramay kami sa iyong mga taga-distrito na nagtiwala at bumoto sa iyo.
   
Condolence po sa mga botante ng Lungsod Quezon!
   
By the way, kulang ang accesory sa speech ni Konsehal Hero, nakalimutang lagyan ng seal ang podium sa konseho.
   
Iyon seal na gawa sa karton na may nakasulat na “huwag akong tularan.”

* * *

This email address is being protected from spambots. You need JavaScript enabled to view it..