5,924 guests

De Lima umaming may katotohanan ilang bintang

  • Written by Marlon Purificacion
  • Published in Top Stories
  • Read: 555

INAMIN kahapon ni Senador Leila de Lima na may bahid ng katotohanan ang mga alegasyon sa kanya ni Pangulong Duterte bagama’t karamihan umano ay pawang kasinungalingan.

Hindi naman binanggit ng senadora kung ano ang mga totoong akusasyon sa kanya.

“This is what I can say at this point. Okay, may kaunting totoo d’yan, pero karamihan d’yan, exaggerations, distortions and lies,” pahayag ni De Lima sa panayam sa kanya sa Senado.

“Ang nakikita ko kasi ngayon, parang hindi na alam ng tao alin ang totoo d’yan, alin ang hindi. Totoo ba ‘yan? Kasinungalingan ba ‘yan?” dagdag pa nito.

Tinawag ng Pangulo na immoral si De Lima kasabay ng akusasyong ang driver ng dating kalihim at ngayoy senador ang kalaguyo nito at sinasabing taga-kolekta ng pera mula sa mga drug lords noong panahon ng kampanya.
   
Tahasang pinabulaanan ni De Lima ang alegasyong may kumukolekta para sa kanya noon sa New Bilibid Prison
   
“And foremost of the lies, is yung sinasabi na may nangongolekta para sa akin sa Bilibid. That is an absolute lie,” giit nito.
   
Paliwanag pa ni De Lima na matagal na niyang dine-deny na siya ay protektor ng drug lords o drug convicts.
   
“Ilang beses ko na ’yan dine-deny. So, I’m denying it again. (That’s) an absolute lie; that’s completely false! I would never do that because I’ve never betrayed my oath as a public servant  and I don’t intend to betray my oath as a public servant, lalo na may mandato ako sa taumbayan,” anito.

Pinayuhan naman ni Sen. Bam Aquino si De Lima na huwag matinag at matakot sa harap ng mga personal na atake na ibinabato ng administrasyon laban sa senadora.
   
“Nakakalungkot na naging personal na ang mga atake kay Sen. Leila de Lima ngunit sana’y huwag siyang magpatinag at walang takot na hanapin ang katotohanan at hustisya sa pagdinig ng Senado sa Lunes,” ani Aquino.
   
Sa kabila ng akusasyon, tiwala si Sen. Bam na malalampasan ni De Lima ang pagsubok, lalo pa’t kilala siya bilang matibay at matapang na opisyal ng pamahalaan.
   
Nakatakdang im­bestigahan ni De Lima, chairperson ng Senate committee on justice and human rights, ang talamak na extra-judicial killings sa bansa sa Lunes.