5,684 guests

Handang sumuporta kay Comm. Faeldon

  • Written by Vic Reyes
  • Published in Opinion
  • Read: 295

SA kabila ng pagsisikap ng  Bureau of Customs (BoC) ay bigo pa rin itong mapalaki ang  kanilang revenue collection. 

Kaya nga may mga nagmumungkahing bumuo ng isang council of advisers na tutulong sa pamunuan ng BoC. 

Ang trabaho ng konseho ay tagapayo lang ng BoC commissioner.
   
Ang membership ng konseho ay manggagaling sa iba’t ibang sektor ng sosyodad na may sapat na kaalaman sa pagpapatakbo ng BoC.
   
Mas maganda kung ang ilan dito ay manggagaling sa mga naging BoC chief, importer, broker at customs-based media.
   
Hindi daw kailangang bumuo ng inter-agency committee dahil lalo lamang magkakaroon ng problema. Hindi naman kasi lingid sa kaalaman ng publiko ang “lagayan” sa ibang ahensiya ng gobyerno.
   
Isa sa mga nakikita nating karapat-dapat na maging miyembro ng konseho ay si dating BoC Commissioner Titus Villanueva.
   
Isang abogado, CPA at lisensyadong customs broker, si Villanueva ay nagsilbi sa BoC ng mahigit na apat na dekada.

Nagretiro siya bilang hepe ng BoC na malinis ang record.
   
Nasisiguro natin na isa siya sa mga taong hanggang ngayon ay iniisip pa rin ang pagpapaganda sa serbisyo sa aduana.
   
Inuulit natin, tagapayo lang ang trabaho ng konseho na dapat magpulong ng regular.
   
Nasa BoC chief pa rin kung tatanggapin niya o hindi ang rekomendasyon ng konseho.
   
Hindi gagastos ang gobyerno dahil voluntary basis lang ang pagsapi sa konseho.
   
Hindi naman siguro malaking gastos kung papameriendahin ng BoC ang mga miyembro kung may pulong.
   
Isa pang nakikitang dahilan sa paghina ng importasyon ay marami pa daw importer at broker ang “wait and see” hanggang ngayon dahil wala daw malinawag na pahayag ang pamunuan ng BoC kung ano ang nais na ipatupad pagdating sa mga babayarang buwis. May mga nagtatanong kung magkano na daw ba ang “benchmark” sa bawat produkto.
   
Naniniwala tayo na sa sandaling makarating kay Commissioner Nic Faeldon ang hinaing ng mga importer at broker ay agad itong aaksyunan ng magiting na kapitan.

Ayon sa mga nakausap nating stakeholder sa aduana, handa naman daw silang suportahan ang mga liderato ni Comm. Faeldon.

* * *   

Mabuti naman at personal na nakita ng Pangulong Duterte ang pinsalang dulot ng pagbabaha, lalo na sa Metro Manila at karatig-pook.

Ayon sa report, si Duterte ay nagsagawa ng aerial inspection noong Lunes sa mga binahang lugar sa Metro Manila at Central Luzon.
   
Kasama niya sa inspection si NDRRMC Executive Director Ricardo Jalad at Special Assistant to the President Christopher Go.
   
Nakita ni Duterte ang pinsalang dulot ng habagat o southwest monsoon.
   
Huwag nating kalimutan na habagat lang itong puminsala sa atin.

Diyos na lang ang makakaalam kung ano ang sasapitin natin sakaling  isang super typhoon ang tumama sa bansa.
   
Katulad ng iligal na droga, hindi lang buhay ang sisirain ng bagyo o baha.
   
Buong barangay, bayan, syudad at probinsiya ang wawasakin ng isang bagyo o baha.
   
Sa nakita ni Pangulong Duterte ay siguradong gagawa siya ng mga hakbang para masulusyunan ang problema.

Kung ano man ang mga hakbang na ito, dapat suportahan natin siya.
   
Kagaya ng ibinibigay nating suporta sa kanyang kampanya laban sa iligal na droga.

* * *   

Wala tayong tutol sa pagbibigay ng “extra rice” sa mga pamilyang sakop ng Conditional Cash Transfer (CCT) program ng gobyerno.
   
Ang pagbibigay ng libreng bigas sa tatlong milyong beneficiaries ng CCT ay nakapaloob sa 2017 national budget.
   
Ang P3.35-trilyong budget sa susunod na taon ay isinumite na ng Malakanyang sa Kongreso.
   
Kagaya ng sinabi ko, tama lang na bigyan ng libreng bigas ang mga kasapi ng CCT.
   
Pero dapat bantayang mabuti ang mga nakikinabang sa programa. May mga bali-balita na isinusugal lang ng maraming beneficiaries ang tinatanggap nilang pera.