6,321 guests

25K manggagawa, nanganganib!

  • Written by Paul M.Gutierrez
  • Published in Nation
  • Read: 289

NALAGAY sa balag ng alanganin ang trabaho at kinabukasan ng tinatayang 25,000 manggagawa matapos ang deklarasyon ni Pangulong Rodrigo ‘‘Rody’’ Duterte na itigil ang operasyon ng mga “E-games” sa buong bansa.

Sa unang pulong ng Gabinete ni Duterte noong Hunyo 30, isa sa mga atas ng pangulo sa Philippine Gaming Corporation (PAGCOR) ay ang pagkansela sa prangkisa ng mga electronic (E-games) games kung saan ang pinamakalubhang naapektuhan ay ang ‘Philweb’ ng negosyanteng si Roberto Ongpin na binansagan pang ‘oligarch’ ng Palasyo.
   
Tinangka pang ‘i-renew’ ng Philweb ang prangkisa nito noong Agosto 10, subalit tinanggihan na ito ng PAGCOR.
    
Ayon pa sa mga nasa industriya, aabot sa 5,000 manggagawa ang apektado at nawalan ng trabaho dahil sa nasabing desisyon.
    
Anila pa, nasa bingit din ng alanganin sa ngayon ang trabaho ng may 20,000 empleyado ng iba pang ‘electronic gaming companies’ dahil sa balitang “pinag-aaralan” na rin ng PAGCOR kung paano kakanselahin ang mga lisensiya ng mga nasabing kumpanya kahit na may pinanghahawakan pa silang kontrata sa gobyerno.
    
Himutok naman ng ilang apektadong manggagawa, mas dapat bigyan ng prayoridad ng gobyerno ang pagsugpo sa mga iligal na sugal katulad ng jueteng, masiao, on-line casino at on-line sabong.
    
“Bakit mga ligal na kumpanya ang ipinasasara ng gobyerno?
    
“Hindi ba dapat unahin yung mga iligal gaya ng jueteng, masiao, on line casino at yung bago ngayon na on line sabong?
    
“Nananawagan po kami sa Pang. Duterte na isipin naman sana ang kapakanan naming na mga manggagawa,” dagdag pa ng mga ito.